
6 minute read
Slippery when Wet
Article by: Mika Dimapilis | Artwork by: John Carlo De Torres
“Ang paglisan mo’y parang unang pagkabunot ng aking ngipin. Alam kong sumakit, pero, hindi na naaalala pa.”
Advertisement
Hindi ko ba alam kung ano pa ang mahalaga. Ang pagpasok sa isang playground nang hindi pinag-iisipan o dapat ba may paalam. Kapag bata ka naman kasi, hindi mo kailangan ng approval ng kung sino man para gawin ang isang bagay.
Bata ka eh.
Hindi ka in-eexpect na mag-isip ng malalim sa edad mo.
Wala eh.
Bata ka.
Pero alam mong walang bata at matanda paglabas mo sa kalye.
Itataya mo ang buhay mo sa patintero ng mga sasakyan at sa biglang pagharurot ng kamatayan.
Ang bigla mong pagkabulagta sa kalsada, ang biglang hindi pagkapit ng gulong sa dumulas nang aspalto ng daan. ***
“Hindi na magawang mabilang pa ng mga otoridad ang mabilis na pagdami ng mga batang nawawala sa bawat barangay. Ngunit ayon sa datos ng---“
Natigil ako sa paglalaro ng buhangin nung biglang narinig ko sa TV ang balita. Tumingin ako sa bandang kaliwa at doon, nakita ko si Inang, natigil din sa kanyang ginagawa, nanlalaki at maluha-luha ang mga mata sa narinig na balita. “Teyang, naririnig mo ga ah-reng nasa tibi? Aba’y nangagwawala ang mga bata rine sa iba’t ibang lugar. Ay, ike’y mag-iingat ha.”
“Opo, Inang,” dagli kong sagot.
“Katulad nu-ong nangyari kay Isko ay putagres na iya’y kahindik-hindik sadya.”
Nangilabot ako nang binanggit n’ya ang pangalang ‘Isko’, ang batang biglang nawala tapos bigla na lang nahanap, nahanap s’ya ngunit wala nang buhay. Kasabay pa no’n, nabulag ang kaibigan n’yang matalik na si Neneng. Hindi namin alam kung may katotohanan ba ‘yung istorya na ‘yun dahil sampung taon na ang nakakalipas.
Naalala ko pa ang sabi-sabi ng mga matatanda. Dati raw iskwaters ang lugar na to. Nasunog daw ang iskwaters kaya pinatayuan na lamang ng sabdibisyon. Hindi ko ba alam sinong paniniwalaan sa mga sabi-sabi ngunit hindi ko maipaliwanag bakit sa tuwing naririnig ko ‘yun, nangingilabot talaga ako.
Sandali pa’y natauhan ako sa aking iniisip. Pinagpatuloy ko na lang ang paglalaro sa buhangin.
“Ay talaga naman pihong pinag-iintindi nah-reng si Teyang na ah-re ay ang paglalandi eh! Pag ike’y naano laang diyan, ay talaga naman---“, sigaw ni Inang
habang inililikom ang iba kong laruan.
Ganyan naman talaga si Inang. Kapag sandaling masaya na ako sa ginagawa ko, kinukuha nya at nililikom agad.
“Hindi mo pa baga aayusin ang iyong gamit, Teyang?”
Napatingin ako nang masama sa nanay sabi sabay hinga nang malalim, “Inang, mamaya po. Hayaan n’yo po akong maglaro muna.”
“Oo nga naman Inang, aba’y hayaan mong maglaro si Teyang habang bata pa.Ilang taon laang iyan?Apat?”
Napangiti ako sa narinig kong boses. Boses iyon ni Ate! Hindi ko na inisip kung si ate ba talaga iyun, basta na lamang akong tumakbo sa kinaroroonan n’ya at mahigpit na yumakap. Sa sobrang saya, napahigpit ang yakap ko sa kanya. “ATE! ATE! ATEEEE!!!”
Wala na akong masabi. Narito na si Ate. Si Ate na galing Dubai na ngayon lang ulit umuwi pagkatapos ng isang taon. Kumalas ako ng pagkakayakap sa kanya at tumingin s’ya sakin nang buong saya, “Inaaway ka pa ba ng Inang?”
“Opo, ate. Inaaway pa rin ako ng Inang.”
Maluha-luha na ang aking mga mata nang sandaling sabihin ko iyon, litrato na lamang ni Ate ang naroon. Nami-miss ko na s’ya dahil labingdalawang taon na rin syang hindi umuuwi sa amin. Ni wala na kaming balita sa kanya.
“Lalo pang umiigting ang tindi ng sigalot na nangyayari ngayon sa Dubai dahil sa biglaang pagkakaroon ng terrorist attack ng isang American suicide bomber na si Jessie McDonald, kasabay ang sunud-sunod na missile attack ng bansang Amerika sa bansa.”
Napatingin ako sa TV, nagulat sa bagong balita. Sadyang lalo pang tumitindi ang digmaan sa iba’t ibang dako ng mundo.
“TEYANG! ANO BA! MAHUHULI KA NA!”
Pero walang mas lalakas sa digmaan na nangyayari sa loob ng aming bahay.
Bumababa na naman ang nararamdaman ko sa sigaw ni Inang. Lalong lumalala ang kanyang pagkamahadera nang mawala nang tuluyan si Ate. Paano, si Ate na lang ang may trabaho samin, nawala pa.
“Opo, Inang. Teka lang po.”
“Galingan mo ang paglalandi ha, Teyang.”
Nagulat ako sa sinabi nya, “Paglalandi po?”
Tumingin, s’ya sa’kin habang nakakunot ang noo, “Basta’t mag-ayos ka na!”
Ibinigay nya sa akin ang bag na punong-puno. Lalo akong nagtaka.“Inang, ano to?Saan tayo pupunta?”
Hindi sya sumasagot kaya pumunta ako sa kinaroroonan n’ya at tinanong pa s’ya nang isa pang beses. “INANG!SAAN TAYO PUPUNTA?!”
Hinawakan n’ya ko nang buong igting sa damit nang biglaan at inihampas sa dingding, “ANO BA TEYANG! TANGA KA BA? WALANG WALA NA TAYO! WALANG WALA NA!”
Hindi ko na namalayan ang pagtulo ng luha ko, tumigil ang lahat. Naubos ang laman ng silid. Ang mga dingding na sira ang pinta ay napalitan ng masiglang pink na kulay. Naging maaliwalas ang lahat.Nangingiti ang Inang habang hawak-hawak n’ya ako pataas.Masaya s’yang hinihele ako.
“sana’y di magmaliw, ang dati kong araw, nang munti pang bata sa piling ni nanay”.
Napapangiti ako nang sagad, lubos na natutuwa sa ganda ng boses n’ya. “Nana!”
Napasabi ko na lang, ito ang mga araw na wala pa akong alam na salita. Pero alam kong mahal na mahal ko ang aking ina.
“INANG!ANO BA!”
At ito naman ang mga araw na wala na akong alam na sabihin dahil hindi ko alam kung mahal ko pa s’ya.
Binitawan n’ya na rin ako agad at dahil dun, dali-dali akong tumakbo palabas ng bahay. Wala akong pakialam kung wala akong sapin sa paa. Kung wala akong dalang iba kundi ang sarili ko na lang.
“TEYANG! TEYANG! PUTANGINA BUMALIK KA!”
Hindi na ako nagpatinag kay Inang, ni hindi na ako lumingon pa, tuloytuloy, rinig na rinig ang pagpadyak ko sa aspaltong sahig. May mga parating na sasakyan pero nagawa ko pa ring magpatuloy.
Hindi na rin pumapatak ang mga luha ko.
Naubos na ata.
Nang makalayo pa ako, naisipan kong huminto muna at umupo sa gilid ng basurahan.
Nang makaupo ako, naramdaman ko ang lahat ng pagod, ang mabilis na pagtibok ng puso, ang tumatagaktak kong pawis. Mahirap huminga, pero kailangan.
Hindi ko ba alam kung ano pa ang mas masakit. Ang unang pagkabunot ng ngipin ko o ito.
“Ineng!”
Napakislot ako nang biglang may matandang babae na lumapit sakin.
Napatingin ako sa taas, hindi ko kilala ang babae na ito.
“Ay hindi mo ba ga alam na mapanganib na rine sa lansangan? Dalagita ka pa man din!”
Buong lakas akong tumayo at sumagot sa kanya, “Tumakbo po kasi palabas
ng bahay. Hindi ko po namalayang napalayo na pala ako nang matindi---“
Habang nagsasalita, napatigil ako. Dali-dali kong napansin ang paligid, ang ayos ng daan. Ang mga tao.Parang ang laki ng pagkakaiba. Para akong nasa ibang panahon.
“Bakit ka napatigil, apo?”
“Ay, wala po. Parang ibang-iba na po ang lahat.”
“Ay ganun ba? Oo. Ibang-iba na nga ang lahat. Sa dami ng nangyayaring insidente ng pagkawala ng mga bata, sa lumalalang digmaan ng iba’t ibang bansa, parang wala nang totoong pagmamahal na nangyayari sa mundo. Iyon siguro ang napansin mo.” Tumuro s’ya ng isang dalaga na naglalakad, “Nakita mo iyong naglalakad na iyon? Iyong dalagang nakasuot ng earphones?Kagaya mo rin s’ya.”
“Ako po?Papaano?”
“Apo, kung ako sa’yo, uuwi na lang ako sa bahay ko. Baka mamaya, may dumaang puting van na nangunguha ng kabataan eh makuha ka pa.”
“Bahay? Saan po ba ang bahay ko? Para akong baboy ro’n!”
Napapikit s’ya at napatungo.“Sige. Alam kong mahirap ang lahat, pero mas mahihirapan ka kung susugal kang manatili rito sa lansangan kung wala kang ibang dala.”
“Ayoko na ho.”
“Ay s’ya, sige.” Lumayo na lamang s’ya nang mahinahon at pinanood na lang ang pag-alis n’ya.
Muli akong napag-isa at tiningnan ang buong paligid. Madilim na ang langit. Masama na rin ang panahon. Wala naman akong dalang pera, ni walang pamalit na damit. Wala akong magagawa kundi, ang umuwi.
Makunat Kapag Tuyo By: Mika S. Dimapilis
While young You should just enjoy The elixir of life The beauty of a Pre-fully bloomed flower The redness Of swelling cheeks And the Tight grip Of the rough surface Of the old asphalted road You won’t feel any Because you were young You were not aware But when time comes It will be forgotten Only to feel another one.