
15 minute read
No Blowing of Horn
no blowing of horns
Article by: Marie Dominique Oña | Artwork by: Paul John De Leon
Advertisement
Eksaktong alas sais ng umaga ay nagising na ‘ko para mag-asikaso. Eto ang gawain namin kada araw ng linggo. Gigising, kakain ng agahan, maliligo at pipili ng pinakamaayos na polo upang planstahin at isusuot papunta sa dapat naming puntahan — ang tahanan ng D’yos.
“Gabrielle! Bilisan mo diyan at mahuhuli tayo sa misa,”sigaw ng aking ina mula sa baba ng bahay. Dali-dali akong nagsuot ng medyas, patakbo kong kinuha ang aking sapatos at mabilisang isinuot ito.
“Tara na inay,” pag-aya ko.
“Kuya kanina pa kami naghihintay. Natagalan ka na naman sa pag-aayos ng buhok mo ano?” Nginitian ko lamang ang aking bunsong kapatid. Gusto ko sanang sabihin na hindi iyon ang dahilan kung bakit ako natagalan ngunit masyado pa siyang bata upang maintindihan ang mga salitang gustong kumawala mula sa aking bibig.ngunit s’yempre wala naman akong magagawa kun’di umayon sa naaayon na kilos.
At ng makarating sa simbaha’y mainit ang pakiramdam ko pagpasok palang na para bang napunan ng kung ano ang matagal kong nang hinahanap. Aaminin ko na ‘di ako palasimba ngunit sa katunayan ay buo ang aking paniniwala at pananalig sa D’yos. At habang naghihintay ng pari ay tumunog na ang maliit na kampana, hudyat upang tumayo ang lahat dahil mag-uumpisa na ang misa. Naglakad na ang mga sakristan at ang iba pang mga tao na nagsisilbi sa simbahan at sa may hulihan ay nandoon ang pari.
“Alam ko ito ang makakatulong sa iyo,” bulong nya. Pinaupo na ang mga tao at nagsimula na ang unang pagbasa. Eto nga ba? Eto nga ba ang makakatulong sa akin? Malulunasan ba nito ang lahat ng mga mali sa’kin? Dagdag ko pa.
Samantalang sa ‘di kalayuan ay may lalaking dumating na pumukaw atensyon sa aming kinauupuan. Matangkad s’ya, maputi, plakado ang buhok na mistulang iginugol niya ang buong oras sa pagaayos ng buhok.
“May nakaupo?” pagturo n’ya sa tabi ko. Napaawang nang kaunti ang aking mga labi. Ang mga titig n’ya ay nakapagpalunok sa nanunuyot kong lalamunan. Ang amoy n’ya ay humahalimuyak tulad ng paborito kong bench cologne na napakasarap singhutin.
Hindi magkamayaw ang aking mga paa na para bang gustong magwala, ‘di ko rin maintindihan ang kung bakit ganito.—
“Ayon tutoy o mukhang doon sa bandang unahan walang nakaupo, may nakaupo na kasi dito e hinihintay lang namin yung asawa ko,”napalingon ako sa’king ina na nakaturo pa ang daliri sa bandang unahan.
“Mama matagal nang patay si papa,” ani ng nakababata kong kapatid.
“Alam ko ‘nak nasisikipan na kasi ako sa p’westo natin kung uupo pa s’ya,” tinignan n’ya ko’t hinawakan ang aking kamay.
Maya maya pa’y nagsimula na ng homiliya at ang pagsesermon ng pari.
“Hindi ko maintindihan ang mga kabataan ngayon kung bakit pilit nilang
ipinagsisiksikan ang mali sa kung ano talaga ang tama. Sinasabi sa bibliya na ang lalaki ay para lamang sa babae at ang babae ay para lamang sa lalaki ngunit bakit mistulang bumaliktad ang ikot ng mundo at nagsilabasan itong mga taong‘di umano ay naniniwalang taliwas sila sa kung ano sila no’ng sila ay pinanganak,”panimula nito. Para akong binuhusan ng yelo dahil sa mga sinabi n’ya.
“Tayong mga tao ay hindi na nakuntento sa kung ano ang inilaan sa atin ng Diyos. Pinanganak kang lalaki nararapat lamang na mabuhay ka bilang isang lalaki at tumayo bilang lalaki. Ano ang mga nangyayari sa mga kabataan ngayon? Noon pa man ay tutol na ang simbahan sa same sex marriage dahil naniniwala ang kataas-taasan na salungat sa layunin ng Diyos.” ***
“O Gabrielle ikaw na, galingan mo ha!” nag-umpisa akong bumwelo, tinansya ang bawat galaw at nagsimulang tumalon. Tumakbo ako at binuka ang mga binti upang hindi ako madanggil ng mga kamay para ‘di ako mataya. Lahat sila ay naghiyawan noong nakatalon ako nang mataas.
“Panalong panalo ka talaga sa luksong tinik!” galak ang nadarama ko sa tuwing nanalo ako sa aming mga laro gaya ng ten-twenty, tagu-taguan at chinese garter na ako palagi ang nanay. Sa tuwing haharap naman ako sa salamin ay binabaluktot ko ang aking bewang upang magkaroon ng magandang kurba sabay kuha ng mga kurtina at ipupulupot sa katawan upang gawing gown o kaya na ma’t sa may bawang at ikakampay ang binti na para bang serena.
Naging makulay ang mundo ko panandalian hanggang sa nalaman ito ng aking ama at binugbog ako ng hiya at pagkadismaya. Halos buong memorya ko sa pagkabata ko ay pasa at latay na natamo ko mula sa aking ama. Hindi iyon nakayanan ng aking ina kaya sinabi n’ya hanggang sa mamatay ang aking ama na hindi kailan man ako maapi ng lipunan.
Marahil mababa ang pagkakakilanlan sa amin ngunit unti-unti ay nakuha ko na itong yakapin at mas ipagmalaki lalong lalo na para sa’king sarili. ***
Nilingon ko ang aking inang tahimik na nakikinig sa pari. “Hindi ko rin maintindihan kung bakit kailangan magkaroon ng karapatan ang mga ito sa loob ng palikuran, hindi nga ba kawalan ito ng galang at respeto sa kasarian ng isang tao?” tahimik ang lahat at wala ni isang nagsalita na para bang lahat ay umaayon sa mga tinuran ng pari.
Hindi ko na napigilan ang aking sarili, tinaas ko ang aking mga kamay na siyang kinagulat hindi lamang ng aking ina kung hindi ng lahat ng tao. “Gabrielle! Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?”
“Pasensya na ma,” maging ang lalaking nagtanong sa akin kung may bakanteng upuan ay napalingon. “Mukhang may isa kabataan tayo dito na punto ng ating usapin. Sige iho, magsalita ka,”bumilis ang tambol sa aking kalooblooban
ngunit ipinagpatuloy ko ang naumpisahan ko.
“Mawalang galang po, maaring sa inyo at sa grupo ng simbahan ay isang kasalanan ang maging isang bakla ngunit, hindi ba mas kasalanan ang tumalikod sa kapwa? Para bang may nakahanda nang imp’yerno sa amin kung husgahan n’yo kami. Pero tama nga naman ‘pagkat dito pa lang sa ibabaw ng lipunang ito ay nararanasan na namin ang imp’yernong sinasabi ninyong patutunguhan namin,”Huminga ako nang malalim sa paglalakas loob.
“Buong buhay ko ay sinubukan ko gamutin ang mistulang sakit na dumapo sa akin ngunit buong buhay ko din ay hindi ako naging masaya. Kung ang sinasabi n’yong Diyos n’yo ay tatalikuran din ang mga kagaya namin hindi ba parang sinasabi n’yo na mapanakit ang Diyos ninyo? Nasa’n ang kapayapaan para sa sanlibutan kung patuloy n’yo kaming binabatikos. Tumatayo ako hindi lamang para sa sarili ko kung hindi pati na din sa lahat ng taong katulad ko sa loob ng simbahang ito. Kailaman ay hindi ko tinalikuran ang Diyos ngunit ang mga taong nagsisilbi sakanya ay pilit kaming winawaksi. Nilalayuan na para bang may sakit kaming nakakahawa, gusto ko lang malaman ng lahat ng tao dito na kailaman man ay hindi lunas ang kailangan naming kung hindi ang buong pagtanggap n’yo sa amin,” mariin kong ipinikit ang aking mga mata.
Ramdam ko ang init at tensyon ng sulyap at bawat isa na nakikinig habang inihahahayag ko ang aking saloobin,bagama’t naging matalim ang aking mga dila’y wala naman akong naging punto upang ipaglaban lamang ang karapatan at pagkatao namin, kaya mabilis na kumawala ang damdamin na kay tagal ko nang gustong kumawala sa’king presensya at doon nalamang napunan at nagkaroon ng palagayan ang aking loob.
Pag alis namin lulan ng aming sasakyan ay nakita kong muli ang paalalang,“NO BLOWING OF HORN. CHURCH ZONE.” Sa pag andar ng sasakyan papalayo sa simbahan ay lumingon ako at dito nakita ko sa likod ang karugtong sa nakasulat ng paalala unahan. “EXCEPT WHEN NECESSARY.”
Bagwis Ni: Gualberto F. Gimongala Jr
Kung sa pag pupumiglas, tuluyang makaalpas mula sa tanikalang dagok, pagkamuhi’t dismaya Kung susumuin sa mabokang diskusyo’y walang lugar upang makipagtunggali Ngunit h’wag sanang dumapo sa isipan na walang puwang ang pagkakakilanlan Sapagkat gaya ng isang paru-paro’y nakahanda pa lamang sa napipintong lalim ng pagbabago

t-intersection
Article by: Vernalyn Montero | Artwork by: Paul John De Leon
Hinahabol ako ng grupo ng mga bakla.
T-Intersection - lugar na wala kang ibang pipiliin kung hindi huminto. Kasabay ng malamig na simoy ng hangin ang pagpatak ng tagaktak kong pawis habang ang mga tuhod ay naghihikahos, nangangatog. Bahala na kung saan ako mapasuot, kaliwa man o kanan, ano't ano pa man ay bahala na si batman basta ako'y makatakas sa poot na dinadala kahit sandali lang. *** "Hoy! Bumangon ka na. Sisikmuraan na kita kapag 'di ka pa humiwalay sa unan na 'yan!" ani Tatay. Bagama’t mahapdi pa ang mata ko’y ‘di ako nasindak sa kanyang bulyaw. Ikaw baga naman ang mag-almusal ng mura kada umaga’y ‘di ka masasanay?
Pagkababa ko pa lamang mula sa ikalawang palapag ng bahay ay tanaw ko na naman ang iniipis na pinagkainan mula kagabi. Kaming dalawa lang kasi dito sa bahay (maliban na lamang kung may bisita si itay) pati na rin sa buhay kaya kung wala ni isa sa’ming dalawa ang kikilos ay kaunti na lang ay magiging bahay na ito ng mga ipis. Nagkalat ang mga walang lamang basyo ng lambanog sa lababo pati na rin ang mga plastik ng sugo’t boy bawang.
Patuloy siya sa pagdadakdak habang nasa harapan ng kanyang kostumer. "’Tay, papasok muna ako. Pag-uwi na po ako maghuhugas ng pinagkainan," sigaw ko kay tatay habang umiiskapo palabas ng bahay nakakasulasok ang salubong sa aking ng umaga. Ni hindi niya ‘ko in-alok mag-almusal man lang at hindi na rin ako nagtaka kasi walang maghahanda puyat siya e. "Carlos, Carlos sabay na tayo!" damba sa akin ni Jake, kaklase ko.
Hindi ko mawari kay tatay kung saan nanggaling ang Carlos na pangalan ko pero 'wag ka, lakas maka-gwapo. "Bayad po, Bi-es-yu lang. Estudyante." Paglapat pa lang ng aking pwetan sa upuan ng jeep ay agad namang naghahagaran ang aking mga talukap. Nakakahiya sa aking katabing bigla na lamang nababagsakan ng aking ulo sabay tingin sa'kin habang nagsasalubong ang drawing na kilay. Huwag n'yo akong husgahan. Natutulog naman ako sa bahay, hindi nga lang mahimbing at masarap. Bigla-bigla na lang ako nagigising. Kaya’t pipiliin ko pang manatili sa paaralan kaysa makarinig ng iba't ibang huni. Kainamang bagal naman ng takbo nitong nasakyan sadyang mapapahikab ka na lang sabay pikit. ***
Tinatahak ko na naman ang EDSA, biro lang, muntik lang maging EDSA sa sobrang traffic sa umaga. Hindi ako makaidlip sa puntong ito. Nagpapanting na ang aking tenga dahil sa maya't mayang pagbusina ng mga sasakyan. Alam na ngang traffic, mga tao talaga.
Naisipan ko munang buksan ang aking selpon at magpatugtog, medyo
malayo pa ako. Habang nakapalsak sa magkabila kong tenga ang headset ay bigla ko naisipang ihinto ang rakrakan nina Chito. Hinayaan kong makipagtitigan sa nasa harap ko. Ang ganda n'ya, gandang yayamanin ‘yung tipong masarap amuy-amuyin. Pormahang cool kid ika nga. Habang nakatitig ay nginingitian ko s'ya, ngisi na nga ata ang aking nagagawa sapagkat nakakapangatal s'ya ng kalamnan at nakaka-basta. Hanggang sa ang mata ko'y halos naging sinukmaning naghahanap ng budbod sa ibabaw sa sobrang lagkit ng pagtitig mula ulo hanggang sa pababa… nang pababa… nang pababa..
Ito na ang hinahanap ng aking mata, ilang frontrow gluta kaya ang nalaklak nito? Saglit, muli ay ibinaba ko ang aking tingin hanggang sa – sh*t scam! Lakas magsuot ng dress na napakaikli hindi naman marunong mag-ipit, sabagay baka masakit. Kaya pala nakikipagtitigan din sa akin, akala ko pa naman tipuhan n'ya rin ako. Oo tama pala, tipo n'ya nga ako. "Para ho, para ho,” hindi ko na matiis ang titig n'yang malagkit pa sa kending natunaw. Nakakarimarim. Mukha ba akong tag-wawampipti? Kung anu-ano na nga ang aking nababalitaan at nasasaksihan uma-umaga't gabi-gabi sa ating lipunan, ayoko nang dumagdag pa. Masisisi n'yo ba ako kung bakit ang advance kong mag-isip? Kayo kaya ang titigan habang nginungusuan ng dinaig pang nasuntok na nguso sa sobrang pula, ‘pag hindi mo naman talaga naisip na pagbaba mo'y agad kang hihilahin at tututukan ng kanyang sandata.
Naglalakad na ako patungo sa aming klase. Madalas nilalabanan ko ang paglalandian ng aking mga talukap pero sa puntong ito, ganado ako.
Usapang arts, kahit pa kumunot ang noo ko sa naranasan ko sa b’yahe kanina gaganahan sadya ako dahil gusto ko ang usaping mga ganito. Mahilig akong gumuhit, magaling na sana ako kung hindi lang pasmado pero pag-uukit ang paksa namin ngayon. "Ma'am bakit po sa Thailand kalat ang mga nililok na hugis ari ng lalaki?" tanong ng aking kaklase. ‘Pag kabataan nga naman, ‘yun pa ang naisipang halimbawa sa dami ng mga dibuhong nililok sa ating bansa.
Bahagyang napatawa ang aming guro. Ano kayang mayroon sa ari ng lalaki at kahit sa Baguio ay lawit -lawit ito sa kung saan.
Pabibong nagtaas ng kamay si Jake, dal’wang kamay pa ha, akala mo naman mauungusan. May pagkaloko 'to pero matalino. "Ganto kasi 'yon. Hindi n'yo natatanong e bakasyunan ko lang ang Thailand, biro lang. Eroplanong papel nga ako'y wala pamasahe pa kaya sa tunay na eroplanong patungong Thailand. Ang tawag d'yan ay 'Palad Khiks' sa Thailand. Para sa tulad kong gwapo, hindi ko na
kailangan n'yan. Pinaniniwalaang pang-akit 'yan ng mga kababaihan, pampaswerte sa sugal at isipin mo, pinaniniwalaan ding kaya ka proteksyonan n'yan sa matatalim na bagay, pati sa gahasa, uso pa naman ngay'on ang puting van. Kung dito sa atin ay anting-anting."
Kainaman, hindi ko lubos maisip kung bakit ari pa ang ginamit. Alam kong madalas 'yon nakalawit pero bakit kailangan nila laging bitbit o isabit? Natawa na lamang ako sa itsura ng titser ko habang nasa bibig ang kanang kamay. Miske ako'y nagugulat din. Hagalpakan naman ang mga kababaihang inam makakaang, ay sigla e basta usapang kakaiba. "Mali pala ang buong akala ko" kamot ni ma'am sa ulo. "Akala ko'y dahil iyon sa pagiging sentro nila sa pagpapalit ng ari," dagdag pa n'ya.
Napatanong ako sa sarili ko. Bakit kailangang magpapalit kung kaya namang makiliti kahit pareho sila ng ari?
Ang sarap titigan ng mga liwanag sa daan kasabay ng ingay ng mga tao at sasakyan sa palengke patungo sa aming paradahan pauwi. Kasakay ko nanaman s'ya, ang magandang buong akala ko'y babae. Hindi mawala ang tingin n'ya sa akin hanggang sa nagtaka na lamang akong parehas kami ng binabaan. Sino 'to?
Papasok ako sa bahay at papasok din s'ya. Hinayaan ko na lang, baka kostumer ni tatay.
Habang papalapit sa pinto ay 'di ko mawari ang nararamdaman ko. Kabado't namamawis, napapadasal na lamang akong hindi sana ako pagsamantalahan o nakawan man lang dahil wala naman siya makukuha sa akin kung hindi ang mga graham balls kong itinitinda sa paaralan, kahit gipit ay nagsusumikap akong sa abot ng aking makakaya hindi ko dadalasan ang paghingi kay tatay, bukod sa mahirap lang kami, ayoko rin ng pinaggagalingan ng perang kinikita n'ya.
Papalapit na ang una kong hakbang sa hagdanan, humakbang din s'ya. Hinayaan ko lang.
Naririnig ko ang muling pagkikiskis ng hindi lang da’lwang espadang walang bihis. Napapailing na lamang ako dahil ganito na ang nakalakhan ko. "Tay, kustomer n'yo ata may bakante pa po bang kwarto?" tanong ko.
Natigilan si tatay. Napansin kong nangangatal s'ya habang nakatitig sa nakasabay ko kanina. Ngayon ko lamang nakitang halos mabasa ng luha ang mukha ni tatay. Patuloy lamang sa paghikbing halos hindi na makahinga habang nakatakip ang mga kamay sa kanyang bibig. Nakakapagtaka dahil iba ang kilos ni tatay, marahil lumabas ang pagiging madamdamin n'ya sa puntong ito.
Nilapitan ko si tatay at inabutan ng tubig, maya-maya pa ay unti-unti na s'yang kumalma. Bigla akong nagulat ng hawakan n’ya ang aking kamay, hindi ko pa nararanasan ang magka-nanay ngunit naramdaman ko kay tatay ang lambot ng pagiging isang ina. Hinawi ng ang mga luhang unti-unti na rin
pumatak sa aking mga mata. "Anak, magmano ka, tatay mo s'ya," hikbi ni tatay habang pinipisil ang aking mga kamay. Napabalikwas ako ng tayo. Naghalo ang aking emosyon habang nakatingin sa baklang kasakay ko kanina na ngayo'y pinakikilala bilang tatay ko. P*tang*na hindi ko na alam kung ano pang sikreto ang meron sa buhay ko. Ultimo nanay, kapatid, lolo o lola, kahit sinong kamag-anak ni hindi ko kilala kahit isa. "Anong kalokohan 'to?" Nagmamakaawa kong sambit habang patuloy sa pag-iyak ngunit napapangisi sa galit. "Anak, patawad kung matagal kong itinago sa'yo. Hiyang hiya akong malaman mo at takot na takot akong hindi mo ako matanggap dahil hindi ako tinanggap ng mga lolo't lola mo. Ayokong pati ikaw ay mawala sa buhay ko. Anak, ako ang nanay mo, transgender ako," iyak ni tatay habang nakaluhod sa harap ko. "P*t*ng*n* naman. Halos hindi ko na nga masikmura ang pagiging motel ng mga bakla ang bahay na 'to. Tapos ngayon n'yo sasabihin sa akin na transgender kayo? Ang galing n'yo magtago, ni hindi ko napuna. Tapos ito, itong bihis babaeng 'tong may itlog sasabihin mong tatay ko? Tay naman!" pagmamaktol kong pasigaw habang umiiyak.
Natitigilan lahat ng kustomer ni tatay. "Anak, patawarin mo ako kung itinago ko ang katotohanan sa'yo. Natakot lang ako, natakot lang anak," ani tatay habang nakaluhod at yakap yakap ang aking mga binti. "Ilang beses kong tinanong kung nasaan ang nanay ko. Sabi mo sumama sa iba? T*ng*na. Eh ikaw pala! Nagpapakasasa sa negosyong nakakadiri! Bakit mo kailangang itanggi ang 'yong sarili? Tatanggapin naman kita. Ito ngang pagtira dito sa motel na 'to natiis ko. Kayo pa kayang mga kadugo ko. Kahit ano pang estado n'yo, natin, tatanggapin at tatanggapin ko kayo," sumbat ko habang singhot nang singhot na wari mo'y mauubusan ng hininga. "Anak…" lapit sa akin ng tunay kong ama ngunit tinabig ko ang kanyang kamay.
Hindi ko kinaya ang sitwasyon. Hindi ko alam kung kaninong bisikleta ang nadampot ko. Matulin kong pinatakbo at hinabol ako nina tatay sakay ng Mio, tama nga ang uso ngayon, Mio para sa tomboy. Kasunod ang mga baklang naging pamilya na rin ang turing sa tatay ko dahil gabi gabing iniraraos sa bahay ang tawag ng kanilang kalamnan. Napahinto ako sa intersection, ang dilim masyado. Wala akong pakialam kung sa kaliwa o kanan ang susuutan ko basta makatakas lang ako sa sakit at bigat na nararamdaman ko. Basta ang tanda ko, hindi ako makapili at matulin kong idiniretso. Nakalimutan ko, naka bisikleta lang ako habang matuling naka-motor ang mga tatay ko.
*** "Hoy! Gising na. Masyado mong in-enjoy ang traffic, baba na. Nandito na tayo," sambit ni Jake na bahagya akong sinasampal. "Naunahan tayo ng tatay mo, 'yon oh naiwan mo raw project mo," dugsong n'ya. "Hala 'tay, pahipo nga at payakap. Ang lupit ng panaginip ko! Ikakagat ko muna sa kahoy, baka magkatotoo," bulong ko. Buti nga’t panaginip lang ang lahat.

Salang Ruta Ni: Vernalyn Montero
Nang minsang rumagasa ang bugso ng damdamin, Sinubukang ikubli ang natatagong perlas miski sa hangin, At s'yang may espada'y inalisan ng bihis Akong binhing naipunla bunga ng pakikidigma, ang nakipaglaban sa katotohanang inilibing sa nakaraan. Hindi kilalang ako ang tumambad sa akin Pinagmula'y pinagkait Ampalaya'y dinaig sa pait Bagkos huminto't pag-isipan ang napipisil na pagliko, Mas naakit sa paglihis sa tama Humaruro't umarangkada Pagtatagong pilit ang piniling ruta. Nang minsang rumagasa ang bugso ng damdamin Sa bawat gabi'y aking samo't dalangin. May kaliwa't kanan sa pagpili Huminto muna saglit at mag-isip Bago tahakin ang nag-aatubiling mithiin.