
12 minute read
Narrow Road Ahead
Article by: John Carlo De Ocampo | Artwork by: Paul John De Leon
Nagmistulang isang higanteng tokneneng ang araw habang unti-unti itong nilalamon ng kalupaan habang ang mga ulap nama’y lumalapit na sa guhittagpuan.
Advertisement
“Uwian na rin sa wakas”
Hindi ko rin lubos mawari kung bakit lagi akong sabik na umuwi galing ng eskwelahan gayong wala namang sabik na sasalubong sa’kin pag-uwi kundi ang bunso kong kapatid, mga librong tila pinagkaitan na ng kahinuga’t panahon, mga kagamitan ko sa pagsusulat ng mga tula at nobela.
Sulat dito, sulat doon.
Basa dito, basa doon. Sa walumpu’t anim na libo’t apat na raang segundo na mayroon sa isang araw, halos kalahati no’n ang iginugugol ko sa pagsusulat at pagbabasa lamang, wala naman kasi akong social life dahil sa hindi ako mahilig makihalubilo sa mga tao. Minsa’y naitanong ko na sa’king sarili kung tama pa bang maging imbalido habang madami namang maaaring ikutan ang aking mundo?
Sa puntong ‘yon ay itinigil ko pansamantala ang aktibidad na aking nakasanayan at muling nahumaling ang atensyon sa paglalaro ng kung anoanong computer games ngunit ipinagpapasalamat pa ring hindi naudyokang humithit ng sigarilyo’t uminom ng alak, malala’y mag-droga.
Suot ang aking damit na kupas at shorts na may wakwak na punit pa ang laylaya’y naisipan kong pumunta sa aking mga tiyahin para mangutang ng ipangbabaon sa pasukan – Ako ‘yung klase ng taong walang pakialam sa kung ano man ang isuot o sabihin ng ibang tao, basta’t alam kong wala namang maselang bahagi ng aking katawan ang makikita’y isusuot ko ang bawat naisin ko. Hindi kagaya ng ibang taong may kaya naman, mayaman, o may labis na pantustos sa kanilang mga hinahangad sa buhay ngunit kasuotan nama’y kulang na lang ay ang ihain ang sarili sa hapag ng mga mandarambong para pagpyestahan nitong mga uhaw sa masasarap na putahe.
“Kuya, alam mo po ang tagalog ng charger?” tanong sa akin ng kapatid kong bunso na nasa edad na walo. “Uhmm… Pantablay, yata?”, sagot ko habang kinakamot ang sintido dahil sa hindi kasiguraduhan. “Tingnan mo narin sa internet, hindi ako sigurado eh”, karagdagan kong sinabi habang nakangiting tila iyamot.
“Ah. Sige po kuya, salamat po.”
Pagkasabi niya’y dali-dali siyang nagpunta sa kanyang kuwarto. Muntikan niya pang matabig ang basong nasa lamesita na paborito pa naman ng aming ama. “Dahan-dahan bunso, bakit mo nga pala natanong?” pahabol kong tanong sa kan’ya.
“Wala po kuya. Salamat po ulit”, sagot niya habang nakangiti sa akin.
Napakamot nalang muli ako sa aking sintido habang patuloy pa ring
ginugulo ng inaasal ng kapatid ko ang aking isipan. “Hindi kaya…may girlfriend na ang kapatid kong ‘yon?”, pangangamba kong tanong sa aking sarili.
Sa kadahilanang ayaw kong may iniisip ako, habang naglalakad ay itinulog ko nalang muna ang mga naiisip ko at makalipas ang isa’t kalahating oras ay nagising na akong may biskwit na purita sa tabi. Agad kong hinanap ang aking selpon at charger. Inisip kung baka nailagay ko lang sa kung saan ‘yon kaya hindi ko na patuloy na hinanap.
Malayo-layo rin ang aking nilakad bago ako makarating sa bahay ng aking mga tiyahin dahil halos nasa bundok na ang aming bahay habang nasa bayan naman ang sa aking mga tiyahin. Sa aking paglalakad ay agad kong nasulyapan ang aking kapatid na nasa kabilang kalsada na may hawak na tinapay, lapis, at… papel?
“Love letter? Love letter ba yun?” pagulintang kong tanong sa aking sarili. “Kaya niya ba tinanong kanina kung ano ang tagalog ng charger?” dagdag kong sambit sa aking sarili.
Pinagmasdan ko muna siya para alamin kung saan siya tutungo hanggang sa tumigil siya sa isang kantina na tila may inaabangang dumating. Hindi ako mapakali sa aking kinatatayuan; lingon dito, lingon doon. Lahat ng parte ng kalsadang posibleng litawan ng hinihintay ng aking kapatid ay tinitingnan ko.
Makalipas ang ilang minuto ay nabigla ako sa aking nakita. Isang batang lalakeng ka-edad niya ang agad nakapukaw ng aking mga mata, gulagulanit ang kasuotan nito at madungis – halos puno ng grasa ang dalawang braso nito at binti, kaunti sa mukha. At may dala-dalang butas ngunit pamilyar na bag. Hanggang sa napansin kong ‘yon ang nasirang bag ng aking kapatid.
Agad lumapit ang bata sa aking kapatid na nasa labas lamang ng kantina. Pagkatapos noo’y naupo sila sa gilid ng kalsada habang ang mga tao’y dumaraan sa kanilang harapan. Inilabas narin ng bata ang mga gamit niya at nabigla akong sa paglapit ko sa kanila’y pahapyaw kong narinig ang aking kapatid na nagsalita.
“Ang tawag dito ay charger….” (Charger ko yun ah, ang batang ito talaga hindi man lang nagpaalam sa akin)
“Sabe ni kuya ko, ang tagalog daw ng charger ay pantablay. Sabe naman sa internet, ang tagalog daw ng charger ay…” pinagpapawisan ako sa sasabihin ng kapatid ko dahil baka mali ang nasabi ko sa kanya, parang sinisiyasat at pinipigang estudyante sa tuwing may gaganaping defense ng thesis sa eskwelahan. ‘Pantablay rin!’ saad nito habang ako’y napabuntong hininga na lamang dahil sa kanyang sinabi. ….
“Alam mo ba, Francis...” taas noo nitong kwento sa kanyang kaibigan. “Ang talino ng kuya kong iyon… (Akala mo lang bunso) pero nakakalungkot lang na hanggang sa ngayo’y hindi parin siya nagkakaroon ng girlfriend” sa
pagbitaw niya ng mga salitang ‘yon ay agad napakunot ng bahagya ang aking noo at napasimangot. (Grabeng bata ‘to, pati buhay ko kinwento na sa kanyang kaibigan)
Bago ako umalis ay bumili muna ako ng isang balot ng tinapay para sa kanilang dalawa. Nilasap ko muna ang amoy at halimuyak ng huling limampung-piso kong salapi bago ko ito ibili sa panaderya. Mabuti nalang kamo’y dala ko ang hooded-shirt kong damit na galing pa sa tiyuhin ko upang isuot para hindi ako mapansin ng aking kapatid. …
“Mga hijo…heto ang tinapay para sa inyong dalawa oh. Mag-iingat kayo dito sa kalsada ah” Paimpit kong sambit ng aking boses para magboses matanda ako.
“Salamat po lolo!” Galak na sabi ng aking kapatid. “Lolo mo yun?” Tanong ng kanyang kaibigan.
Habang paalis patungo sa bahay ng aking mga tiyahin ay bahagya kong narinig ang tugon ng aking kapatid sa tanong ng kanyang kaibigan.
“Hindi, pero sabe kase samen ni teacher namen ay…” Bigla nalang nagbago ang postura ng aking kapatid na gaya ng sa isang guro at sinabing… “Dapat magalang kayo sa mga nakakatanda sa inyo o hindi kakilala. Tawagin niyo silang kuya o ate, lola o lolo naman kung mas matanda, huwag basta nang maka hoy o oy kase masama ang walang paggalang sa mas nakatatanda sayo, gayundin sa ibang tao kahit sino o ano pa man ang katayuan nila sa komunidad.”
Napaluha ako ng bahagya sa narinig kong sinabi ng aking kapatid. Nakakamanghang sa edad niyang ‘yon ay nagagawa niya nang isabuhay at isagawa ang mga natutunan niya sa kanilang eskwelahan samantalang ako noong mga panahong iyo’y naglalaro lang ng patintero sa kalsada na tila walang pakialam sa mundo.
Makalipas ang araw na ‘yon. Papasok ako sa eskwelahan nang muli kong makita ang kaibigan ng aking kapatid na sa kasalukuya’y nasa kanyang eskwelahan. Lumalapit ito at humihingi ng kaunting tulong para sa pangkain nito kaya agad ko siyang nilapitan at binigyan muli ng tinapay na may kasama nang tubig. Nagpasalamat siya sa akin ng nakangiti at naupo sa may gilid ng kalsada para kainin ang bigay kong pagkain at inumin. Makalipas ‘yon ay dumiretso na muli ako sa eskwelahan. …
Uwian na noon, napaaga ang tapos ng klase namin dahil naubos na ang ituturo ng guro. Kaya’t ninais kong muling makita ang batang kaibigan ng aking kapatid para kamustahin siya ngunit hindi ko man lang siya masulyapan sa kahit anong parte ng kalsadang posible siyang makita. Pinagtanong ko rin kung may nakakita sa kanya, inilarawan; maliit, mga nasa edad walo at halos puno ng grasa ang pangangatawan. Ngunit hanggang sa huli’y wala paring maayos na
sagot, puro pang-mamaliit at walang kadahilanang suklam ang kanilang sambit sa tuwing ako’y magtatanong.
‘Batang puno ng grasa ang katawan? Batang pulube? Wala akong nakitang ganon, pasensya na!’ Kunot noo’ng sambit ng isang galanteng matandang lalake. ‘Bakit hinahanap mo ang isang pulube? DSWD kaba? Wala…wala akong nakitang ganon at kung may nakita man ako’y wala akong pakialam!’ Naiinis at tila pasigaw na sabi naman ng isang babaeng naka singsing na may diyamante at pulseras na ginto ngunit mukha namang peke. Naisip kong …
Ganon nalang ba talaga ang pagkasuklam ng karamihan sa mga taong may mababang katayuan sa buhay ngayon? Bakit tila isang anino na lamang ng mundo ang mga taong walang kaya?
Sa paglibot kong muli sa kalsada’y naalala kong may ilog nga pala sa may bandang kanluran na pinangliliguan namin nuon ng aking mga kaibigan na hindi ko parin napupuntahan. Sa tagal ko nang hindi napupuntahan ang ilog ay muntikan pa akong maligaw sa masukal na kagubatan. Pagkalipas ng apatnapu’t limang segundo ay narating ko ang ilog. Ngunit sa di inaasaha’y napakaraming tao ang aking nakita at nagmistulang isang parke ang ilog sa dami ng nakapalibot na tao ruon kaya’t para malaman ang nangyayari’y marahan akong sumiksik sa pagitan ng mga nagkukumpulang mga tao upang alamin ang totoong kaganapan.
Hindi ko inaasahang sa paglapit ko sa unahan ng napakaraming tao at makikita ko ang kaibigan ng kapatid kong si Rodney, maputla na ang kanyang katawan, nakahilata na’t tila wala nang buhay. Bigla nalang bumuhos ang luha sa aking mga mata. Ang dalawang binti’t braso ko’y nanlambot na tila binagsakan ng isang napakabigat na bagay. May nakapagsabi sa gilid na nalunod ang bata dahil sinagip nito ang isang batang babaeng anak ng isang mayamang opisyal.
Dahan-dahan akong lumapit sa bata, hinagod ang kamay nitong malambot na at lumingon sa likuran kung saan nakatayo ang nakakita sa pangyayare at tinanong.
“Bakit hindi niyo man lang po nagawang tulungan ang bata kung nakita niyo pala siyang nalunod?” pagalit kong sambit habang naluluha ang mga mata.
“Huwag kang magalit sakin utoy, hindi mo ba kilala ang tinataasan mo ng boses?” Pangisi nitong sapsap ng bibig sa’kin. “Ako lang naman ang mayor ng kinatatayuan mong kalupaan” dagdag nito habang naka-taas noo nitong satsat.
“Kahit sino ka pa o ano ka pa, kahit ikaw pa ang president ng bansang ito o ang may-ari ng buong mundo, may kakayahan po kayong iligtas ang bata dapat ginawa niyo! Naatasan ka pa namang mayor ng bayang ito tapos!” nagngangalit kong sambit ng walang takot sa opisyal na nasa aking harapan. Wala na akong ibang maisip nung mga oras na’yon dahil sa sobrang pagkamuhi.
Tumawa lang siya na tila wala lang para sa kanya ang pagkamatay ng bata.
“Bakit ko naman ililigtas ang batang wala namang pakinabang sa lipunan? Madudumihan lang ako kung niligtas ko siya” sambit nitong tila walang pakialam sa buhay ng iba.
Gusto ko nang pakawalan ang nag-uumapaw kong galit nung mga oras na ‘yon. Nakatikom na ang aking mga kamao para sana pamulatin siya sa mapaminsala niyang paniniwala ngunit agad pumitik sa aking isipan. “Paano nalang ang mararamdaman ni Rodney kung malalaman niyang may isang taong napahamak nang dahil sa pinaglaban siya?”
Makalipas ang dalawa’t kalahating oras ay mabilis natapos ang kaso sa pagkamatay ng batang si Rodney. Sa aking pag-uwi ay bakas parin sa aking mga mata ang lungkot at galit sa nangyari sa kaisa-isang kaibigan ng aking kapatid.
“Kung ganito ako kalungkot, paano pa kaya ang aking kapatid na sa kasalukuya’y walang kaalam-alam sa nangyari sa kanyang kaibigan?” naluluha kong tanong sa aking sarili habang papalapit sa pintuan ng aming bahay. …
“Sa wakas kuya dumating kana, kanina pa po kase kita hinihintay eh, kumaen na po kayo? Sina Mama at Papa po ay nasa bayan parin kase nagtatrabaho parin daw po sila parehas.” Nakangiti nitong sambit na pagsalubong sa akin habang may dala-dalang isang supot ng tinapay. (Para siguro ‘yun kay Rodney, nakakalungkot lang na…)
“Kuya aalis po ako ah. Sasamahan ko po ang aking kaibigan’ paalam nito sa akin.” Kasunod nuo’y ang muling pagluha ng aking mga mata. “Oh kuya, bakit ka po naiyak?” tugon nito sa pagluha ng aking mga mata.
“Si Ateng kulot na naman po ba?” Pahabol at tila nang-aasar pa nitong tanong sa akin na may halong tawa.
Napatungo nalang ako sa kanyang katanungan at nakangiti’t mahinahong sinabing... “Pasensya kana bunso ah, hindi masasabi sayo ni kuya sa ngayon eh. Sige, payag ako na puntahan mo ‘yung kaibigan mo pero mag-iingat ka ha, wag kang tatawid basta-basta kapag may sasakyang dadaan tsaka yung lagi kong bilin sayo bunso, wag kang…” Bago ko pa matapos ang aking sinasabe ay biglaan nalang may kumalabog sa kwarto niya. Kasabay no’n ay ang biglaan ding pagsasalita ng aking kapatid na tila walang kumalabog na kakaiba sa kanyang kwarto.
“Kuya…?” Bulong nito habang nakangiting tila naiiinip nang umalis papunta sa kanyang kaibigan.
“Sabihin niyo po kina Mama at Papa, mahal ko po silang dalawa tsaka po kayo.”
Sa pagbitaw n’ya ng mga katagang ‘yon ay muling nanaghoy ang aking puso at bigla akong kinabahan.
“Ano bang pinagsasasabi mong bata ka? Para ka namang…”
Huminto ako pansamantala dahil agad niyang sinabing… “Sige po, aalis na po ako, kanina pa po kase akong hinihintay dun ni Rodney eh.”
Hindi ko masabi sa kanya na, wala na ang kanyang kaibigan dahil alam kong masasaktan kung akin pa ‘yong sasabihin kaya’t mas mabuting isipin niya nalang na, baka umalis na ito at pumunta sa malayong lugar ng hindi nagpapaalam sa kanya.
“Sige, umuwi ka agad kung hindi mo siya makikita dun ah, malapit na kaseng magdilim eh,” mataimtim kong sabi sa kanya.
Ngumiti lamang siya at dahan-dahang lumabas. Sa kanyang pag-alis ay biglaan ko nalang naalalang, “Bakit kaya wala siyang dalang kahit anong gamit?” Kaya’t sinubukan ko siyang habulin dahil sampung segundo palang naman ang nakakalipas simula nung siya’y umalis ngunit nabigla akong sa paglabas ko ng bahay namin ay hindi ko na agad matanaw ang postura ng aking kapatid. …
Pagkaalis na pagkaalis ng aking kapatid ay naisip ko munang manuod ng telebisyon para alamin kung may karagdagan pang impormasyon ang naging kaganapan kanina. Sa unti-onting paghayag ng mga salita sa telebisyon ay nanlaki ang aking mga mata sa aking nakita. *Dalawang bata, nalunod sa ilog sa Banaghaw*
“Dalawa?” Gulintang kong tanong sa aking sarili dahil sa sobrang kalituhan. *Hindi pa man matukoy ang pagkakakilanlan ng batang halos puno ng grasa ang katawa’y meron muling kakalutang lang na bangkay sa nasabing ilog. Pinaniniwalaang ang dalawang bata’y may kaugnayan sa isa’t isa at maaaring nagkayayaang maligo sa nasabing ilog*
Makipot na Daan By: Angel Grace P. Armea
Bagama’t pinili kong magkulong Sa parirala’t paglalakbay na dulot Ng pag-iwas sa mga taong ‘di buo ang isipan
Mga taong kahit ang panahon ay— Nagsisilbi sanang taga-lilok ng pagkatao Upang maging tao
Ngunit bakit tila yatang paurong ang pag-usad? Ang pagdagdag ay nababawasan At ang paglapit sa katotohanan ay—
Nagiging isang makipot na daan.
