
8 minute read
Jay Walking
jaywalking
Article by: Angel Grace Armea & Monilyn Araja | Artwork by: John Lloyd Arriola
Advertisement
Laki ako sa lolo, at sobrang mahal na mahal ko s’ya kahit pa sinalo n’ya ang lahat ng amoy ng araw sa mundo. Lagi ko siyang tinatabihan sa pagtulog, hilig ko siyang yakapin kahit ayaw niya. T’wing kakain ay boluntaryo ko s’yang sinusubuan, paborito niyang i-ulam ‘yong pikong manga. Gayundin ay magkasalo kaming kumakain ng paborito n’yang Fudgee Bar kapag nagigising s’ya t’wing gabi.
Ako’y isang sisiw
Sa aking inay nawalay
Walang kumalinga
Nangangatal pa sa ginaw
At kung mag-umaga’y
Walang inang nagmamahal
Nasa’n ka inay
Haro’t iyong natitiis…
Palagi ko ‘yong pinapaawit habang nakaupo siya sa tungga-tungga niyang upuan. Pakiramdam ko’y napaka-espesyal ko sa t’wing ginagawa ‘yon sa’kin ng lolo. Nalaman ko ding bukod sa akin ay wala na s’yang iba pang inalayan ng awit, kahit pa sina mama. Minsan, kapag nagagawi ang mga pinsan ko’y ‘di maiwasang magtampo sila dahil ang atensyon ni lolo ay nakabuhos lahat sa’kin. Pinapaalala naman lagi ni lolo sa kanila na mahal naman daw niya sila pero sadyang mas malapit lang daw ako. Kami ba naman ang laging magkasama.
Limang buwang gulang lamang ako nang iniwan ako nina mama kay lolo’t lola para magtrabaho sa ibang lugar — para daw maibigay ang mga pangangailangan ko sa buhay at kung ano pa man. Pero mula no’ng umalis sina mama ay ‘di man lang sila bumalik at hinayaang ang uugod-ugod kong lolo ang magt’yagang umaruga sa akin. Tapos nito na lamang n’ya naisipang dumalaw sa’kin, nitong ako’y nasa wastong gulang na pero balewala na naman sa aking kung pumunta sila dito dahil hindi ko na rin makapa sa sarili ko ang pagkilala sa kanila bilang magulang.
May mga pagkakataon namang isinasama nila ako sa lugar kung sa’n lumaki ang dal’wa kong kapatid na sumunod sa’kin. Halatang mga laki sa layaw ang mga ito dahil walong taong gulang pa lamang ang bunso nami’y panay branded na ang mga kagamitan nito. Mahilig silang mamasyal sa mall na ni minsa’y ‘di nila nagawa para sa’kin. Kasi kung magpapadala man sila ng pera’y sakto na lamang sa pambili ng bigas namin ng aking lolo na pang-isang Linggo. Kahit sa simpleng usaping pinansyal ay ‘di man lang nila nagawang maging magulang.
‘Di ko malilimutan ‘yong araw na kasama nina mama ang kanyang mga amiga. Hiniram niya muna kasi ako noon saglit kay lolo kaya natuwa ako’t nagbakasaling natauhan ang aking ina’t gustong magpakananay kahit saglit. Mga bihis-mayaman ang mga amiga niya, may sari-sariling kotse’t van at higit sa lahat
ay ma-datong.
“Amiga, eto nga pala si Jerome,” turo n’ya sa kapatid ko habang inaakbayan ito. Pawang mga nakatayo lamang kami habang nagkukuwentuhan sa loob ng isang ‘di sa akin pamilyar na kapehan. ‘Di naman kasi ako madalas nakakapunta sa mga ganito. Alam niyo na, apo duty.
“Si Althea, bunso ko.” Ngumiti naman ang ipinakilala sabay hawi sa mga baby bangs na tumatakip sa kanyang noo.
Ngumiti na rin ako nang malaki habang inaantay na ipakilala ni mama. ‘Yong tipong magkukuwento s’ya kung ga’no n’ya ‘ko na-miss dahil sobrang tagal namin ‘di nagkasama. Samahan pa ng pagmamayabang dahil sa mga medalyang ipinapadala ko sa kanila t’wing sasapit ang recognition day namin no’ng ako’y hayskul pa. Namamasa ang kamay ko, marahil dahil sa magkahalong eksaytment at kaba.
“Halika na amiga, ‘di ba we will be meeting your friends from abroad?”
Inabot sa’kin ng aking ina ang kanyang bag pati na rin ang mga supot ng kanilang pinamili sabay lakad kasabay ng kanyang amiga.
Gusto kong umiyak.
Gusto ko nang umuwi kay lolo pero pinalaki ako ng ayos. Ayaw kong may masabing iba sa kan’ya ang ibang tao. Minabuti ko na lamang na matapos ang ganap, at nangako sa sariling hindi na sasama pa kahit kalian.
Dahil kay lolo ramdam ko naman yung buhos nang pagmamahal, kahit sobrang tigas ng ulo ko sa t’wing pinagbabawalan niya ‘kong sumama sa mga kaibigan kong nakiki-Mayohan. Sa probinsya kasi, sa Camarines Sur, may kultura kami na bawat sitio ay may kanya-kanyang santong ipinadiriwang t’wing ka-piyestahan ‘pag b’wan ng Mayo. Kasabay nito ang handaan at sayawan na animo’y nasa disco. Ang mga kinikita mula dito, dahil Php 5.00 ang entrance fee para sa babae’t Php 25.00 naman sa lalaki, ay nagsisilbing pondo sa mga proyektong isinasagawa sa kani-kanilang lugar. Gayong kami ang s’yang nagpasimula sa sitiong tinitir’han namin, kami ang s’yang nangunguna sa pagpapahanda at sa pag-aayos ng bailehan o sayawan.
Dahil doon kaya taon-taon kailangan naming manguha ng mga bakawan mula sa isla upang ipambakod sa paligid ng malawak na patag sa may likod ng aming bahay. Lagi kong kasama ang aking lolo na s’yang taga-timon ng aming bangka. Malakas pa ‘to kaya’t ‘di halatang nasa pitumpu’t dal’wang gulang na s’ya. Hilig n’yang magsiga ng nguso ‘pag nagpapahinga mula sa mga gawain, pambawas daw ng stress sabi n’ya. Naiinis s’ya kapag napapa-Ingles ako ng kaunti, tapos s’ya may pa-stress pang nalalaman.
May mga pagkakataong ‘pag papunta na ‘ko sa aking unibersidad, nito lamang ay bibigyan n’ya na ‘ko ng baon. Kahit alam n’yang binigyan na ‘ko ng tiya ko ng singkwenta’y pinipilit n’yang iabot sa’kin ang natitirang bente, na alam kong pambili pa n’ya ng hithitin. Nagseselos na nga sa’kin ang mga pinsan ko
dahil kahit minsa’y ‘di sila naabutan man lang ni lolo ng pambaon.
“May mga magulang naman kasi ka’yo.” – ako sa kanila kahit kinukurotkurot ang aking dibdib.
Minsan nga, naisip kong mas mabuti kung ako ang unang mawawala sa ‘min ni lolo para mabantayan ko s’ya. Naging dalangin ko iyon ng ilang mga gabi. Pero hindi sumapat ang panalangin ko.
Dumating ang araw na bigla na lamang s’yang nag-iba. Nanginginig na ang dati n’yang matikas na pangangatawan, pero ayos lang ‘yon. May mga pagkakataong nakakalimutan na n’ya kami, pati ang mga bagay na madalas n’yang gawin tulad na lamang ng pagkain, pag-ihi at paliligo, pero ayos lang ‘yon. Ang mahalaga’y buhay s’ya, nakikita ko’t nahahawakan.
May mga pagkakataong makikita na lamang namin s’yang nasa may taniman ng kamote.
“Hinahanap ko s-si Monilyn ‘yong apo ko,” para bang minamaso ang dibdib ko ng mga oras na ‘yon, ‘di ko masabing ‘lo ako ‘yong apo n’yo. Muli, niyakap ko s’ya nang mahigpit habang hinahayaang bumaha ang aking pisngi.
Ilang buwan pagkatapos ng araw na ‘yon ay humina na s’ya nang lubusan. Iba’t ibang kumplikasyon na ang dumapo sa kanya. Naawa ako sa kanya ngunit wala akong magawa dahil halos ‘di na rin tinatanggap ng kanyang katawan ang mga gamot na pinaiinom sa kanya. Parang ako ang nasasaktan sa t’wing pinipigilan n’yang umubo dahil ‘pag bumubuka ng kanyang bibig ay paniguradong kakahol s’ya na para bang magagasgas ang lalamunan.
May mga pagkakataong ayaw ko na s’yang sulyapan man lang. Pero kapag naiisip kong baka iyon ang maging huling pagkikita namin ay lakas loob ko s’yang pinupuntahan, kinakausap kahit pa hirap na hirap na s’ya sa kauubo.
Minsa’y may sumusuloy pa rin na pag-asa sa ‘king dibdib t’wing tatawagin n’ya ako sa’king pangalan – punong-puno ng pagmamahal, walang halong ubo o kung ano mang klase ng paggaralgal.
Maayos na ang lahat…
Nang gabing iyon, kinailangan na namin siyang dal’hin sa ospital habang namimilipit s’ya sa sakit ng ulo. Para bang sugat na pinigaan ng kalamansi ang nararamdaman ko no’ng mga oras na nagaapura ang lahat para mabuhat si lolo. ‘Di ko na tanda kung pa’no kami nakapunta sa ospital basta pagdating namin, nando’n na lahat ng mga pinsan ko. …akala ko lang pala.
Humahagulhol na ang mga tiyahin ko. Sina tiyo nama’y nakatingin sa may pinto, naghihintay ng maganda… sanang balita. Oxygen na lamang ang tanging sumusuporta sa kanya makalipas ang ilang araw mula nang dal’hin s’ya doon. Minsa’y madidinig ko sa mga kamag-anak ko pa mismo na kailangan na raw naming ihanda ang mga sarili namin sa mga susunod na mangyayari.
Nakakainis. Bakit gano’n na lang kadali sa kanila’ng bumitaw?
Pinauwi na muna kaming mga bata. Ang mga natira ay ang mga katandaang nakatoka sa pagbabantay.
Nakasakay na ‘ko sa tricycle pauwi. Parang kinakamot ang paa ko, ‘di ako mapakali.
Buhay o dignidad?
Halos patalon akong bumaba sa sasakyan at nakipag-patintero sa mga humahagibis sa kalsada. Wala na ‘kong pakialam sa mga naka-unipormeng tao na nagmamando sa pagtawid at pagtigil sa gitna ‘pagkat kung susunod ako’t maghihintay kung kailan ako papalibanin sa kabila’y ‘di ko na alam kung may maabutan pa ‘ko.
Bagama’t may karatulang “Bawal tumawid dito, nakamamatay!” ay wala na ‘kong pakialam. Mas mahalagang maiparamdam ko kay lolo ang huli kong yakap kahit madalas ay ayaw n’ya. ‘Di naman siguro ako mapag-aabutan, ang dami kayang tumatawid. Pero aaminin kong hindi ako sanay gumawa ng ilegal.
“Prrrrrrrrrt! Prrrrrrrrrrrrrrrt! Prrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrrt!”
Nagulantang ako sa sunod-sunod na pagpito ng traffic enforcer. Nanigas ang buo kong katawan. Pakiramdam ko’y nalubog ang paa ko sa espalto.
“Hindi ako handang sumayaw ng tala sa gitna ng kalsada.” – pagpapalubag ko sa ‘king kalooban.
Halo-halong pagkahiya, takot at kaba ang naramdaman ko. Nabingi ako sa dami ng hiyawan sa paligid kasabay ng hindi matapos-tapos na pagpito.
Bahagya akong lumingon sa ‘king likuran. At nakita ko ang tatlong bus na nag-uunahan.
Mali palang sabihin ko na hindi sumapat ang aking mga panalangin. Lolo, sa langit na lamang kita yayakapin.
Ako’y isang sisiw
Sa aking inay nawalay
Walang kumalinga
Nangangatal pa sa ginaw
At kung mag-umaga’y
Walang inang nagmamahal
Nasa’n ka inay
Haro’t iyong natitiis…
Dagling Pagpikit Ni: Gualberto F. Gimongala Jr
Pagragasa; Tuloy-tuloy na Pagbulusok nang nangagalaiting puot na kabagalan ng pagharuro’t Pagkukumahog— na panandaliang mahawi ang landas Bagama’t taliwas— ang latak ng damdami’y walang mapagkunan ng sapat na paraan— Kung pa’no pa kakalingain ang bakas ng pagmamadali, paghihinala’t panghihinayang— na ‘di na madaratnan pa sa kabilang dako.
