
6 minute read
No Parking
Article by: Angel Grace Armea | Artwork by: Harvey De Guzman
Makailang ulit man nating subukang pagtagpuin ang pagdating mo’t paglisan ay hinding-hindi noon mababago ang katotohanang isa lamang ako sa iyong mga parking lots. Wari ko’y ilang taon na ‘kong ‘di mapakaling mag-isa.
Advertisement
Araw-araw kasama ko ang mga kaibigan ko na may kanya-kanyang buhay, lablayp kumbaga. May ilang beses na silang nakapagpalit ng kani-kanilang mga jowa samantalang ako na bente uno anyos na’y ‘di man lang nakaranas na magkaroon kahit isa. Sino ga naman ang mapapakali? Hindi naman paurong ang edad natin. Patuloy na umiikli ang ating mitsa kung saan, habang nagbibigay tayo ng liwanag sa iba’y tayo naman ang unti-unting kinakain ng dilim.
Hindi ba puwedeng maki-uso sa mga iGen na mga kabataan ngayon sa kanilang mga post sa peysbuk ng litratong nage-effort na ginoo at gumamit ng caption na ‘Paranas naman po’? Para naman sana’y bago ako tuluyang maupos ay masasabi kong hindi sa Limbo (destinasyon ng mga hindi nabinyagang kaluluwa) ang diretso ko. Beke nemen.
May mga pagkakataong kailangan kong magtapos ng mga gawain ko tulad ng thesis na kadalasa’y print lang ang ambag ko pero mas pinipili kong maupo’t magmuni-muni. Mag-isa ako, walang kausap at walang kahit na sino na maaring takbuhan sa tuwing gusto ko nang sumigaw at magsabi ng mga masasamang words. ‘Di ba puwedeng maging sapat na dahilan na iyon para hindi maging produktibo? Wala akong inspirasyon upang patuloy na lumaban. Samantalang lahat ng nadaraanan ko kapag ako’y naglalakad ay may kanya-kanyang kahawak-kamay. Kung ako nama’y mapapakain sa paborito kong fast food at o-order ng walang sawang chicken ala king with fries and drinks (sprite) ay ang mga kasunuran kong babae na nakapila ay may kanya-kanyang taga-order.
Bakit ba kailangang ipaalala ng mundo na nag-iisa ako?
Tapos ‘yong iba napakadali lang sa kanila na magkaroon ng iniirog, bakit ako?
Bakit parang ‘di ata patas ang mundo?
Bago pa man ako pumasok sa loob ng bahay ay makikita ko na sa may labas ang kapatid kong babae’t jowa niya (na lalaki) tuwing uuwi ako sa bahay galing sa pub. Wala talagang pinapalagpas, pati ba naman sa bahay?
May mga pagkakataon na ngang halos ayoko nang mag-scroll sa peysbuk dahil mas marami ro’ng mga nagpapa-inggit na nilalang. Ayoko nang pigaan pa ng kalamansi ang sugat. Sa totoo lang, puwede rin naman akong makisali’t mamingwit ‘di ba?
Imbes na maghinanakit sa teknolohiyang kadalasang nagiging sanhi ng paglalalim ng aking pag-iisip at dagliang pagiging panyo ng aking mga unan sa gabi, hinayaan kong maglakbay ang aking mga kamay sa aking telepono’t nagsiyasat ng mga maaring paglibangan nang may isang pamilyar na pangalan ang nag-pop sa aking Meyseenger.
Para bang nasa kalagitnaan ako ng pagje-jebs habang malayang naglalandasan sa aking batok at pisngi ang malalamig na pawis.
Ilang buwan na ba siyang ‘di nagpaparamdam? Apat? Anim?
Bukod sa gabi-gabi kong page-emote at pag-iisip na mag-isa ako ay matanggal ko nang tinanggal ang pag-asang muli ay makadadaupang-palad ko siya. Kumbaga, nasa moving on stage na ‘ko kahit hindi naging kami.
Pumikit ako na para bang wala akong nakita. ***
Nagsimula ako sa Tweezher maghanap ng mabibingwit. Naging in-denial pala ako sa parteng ‘ang pagjojowa ay hindi pangunahing salik para patuloy na mabuhay. Ang plastik ko pala dahil kasama pala iyon sa hierarchy of needs ng tao.
Mula no’ng araw na natuto akong gumamit ng sosyal midya ay para bang nakagagana ng umaga ang pila ng mga nagkikisigang nilalang sa newsfeed ko . Para mapadama ang paghanga sa kanila’y pinaninindigan ko ang pagiging constant reactor sa kanilang mga tweezh.
Mag-isa ako, kaya’t wasto lamang siguro na ipangalandakan kong single ako. Halos araw-araw ako naglalakbay sa birtwal na mundo para lamang may mahanap na matitigilan kahit panandalian. ‘Di ko puwedeng sabihin sa mga kaibigan kong kinaiinggitan ko rin na usto ko na ring maglablayp.
Kaya’t matiyaga akong namamalaot sa dagat ng sosyal midya at baka may kumagat ng pain.
Gabi-gabi akong puyat, nagbabakasakaling may kahit isa sa kanilang makapansin sa akin. Atat na kung atat pero gusto ko nang magkaroon ng dahilan ang aking pagpupuyat at paggising nang maaga.
Ang saya rin kung may magsasabi sa iyo ng mag-iingat ka lagi, kumain ka nang maaga at kung ano pa man ‘di ba? ‘Yong tipong magsisilbing paradahan mo sa tuwing pagod ka na sa iyong biyahe. Na kahit gaano kabuhol ang iyong araw ay may pahingahan ka.
Sa ilang buwang buwis-buhay na paghahanap , ‘pagkat ang pagpupuyat ay isang uri ng pagpapatiwakal prend, may bigla na lamang nag-chat sa akin. Sh*t.
Mula noong araw ding ‘yon ay nagsimula nang gumapang ang kap*kp*kan naming dalawa. Pawang mga batang kulang sa aruga, kapwa hayok sa atensyon na halos gugulin na namin ang oras sa bawat isa tuwing nagkakausap at tuwing nagkikita kami. Nagkikita lang pala, walang kami.
Totoo pala ‘yon, kapag may nagustuhan kang tao – may bahid man ng pagmamahal o sadyang kaland*an lang ay nakaka-blooming. Sino bang magaakalang sisipagin akong pumasok sa pamantasan namin kahit Sabado, kahit wala akong pasok? Sakto kasing parehas kami ng unibersidad na pinapasukan, magkaiba nga lang ng kurso. Basta ang mahalaga’y iisa ang hangin na aming
nilalanghap ay ayos na sa akin ‘yon.
“Lloyd,” sa unang pagkakataon ay natawag ko sa kanyang pangalan kasi walang tao. Ayaw niyang may makakita sa aming dalawa na siyang pabor rin naman sa akin.
“Hmmm,” paungot nitong sagot. Nasa may lilim kami ng acacia, nakaupo ako habang siya nama’y nakahiga habang nakapatong ang ulo niya sa aking kandungan.
“Pagkatapos ba nito saan ang punta mo?” bahagya akong tumingin sa kanyang mukha bagama’t nakapikit ito ay humaling na humaling ako sa kanyang mga mata.
“Sa puso mo,” nakangiti niyang sambit pagkamulat ng kanyang mga mata.
“Shunga se-en nge?”
Marahan siyang bumangon at lumebel sa pagkakaupo ko na siyang nakakapogi lalo na no’ng ayusin niya ang makapal niyang salamin. Obob ako pero mahilig ako sa mga taong mukhang matalino’t may pagka-seryoso ang mukha. Nagkatinginan lamang kami nang matagal at habang papalapit siya nang papalapit ay hindi ko pinalagpas ang pag-obserba sa paggalaw ng kanyang mga mata.
Naamoy ko na ang kanyang hininga’t ramdam ko ang bawat buga nito — masyadong mainit.
Habang patuloy niyang ginugupit ang pagitan sa aming dalawa’y nagdadal’wang isip ako kung tama nga ba ang pagparada ko sa lalaking ito o tama bang hinayaan kong ako magsilbing paradahan niya sa tuwing siya’y nabuburyo?
Ilang sentimetro na lamang ay naudlot pa dahil sa mga nagkalat niyang mga gamit . ***
“Balik na tayo sa dati,” sambit n’ya habang inaabutan ako ng mga rosas na sa buong buhay ko’y noon lamang ako nakatanggap ng ganoon.
Napapangiti ako ngunit hindi puwede.
“Makailang ulit man nating subukang pagtagpuin ang pagdating mo’t paglisan ay hinding-hindi noon mababago ang katotohanang isa lamang ako sa iyong mga parking lots,”sagot ko. May kalayuan pa ata ang aking sagot.
“Joke lang,” sabay halakhak niya nang malakas. ***
Pagmulat ko ay napakagat ako sa kumot. Anim na buwan na ang nakalilipas ngunit tanda ko pa rin kung paano kami naghiwalay ng landas. Walang yakapan. Tanging ang mga nakakalat na litrato niya, ng isang bata’t isang magandang dalaga ang nagsilbing mitsa ng aming pagtatapos.
“Osige na sige na hindi na ‘ko magpapaliwanag, oo totoo ‘yang mga nakikita mo, m-may anak ako at asawa,” sambit niya habang pinupulot ang mga litrato. Ako’y tahimik lamang habang pinipigilan na magsalita alam kong babaha ang mukha ko kung sakaling magbanggit ako ng kahit isang letra lamang. Ambigat, para bang may nakabarang holen sa lalamunan at napakasakit.
Patawad pero gipit din ako kaya sa’yo ako kumapit. Mas magandang matanggap mo na hindi ko binalak maging tayo mabuti na lamang ay nalaman mo nang mas maaga kasi pagod na rin ako.”
“Isa pa, ayoko na rin sa kapwa ko may *t*ts.”
Muli, ay sinakluban ko ang aking ulo gamit ang unan.
Sapilitan Ni: Angel Grace Armea
Hayaan nating magkaroon ng sandigan; Paradahan sa tuwing nauupos dahil sa maghapong Pag-apuhap sa kung paano magpapatuloy— Sa biyaheng walang ibang drayber kundi ang ating sarili lamang Bagama’t may pagkakataong naisin man natin— Magpahinga’y maghahanap pa rin tayo Ng aruga mula sa kung sinong maaring magbigay Ng ninanais na kalinga Kahit na hindi sa lahat ng oras ito’y bukas para pagdaungan.