
7 minute read
Pedestrian
Article by: Giselle Gabejan | Artwork by: Venessa Mendoza
“Shooo! Umuwi ka sa inyo, ‘wag mo akong sundan.”
Advertisement
Kanina pa akong binubuntutan ng asong are. Kung ano ang ipinandak ay ganoon kakulit eh. Hindi ako makalayo. Atag ba ga namang hilahin ang laylayan ng palda ko. Kung wala akong pupuntahan, papatusin ko ‘to, lalamugin ko hanggang mapagod. Ang kyut pa naman – malalaki ang paa kahit pandak, wagwag pa ng wagwag ang buntot feeling close, tapos kulay pandesal ang balahibo. Talon pa na ng talon, mukhang bouncing hotdog.
Dinukot ko saglit sa gilid ng aking bag ang dog treats na binawas ko sa stock ni Eris, prinsesa namin. Kumuha ako ng ilang piraso tsaka yumuko para ibigay sa kan’ya. Nagtatalon na naman ang bouncing hotdog, kyot. Hinimas ko muna saglit ang ulo n’ya para kumalma na ng bahagya tsaka ko ibinuka ang nakaikom kong kamay. Medyo nangisay pa s’ya sa eksaytment.
“Aray!”
Napatayo ako. Hindi s’ya marunong kumain sa palad, naisasama pati kamay. Buti hindi tumalab ang ngipin at may paturukin sana. Gusto kong magalit at manakit, kaso paglingon ko’y mataman lang s’yang nakaupo habang nakatitig sa ‘kin ang mala-jolen n’yang mga mata, yung kulay itim tapos mamasa-masa. Wala na, finish na.
Nilingon ko saglit ang Mi Band ko. Sa usapan naming alas tres ng hapon, malabong makarating ako sa oras dahil sampung minuto na lang ang natitira. Babyahe pa ako, mag-aantay pa ng pasahero.
Tumakbo ako, at may nakitakbo rin.
Huminto ako saglit, at may nakihinto rin.
Akala siguro nito, nakikipaglaro ako sa kan’ya.
Simula noon, lagi n’ya akong sinusundan kaya madali na rin niyang natandaan ang bahay namin. Kaya basta ma-trip-an ay pumupunta na lamang s’ya – nagkaroon tuloy kami ng layas na ampon. Tsaka infairness, sa lahat ng kapwa aso na nakakasalubong ni Eris, s’ya lang ang hindi binabangay. ***
“Sa susunod ‘wag na kayong hihingi sa akin ng pambili ng shampoo ni Eris ha? Kung kani-kaninong aso n’yo ginagamit,” gigil si mudra habang nagsasampay ng mga nilab’han.
Nakita kasing pinaliguan ng dalawa kong kapatid, si Jhiesa at Ivy, si Chuks – hehez, nalaman ko recently ang pangalan n’ya dahil bawat bata sa aming lugar, katropa n’ya, giliw na giliw sa kan’ya.
Dedma lang sina ghorl na giliw na giliw din sa aso. Kung p’wede nga lang, aampunin namin lahat ng asong nakayagyag sa labas at walang nag-aalaga.
“Ma, nahalimuyak ang nilab’han mo ah,” si Jhiesa.
“Ako nga’y tigilan mo dyesebel (palayaw ng mama sa kan’ya). Ika’y
magsaing at palayas ka na naman mamaya!” ***
Bagon Taon, katatapos lamang ng putukan. Tahimik ang paligid ‘liban sa pangilan-ngilang alingawngaw ng boses galing sa mga speaker ng mga pinaparentahang videoke. Magandang pagkakataon sana para matulog. Humahalimuyak pa rin ang bagong labang mga punda, kumot at pansapin sa kutson namin. Tradisyon naming na bago man lang sana mag-umpisa ang taon, isang Linggo kaming maglinis ng bahay at mag-uubos ng mga tubal na damit.
Kahit si Eris, ang itim na itim at malaking bulas naming aso, ay humahalimuyak ang Lavender flavor na shampoo sa t’wing tatama sa kan’ya ang mala-hanging amihan na lumalabas mula sa bagong-agiw naming electric fan.
Hinila ko s’ya dahan-dahan palapit sa’kin, hindi ko na kasi kayang buhatin. Tapos s’ya nagtutulog-tulugan pa din. Alam na may kukuha sa kan’ya para ilusot sa kumot tsaka yayakapin.
Natawa ako ng bahagya dahil biglang lalim ng hininga.
Papikit na ang aking mga mata, handa ng lumipad kasabay ng mga kumot sa alapaap, nang biglang tumayo si Eris at nagtatahol. May mga asong nagbabangayan sa labas na pilit n’yang dinudungaw sa may bintana. Medyo masakit ang kaliwa kong dibdib at tiyan, naapakan.
“Ateee!”
Nasa gilid ng bahay namin si Ivy base na rin sa boses n’ya. Pero wapakels, halimbawa malalim na ang tulog ko.
“Ate si Chuuuks!”
So ‘yon, joke lang pala. Hindi naman ganoon kalalim ang tulog ko.
“Ate si Chuuuks, inaaway ng aso ng mga Ate Huling!”
Daig ko po ang nag-Hot Americano na walang sugar. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Kaya pala may kumikingking, inaway nina Pandak at Jaguar (pangalan ng mga aso ni Ate Huling) si Chuks.
Mahilig kasing makisama si Chuks lalo na sa grupo ng mga aso, maliit man o malaki. Feeling close kasi lagi. Akala mo lahat ng aso’y makikipaglaro sa kan’ya.
Bago pa man ako lumabas ng bahay ay nagbitbit ako ng madaming tsinelas. Ginigigil ako ng mga asong ‘yon eh. Makakakita sila ngayon ng shuriken na gawa sa tsinelas. Syempre hindi ko sila tatamaan, nakakaawa naman. Mabait din naman sila, masungit lang sa kapwa aso.
Ready na akong bumato nang makita kong buhat-buhat na ni Jhiesa si Chuks na bahagya pang kumikingking.
“Tahan na ang bebe namin,” si Ivy pagkatapos itaboy ang mga aso.
Bahagya kong ibinaba ang kanang kamay ko na may hawak na tsinelas.
Nakakatuwa naman ang mga kapatid ko. Lumaking may awa sa mga nilalang na walang kalaban-laban. Ang ganda ng tanawin.
Hindi ko na napansin si Eris, nakalawit ang ulo sa may bintana habang nagtatatahol pa din.
Hinawakan ko saglit ang basa n’yang ilong, “Selosang ‘to! Binigyan ka na nga ng apeyido noong dalawa, ano nga Eris Mae Aguilera?”
Kahit ang mga kapit-bahay naming natatawa noong una dahil sa pagi-style ng mga kapatid ko. Lagyan ba ga naman ng ‘Mae’ at ‘Aguilera’ ang pangalan ni Eris. Pero nasanay na din kami.
Nga pala, ako ang nagpangalan kay Eris. Hilig ko kasing basahin ang iba’tibang istorya noon sa loob ng Greek Mythology Book. Bale, Eris ay sa maitim na maitim n’yang balahibo plus laging s’ya ang pinagmumulan ng gulo sa bahay. Ayaw kasi ng stepfather namin sa kan’ya dahil regalo s’ya ng ama namin no’ng sumulpot s’ya panandalian sa graduation ni Jhiesa. Kaya kapag nakikita n’ya si Eris, “Oh Nolie (pangalan ng ama namin), nand’yan ka pala.”
Babae nga pala ang prinsesa namin. ***
January 02, 2020 06:10 a.m.
Pasukan na. Bagong Taon lang naman ang holiday na alam ng kompyang pinagsisilbihan ko. Nakapaligo ma’y mumukat-mukat pa rin ang mata ko, marupok pa rin sa pangilan-ngilang ihip ng hangin.
Kasalukuyan kong inaalala ang daan papunta sa shuttle bus namin, pero syempre joke lang. Tahimik pa din ang paligid, nakakainggit ang mga tulog parang ang sarap mangbulahaw.
“Arf! Arf! Arf!”
Napangiti ako. Hindi ko na kailangang magtimpla ng 3 in 1 na kape mamaya sa opisina para magising. Pumihit ako saglit para salubingin si Chuks, tsaka ako yumuko para abutin at himasin ang ulo n’ya.
“Chuuuks! Ang aga pa, tulog ka na muna.”
Tumayo na ako at sinumulang ibalik ang mga paa sa direksyong tatahakin dapat.
Ang dami ko nang lakad, mga pito, ng may maramdaman akong matalas na bagay sa kanang binti ko – si Chuks, na naman.
“Shooo! Umuwi ka sa inyo, ‘wag mo akong sundan.”
Medyo nairita ako. Nakakagulat din yung mga kuko n’ya kanina. Wala pa namang akong lotion. Yumuko ako saglit tsaka pinahid-pahid ang balat sa may binti na nagasgasan. Natigilan ako saglit. Napangiti. Naalala ko ang una n’yang pangungulit sa akin dati.
Nilingon ko s’ya saglit. Mataman lang s’yang nakaupo habang nakatitig ang mga mala-jolen n’yang mata sa ‘kin, yung kulay itim tapos mamasa-masa pa. Ganitong-ganito din ‘to no’ng makagat ang kamay ko eh.
“Chuks, d’yan ka lang ha? Umuwi ka na?”
Mag-a-ala sais kinse na paglingon ko sa aking Mi Band. Limang minuto na lang at aalis na ang service namin. Patakbo akong tumawid sa may pedestrian lane. May kaunti pa namang distansya bago ang paparating na bus. Tsaka nasa-pedestrian lane ako, mabangga man ay may bayad. Charms! Ayaw kong mabangga.
Narating ko na ang kabilang dulo ng pedestrian nang maalala kong tumakbo ako. Tumakbo nga pala ako. Abot-abot ang panalangin ko na sana hindi ako sinundan ng pandak na asong ‘yon.
Pabigla akong pumihit. Nakita ko si Chuks, tumatakbo pasunod sa ‘kin habang nakalawit ang mga dila. Tunay pala ang slow motion effect. Ang kyut, kyut naman ng baby Chuks namin. Tila ba nabaon sa aspalto ang swelas ng sapatos ko. Kasunod ay ang pagbasa ng luha sa aking mga pisngi kasabay ng pagwisik ng dugo sa ‘king uniporme pagdaan ng bus.
Anino sa Daan Ni: Gualberto F. Gimongala Jr
Tinusok nang kahibangan sa pagaakalang makikita ang hantungan ng sarili sa gitna ng sumasaklaw— na puting guhit na direksyon Kung saan piniling magpakasasa’t magpagamit sa pandaliang saya na— walang maaaninag kundi dilim— Kaya masama bang kaharap at tanaw parin kita sa kabila ng pagkapako ng aking katinuan?
