
8 minute read
No Right Turn
Article by: Angel Grace Armea | Artwork by: John Lloyd Arriola
Bago pa man ako tuluyang makapag-log-in sa student portal ng bi-es-yu’y may hinuha na ‘ko na hindi duling ang cinco na makikita ko sa’king record. Sa katunayan n’yan, may premonisyon na ‘ko sa kung sa’ng subject tatama ang pulang highlight. At pag-click ko ng “grades” tab sa portal, hora mismo. Pero ewan ko ba’t kasabay ng pang-malakasang loading ng site ng BatStateU portal dulot ng mga instructors na nag a-upload ng grades at mala-walking dead na pakikipag-uunahan ng mga estudyante na makapasok sa portal, upang makita ang kani-kanilang pinagpuyatan, at minsan pa nga’y iniiyakan na may kasamang pakiusap na “Sir/Ma’am, kahit tres lang po,” ay kabado pa din ako.
Advertisement
Para bang tulad ng ‘pag ika’y nakapasok sa banyo ng tindahan ni Tito Edwin and Tita Mhina’s d’yan sa may highway pagkalabas ng bi-es-yu, sa t’wing may daraan na sasakyan lalo na kung truck, ay magdadagundungan papasok ang ingay sa may siwang ng bintana na tinapalan ng karton ay ‘di ka magiginhawaan kung ika’y dudumi sa kubeta nila. Bukod sa luom ka na’t parang inii-steam sa loob e sasabayan pa ng pag-pompiyang ng dagundong sa magkabila mong tainga. Sadya naman talagang nagsusuksukan ang tutuli ko papa-loob sa may eardrums. Ganoong-gano’n ang pakiramdam ko ngay-on.
Patuloy sa paglo-load ang site. ‘Di naman ako naiinip, hindi talaga.
…Few moments later (*Spongebob Squarepants Narrator’s Voice)
Sa wakas, nakapasok na ‘ko sa portal. Dali-dali kong c-in-lick ang “grades button pagkatapos pal’tan ang year at semester selection sa may itaas. Mga tatlong beses lagpas ko atang pinindot ‘yon.
Mainit-init na malamig ang tumutulong pawis sa may puno ng tainga ko habang inaantay na lumabas ang mga letra sa portal, dito sa screen ng pc na nasa harap ko. Bagama’t alam ko na’ng madidismaya na naman ako sa aking makikita’y, may ga-butil pa din na pag-asang naka-usli sa may bunbunan ko na baka kahit papaano’y may himala, malay natin ‘di ba? Hindi na ‘ko makapagantay sa unsurprising surprise na ito! ***
Dati nama’y masipag akong mag-aral. Sa totoo lang, ayoko talagang natitintaan ni kahit dos man lang ang aking T.O.R. Pinangako ko kasi sa aking sarili noon na kailangan maging proud sa akin sina mama’t papa. Nagsikap din ako para may maipa-mukha sa mga nang-aalipusta sa’kin no’ng kakaahon pa lamang namin mula sa putikan, na kesyo dahil nakulong ang aking nakatatandang kapatid dulot ng pagdo-droga ay magagaya lamang ako dito— walang k’wenta at pariwara.
Kaya’t ang unang dal’wang taon ko sa kolehiyo ay naging puno ng pressure dahil madaming umaasa sa’kin, ‘yung mga kaibigan ko na laging nag-aantay ng magagayang sagot t’wing exam day, mga instructors na ang tingin sa’kin ay henyo dahil kahit hindi ako ga’nong nag-aaral ay mahina na ang 95 na iskor sa
major exams, (‘di naman sa pagmamayabang) at pati na din ang mga hindi ko ga’nong ka-close ay mataas din ang expectation sa’kin.
Kinaya ko namang panindigan ang pagiging mabuti at modelong estudyante ng bi-es-yu dahil kada matatapos ang semester ay isa ang pangalan ko sa mga nakalista sa Dean’s Lister, First Honors. Madami pa ding nagtataka kung pa’no ko pa nakukuhang mag-maintain ng mataas na grades gayong ‘di naman nila ako nakikitang puspusang nag-aaral sa loob ng klasrum, ni hindi nila ako marinig na nakikipagsabayan sa mga animo’y bubuyog na kaklase naming nagre-review bago ang mga quizzes o exam.
Ang tanging sagot ko lamang lagi ay, “Binabasa ko lang at iniintindi, masyado nang maka-luma na ang paggamit ng rote learning o ang pagsasaulo lamang bilang paraan ng pag-aaral. Kadalasan e ‘di tayo natututong mag-isip, mag-analyze o kahit gamitin man lang ang critical thinking skills natin kung puro tayo saulo tulad ng madalas n’yo—I mean nating ginagawa.”
Pagkadaka’y wala nang magtatanong sa’kin, ang arogante ko daw kasing sumagot, nadidinig ko sa bulong-bulongan ng mga kaklase ko.
Dal’wang taon na lamang at makukuha ko na ang parangal na inaasam ko. Ang magbibigay ng hustisya sa pagpapabibo ko sa klase sa tulong ng mga matataas kong grado. Pero bago ko pa man makamit ang yamang matagal ko nang minimina, ay pawang nawalan din ng saysay ang pinaghihirapan ko. ---
“Hello Ma,” naka-isang ring pa lamang ang cellphone ko’y sinagot ko na ito dahil nangggaling sa nanay ko, e minsan lang naman tumawag ‘yon at ayaw na ayaw n’ya din ng matagal sinasagot ang tawag n’ya.
“J-jean”, para akong nakarinig ng boses ng klasmeyt ko na sala sa nota’t tiempo sa pagkakatayo ng aking balbon, pati na din buhok sa bumbumbunan ko, nang magsalita ang aking ina na pakiwari ko’y wala pang kain ng almusal sa pagkakangatog ng boses.
“U-umuwi ka na muna ‘nak”
“Ba’t ga’y ngatog ang boses ma? ’Di ga ho nakabili ang tatay ng agahan?”
Wala s’yang tugon. Tanging hininga n’ya lamang ang naririnig ko mula sa kabilang linya. Kaya’t muli, nagsalita ako,
“Ay s’ya kayo muna’y mangutang d’yan kina Ate Ruby’t bukas ay makukuha ko na ang scholarship grants ko bukas na lang kamo ang bayad. Tsaka ako’y may pasok pa pala Ma.”
“S-sige, pero umuwi ka na muna anak ha, ngayon na. Magpaaalam ka na lang muna sa mga tecahers n’yo d’yan.” At pinutol na n’ya ang tawag.
Pagkapasok na pagkapasok ko sa bahay ay tumambad ang ‘di maipintang ekspresyon ng mga kapatid ko. Si mama ay nakaupo lamang sa may sofa malapit sa may T.V at matamang nakatingin sa akin, parang mugto ang mga mata.
‘Di pa man lubusang malinaw sa’kin kung anong nangyayari ay unti-unti’y naramdaman ko na ang paglamig ng paligid. Ang mga kapatid ko’y himalang ‘di nag-aagawan kung sinong unang gagamit sa computer sa araw na ‘to. Ang nanay ko’y parang walang sigla na magbunganga kahit naipasok ko ang putikan kong sapatos at nadumihan ang sahig na mukhang isang oras pinaghirapang pakintabin. ‘Di sa’kin malinaw ang lahat,pero isa lang ang sigurado, hindi lamang basta dahil walang dalang pagkain ang tatay ko kaninang umaga ang dahilan kung bakit nakakapang-kuryente ng kalamnan ang simoy ng electric fan. ---
“Esguerra?” dinig kong tawag ng aming instructor sa BPO 202 kahit may isang room pa bago ako dumating sa Room 204 ng CABEIHM Building. Late na naman ako. Nitong huling semester ay napadalas na ang pagliban ko sa klase, mas madalas pa ‘kong kontakin ng mga kaklase ko na noo’y ‘di ko naman nakakausap talaga at sasabihing isang absent ko na lang daw ay drop na ‘ko sa subject na ‘yon.
Sinusubukan ko ang isang “absent na lang” na sinasabi nila, pero sa huli’y may tatawag o kaya’y may magcha-chat pa sa’kin para sabihing huling-huling pagkakataon ko na lamang at paniguradong kailangan ko nang humarap sa Guidance Office.
Kaya’t mas lalo akong naging kampante. Kung dati’y naiiyak ako kapag nakakakuha ng 90 lang sa quiz, ngayon ay mas nalulugmo ako kapag ‘di ko natitiempohan ang saktong oras ng comeback ng mga paborito kong Kpop Idol.
Pagkakatapos na pagkatapos ng klase’y uuwi lamang ako at muling magkukulong sa kwarto. At gagawin ang “usual” hanggang sa makalimutan kong tumakbo pala ang oras.
Kinaumagahan ay maaga akong nagising. Mga alas cinco y media pero nakapagkit pa din ang likod sa bagong labang bedsheet ng nanay ko. Ang gaan din ng aking braso ngunit ang katawan ko’y hinihila ng gravity ng kama kaya’t marahil hihintayin ko na lamang ang pagsampal ng init ng alas siete kahit alam kong terror at walang puso ang instructor ko sa aking first subject.
Pakiramdam ko’y para akong washing machine na naka-drain mode habang nilalagyan ng tubig. Nakakapagod kahit wala ka naming ginagawa. Wala na ‘kong ginagawa. Oo nga pala. Minsan na lang kasi ako magpakita sa school. Bale sa t’wing malapit na ang exam week ay saka lang ako sinisipag magpakita sa mga college instructors ko. Gayong wala din naman akong ka-close sa mga kaklase ko, e wala na ‘kong ga’nong dahilan para mag-lagi sa school. Wala na naman akong ka-ut-utang dila e, kahit ‘pag-uwi ko sa bahay namin. ‘Di tulad no’n na may sumasalubong sa’kin ng paborito kong meryenda t’wing hapon, ang hopiang baboy at mahigpit na yakap mula sa tatay ko. Kahit parang de-latang nayupi ang bahay namin at anim kaming magkakapatid, e ‘di ko ramdam ang
banas ng bahay t’wing gabi dahil sa mga korning jokes ng tatay ko pagkatapos ng hapunan.
Kung tutuusin, s’ya naman talaga ang dahilan kung ba’t ako nagsusumikap no’n bukod sa mga nanga-alipusta sa’min. Pero ngayon—‘wag na nating pagusapan ang ngayon dahil alas otso y media na pala.
“Kuya bi-es-yu lang po,” turan ko pagkaaabot ng otso pesos mula sa lalaking pinakisuyuan ko.
Para ‘di mainip sa biyahe mula Waltermart-Tanauan ay hinawakan ko muna ang selpon kong bagong hingi mula sa pinsan kong Japayuki. Iphone 5g, ‘di nga lang ako sigurado sa kalidad nito’t bukod iskandalosa ito t’wing magti-take ako ng selfie e halos maya-maya nang nagla-lag kahit wala pang tatlo ang bagong installed apps ko. Legit naman daw ‘to, depensa ng pinsan ko. Iba daw sadya ‘to kumpara sa mga gawang U.S, ‘pag m-in-anufacture daw para sa Japan ang kahit anong product ng Apple, lalo na kung iPhone and iPad ay hindi maaring i-disable ang shutter sound. Nasa batas nila ito for privacy eklabu daw, para alam ng kung sinuman na siya’y kinukunan ng litrato. Nanahimik na lang ako’t ‘di na nag-abalang mag-usisa pa.
“Sa tabi lang po,” pagkababa ko sa may Pantoja ay kumaripas na ‘ko ng takbo kahit na nasa may madadaanan ko pa yung lalaking may problema sa pag-iisip na kapag may daraan kahit sa may sidewalk ay nagta-traffic signs hand gesture.
Dahan-dahan kong inikot ang doorknob ngunit ‘di pa rin napigilan ang pagngitngit nito dahilan upang bigyan ako ng standing ovation ng second subject instructor ko. ***
Nagsilabasan na din ang mga subject codes. Na halos ilang oras ko ding hinintay bago masilayan.At ayan na nga — 404 Error Not Found.
Ayoko sa Pula Ni: Angel Grace Armea
Paborito ko ang pula, Tulad ng isa sa mga paborito kong karakter— Sa Zaido no’ng ako’y bata-bata pa Ngunit no’ng ako’y nagkolehiyo, ako’y nag-iba Tila ba kanser sa ML na pilit akong umiiwas sa pula Upang abutin ang ekspektasyon ng iba Nguni tang pilit kong pagtakbo’y siya namang Nag-uudyok na paghabol sa akin ng pula Hanggang sa nakasanayan ko nang ‘Di tumakbo’t makisama na lamang Sa pula na grado
