PAWIS NG MATA Poem by Faith Malaborbor
Tila isang araw lang ang natapos, subalit ang totoo’y ang pag-ikot ng mundo ay di’ pala kinapos. Isang kumpletong pag-libot sa araw ay kaniyang nabuo; At gaya ng taon, ‘di ko na alam kun nasa’an na ‘ko sa pangarap na aking binubuo. Sabi ng iba ako raw ay laging “nakatingin sa kawalan”, lingid naman sa kanilang kaalaman mga hikbing kinulong ng palad at ‘di hinayaang maalpasan. Marahil dahil ayaw ko nang pumalahaw; ‘pagkat sa kawalan ng tugon sa aking daing, lalo lang akong nauuhaw. Nasaan na nga ba tayo? Wala na akong matanaw na katiyakan. Solusyon ba ay tanging sa ilusyon na lang mananahan? Paano patahimikin ang tanong na walang katugunan? Ang alam ko lang, pagod na ang aking mga mata— masakit sa mata ang pag-gapang ng kapwa kong maralita; masakit sa panoôrin ang paglaho ng pag-asang sinalita. At kung pagpikit naman ang pahinga, bakit sa dilim, kalagayan pa rin natin ang aking nakikita? Pawisan na ang aking mga mata.
63