11 minute read

PRIBILEHIYO

Next Article
MORNING ROUTINE

MORNING ROUTINE

Poem by Karl Christian Aldovino Illustration by Glenmark Villanueva

Minsan noong Marso, kahit hindi pa araw ni Hesus Sa iyamot sa mga tulad kong nagmamaktol ay inihagis ng Tatay ang alay na bentaha Hindi ko namalayang inuna na pala niyang handugan ang tinatangi’t paboritong mga anak Pinasobrahan pa ng isang dakot kahit awas na ang mga bulsa

Advertisement

Umasa pa rin akong may katiting pang awa sa akin ang Tatay, kahit pa nadala na ako sa kamao niyang bakal Ngunit tanging natanggap ko’y habilin na ako’y huwag aalis at kung sa kaniya’y may maghanap, sabihin kong siya’y umalis upang ialay ang buhay sa trabaho Tapos nito’y binaba na niya ang kaniyang kulambo, binigkis and sarili sa kumot ng ginhawa na tila hinang hinang sanggol kahit pa ang maghapon ay pinalipas niya sa paghilik at pagtulog Tunay nga bang huwaran ang Tatay gaya ng niyayayabang ng mga tinatanging anak? Nasaan na nga pala sila?

Nilibot ko ang buong bahay nang matanaw kong sila’y nasa labas at naglalangoy sa pribilehiyong tinanggap Pribilehiyong sapat upang lamnan ang kumakalam kong sikmura Pribilehiyong umaapaw upang magbigay ng dunong laban sa panghahamak at pang-aabuso ng mga kakulay nila Pribilehiyong hindi lahat ay nabigyan dahil sa hindi patas na pagtingin ng Tatay

Bumalik ako sa tabi ng kulambo at pinagmasdan ang humihilik na Tatay Doon ko napagtanto na ako pala ang tunay na himbing sa pagtulog Bakit hindi ko sabihing natutulog lamang ang Tatay sa loob ng kulambo at hindi nagtratrabaho Bakit nga ba tayo takot na magsabi ng totoo at maging matalinong kritiko? Dahil ba sa pribilehiyo?

WAGAS NA PAGMAMAHAL NG ISANG INA

Short Story by Jeunice Bea Landicho

Ang pagmamahal ng isang ina ay hindi mapapantayan at hindi mapapalitan ng kahit na anong bagay. Gagawin niya ang lahat upang matustusan at maibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Kahit buhay pa niya ang nakasalalay ay handa niyang isakripisyo ito. Katulad na lamang ni Luzviminda, buong pusong minamahal ang kaniyang anak at ang kaniyang pagmamahal ay wagas at hindi kumukupas.

“Christina Pauline Santiago” suway ko sa aking anak na walong taong gulang at kanina pang paikot-ikot sa aming hapag-kainan. “Si Clarrisse po kasi, Inay, hinahabol po ako” tuwang-tuwa niyang sinabi dahil nilalaro niya ang aming aso. Dahan-dahan kong iniangat ang mainit na kawali na may piniritong tilapia papunta sa lamesa upang isalin sa mangkok. Hindi pa rin tumitigil si Christina sa kakatakbo kaya muli ko siyang pinagsabihan. “Christina, anak, tama na at mainit-init pa itong kawaling hawak ko, baka ika’y mapaso, sige ka.” Tumigil siya at sinabi sa aming alagang aso “Sit down” sumunod naman ito. “Maghugas ka na ng kamay mo at tayo’y kakain na” utos ko kay Christina. “Opo Inay” tugon naman niya. Pagkatapos niyang maghugas ng kamay ay umupo na siya sa kaniyang silya. Kinuha ko na ang aking kutsara at tinidor saka sumandok ng pagkain ngunit natigilan akong sumubo nang makita ko ang aking anak na nakatitig sa akin at nakadaop-palad. “Oh, anak, bakit hindi ka pa kumakain?” tanong ko sa kaniya at ito ang sagot niya, “Inay, magdasal muna tayo bago tayo kumain sapagkat nabigyan tayo ng biyaya at dahil doon ay nararapat lang tayong magpasalamat sa ating Diyos Maypakal.” Ako’y namangha matapos niyang sabihin iyon, bata pa lang siya ay magalang, mabait, maka-diyos, at masunurin na siya. Sana nga lang ay hindi siya magbago pagtanda niya.

Lumipas ang sampung taon, “Anak, kain na tayo ng tanghalian. Halikana at sabay tayong kumain” aya ko sa anak kong si Christina. “Mamaya na po ako kakain, Nay” sabi niya sa akin habang nakatingin sa kaniyang selpon. “Nak, tara na sabayan mo naman si Inay” lambing ko sa kaniya subalit tinitigan niya lamang ako na parang may halo ring galit at sinabi “Nay, sabi kong mamaya na kasi kausap ko pa sina Ace, oh” sabay hinarap niya sa akin ang kaniyang selpon at pinakita na nag-uusap sila ng kaniyang mga tropa. “Osya, sige mauna na akong kumain, ha? Huwag kang magpapalipas ng gutom” tugon ko habang nakangiti.

Iba na si Christina ngayon, nakikita ko nalang siyang masaya sa tuwing kasama niya ang kaniyang mga kaibigan, hindi na rin niya ako nasasabayan sa pagkain, at ibang-iba na rin siyang sumagot, hindi tulad dati na gumagamit pa siya ng po at opo. Dumeretso ako sa aming hapag-kainan at kumain ng mag-isa, natatandaan ko tuloy si Christina. Sabay kaming nagdadasal bago kumain, nagtatawanan, at nakikita ko ang kaniyang ngiti na umaabot hanggang tainga. Matapos kong kumain ay nagpaalam ako kay Christina upang magtinda ng gulay para may pambili kami ng bigas mamayang gabi ngunit tumango lang siya at nagpatuloy sa kaniyang pagseselpon.

“Gulay!” Sigaw ko habang bitbit ang mga gulay na paninda. “Gulay!” Sigaw ko ulit. Sana may bumili nitong aking paninda dahil kailangan din ng apala ni Christina ng pera para pambayad sa kaniyang tuition. “Gulay!” Muli kong sinigaw ng malakas kahit paos na ako kakasigaw para lang makabenta. “Ale, pabili po ako.” Sa wakas ay may bumili rin, lumapit ako sa babae upang pagbentahan siya. Nakalagay sa isang basket ang mga sari’t saring gulay. “Pabil ako ng sitaw at kangkong” sabi ng babae sa akin. Iniabot ko sa kaniya ang kaniyang binili at binigyan niya ako ng singkwenta pesos. May sukli pa siyang trenta dahil bente pesos lang ang lahat ng nabili niya kaya inilapag ko muna ang basket at saka kumuha ng panukli. Binulsa ko muna ang singkwenta at saka iniabot ang kaniyang sukli. Ang mga susunod na pangyayari ay aking ikinalulungkot sapagkat hinding-hindi ko iyon inaasahan. “Magnanakaw!” Sigaw ko dahil habang inaabot ko ang sukli ay may humablot ng bag ko. Papaano na ang mga pera na buong tiyaga kong inipon? Paano ko na mababayaran ang tuition ni Christina?

Paano na kami kakain mamaya? Madami din akong mga importanteng bagay na nakalagay sa loob ng bag na iyon. Ano na ang gagawin ko? Litong-lito na ako sa dami kong iniisip hindi ko na alam kung ano ang kailangan kong gawin. Hindi ko rin mahabol ang magnanakaw dahil sa pagod kong mga pa ana pilit kong nilalakad para lang makabenta. Paano na ang anak ko? Paano na ang pamilya ko? Sumakit ang ulo ko dahil andami ko nang iniisip subalit hindi ko muna inintindi ang sarili ko, ngayon ay kailangan kong maibalik ang pera na inipon ko. “Ale” may tumapik sa akin sa likod at pagharap ko sa kaniya ay nakita ko ang babaeng bumili sa akin kanina. “Ale, iyo na po itong sukli ko, sana makuha mo pa po iyong bag mo, ito po” binibigyan niya ako ng isang daan ngunit pilit kong tinatanggihan dahil nahihiya ako. “Sige na, Ale, tulong ko na po ito. Nakikita ko din po kayo kung saan-saan nakakarating para lang maubos ang binebenta mong gulay, hindi po ba ikaw napapagod?” tanong niya sa akin. Ngumiti ako at umiling “Hindi, hinding-hindi ako mapapagod dahil mahal na mahal ko ang aking anak at para sa kaniya itong ginagawa ko.”

“Grabe, napakaswerte ng anak mo, saludo po ako sa iyo, Ale.”

“Salamat ulit, ha?”

“Ay nako, kulang pa nga po iyan. Basta po sa susunod mag-iingat kayo dahil baka po ay manakawan ka ulit.” At pagkatapos noon ay umalis na siya. Nagpunta ako sa pinakamalapit na estasyon ng pulis at inireport ang mga pangyayari. Bago ako umuwi ay bumili muna ako ng bigas na thirty-five pesos, kaya ang natira na lamang sa akin ay isang daan at limang piso. Nagpapasalamat ako sa kaniya dahil sa publikong paaralan siya nagaaral at iskolar pa siya kaya limang daan na lamang ang aming babayaran subalit hindi ko pa rin maibibigay iyon dahil nanakaw nga ang inipon kong pera.

Pagkauwi ay nakangiti pa rin ako upang hindi mahalata ng anak ko na ako’y nanlalambot at sobrang pagod na. “Christina, anak?” nilibot ko ang buong bahay pero hindi ko makita kung nasaan ang aking anak. “Asaan na kaya ang batang iyon?” Tanong ko sa sarili ko. Nabulantag ako nang biglang kumalampag ang aming gate at doon ay nakita ko si Christina, ang aking anak, na lasing. “Christina? Saan ka nanggaling? Bakit? Naglalasing ka na? Anak naman, problemado na nga tayo tapos ganyan pa ang gagawin mo? Umayos ka naman, Christina.” Sabi ko sa kaniya ngunit tumigil siya at tumawa bago sumagot, “Haha, Nay, ako? Umayos? Bakit maayos naman ako ah, baka nakakalimutan mo, umaalis ka lagi ng bahay at nakakalimutan mo na ako.”

Nagsimulang tumulo ang kaniyang mga luha at kaniyang ipinagpatuloy “Nay, asaan ka nung gabing umiiyak ako? Mga gabing namimiss ko si Itay simula noong namatay siya?” Hindi ko naramdaman na may mga luha na din palang tumutulo mula sa aking mga mata. “Christina, anak, nagtatrabaho ako para may pangkain tayo, para may pangbayad tayo sa mga utang natin, sa tuition mo, sa upa ng bahay. Anak, palagi kitang inaaya bago ako kumain para naman makapag-usap tayo. Hindi mo ba napapansin ang iyong Inay? Hindi lang ikaw ang pagod, anak. Mahal na mahal kita tatandaan mo iyan at lahat ng ginagawa ko ay para sa iyo at sa iyo lamang, kinakalimutan ko na ang sarili ko para lang sa iyo. Kaya sana huwag ka nang magtampo, please?” Tumakbo si Christina palabas, pagewang-gewang siya dahil sa alkohol na nainom niya. “Christina!” Sinundan ko siya dahil nag-aalala ako at baka may mangyari sa kaniya. “Christina, anak! Patawarin mo na si Inay, balik ka na sa bahay.”

“Ayoko!” Sigaw niya at patuloy na tumakbo hanggang sa makarating kami sa high-way, madaming kotse at mabibilis ang kanilang patakbo. “Ayaw ko nang mabuhay, Inay, pagod na pagod na ako. Mahirap na tayo at hindi ko na rin ramdam kung may nagmamahal ba talaga sa akin. Parang hinihintay ko na lamang na mamatay ako.” Hagulgol ni Christina. “Anak, kung ano man iyang iniisip mo, huwag na huwag mong gagawin, tandaan mo nandito si Inay, andito pa ako, mahal kita at hinding-hindi kita pababayaan, kahit ilang beses pa ako umikot sa mga bahay-bahay at magtinda ng gulay, kahit sobrang sakit na ng paa ko, kahit manakawan pa ako, hahanap pa rin ako ng paraan para lang maibili o maibigay ang gusto mo.” Sabi ko sa kaniya at bigla siyang tumigil malapit sa mga mabibilis na sasakyan, isang galaw niya lang ay mahahablot o mababangga na siya ng isa sa mga iyon “Inay? Nanakawan ka po? Paano na iyong inipon mo, hindi po ba dala-dala mo iyon palagi?” tanong niya sa akin. “Dibale, anak, huwag mon ang isipin iyon. Mag-iipon ulit ako basta makatapos ka at maging masaya ka sa kinabukasan mo” ngitian ko siya at binuksan ang aking mga braso upang ipaalam sa kaniya na gusto ko siyang yakapin.

Nang papalapit na si Christina ay may isang malaking trak na dumaan, bago pa masagi si Christina ay tumakbo ako papunta sa kaniya at niyakap siya ng sobrang higpit at itinulak siya papalayo sa akin. Hindi ko na alam kung anong nangyari dahil pagkatapos noon ay itim nalang ang nakita ko.

“Inay!” sigaw ni Christina habang nakadapa. Nasagasaan si Luzviminda dahil iniligtas niya ang kaniyang anak. “Tulong! Tulong po! Tulungan niyo ang aking Inay!” patuloy na sigaw ni Christina. May nakarinig sa kaniya na lalaki at humingi agad ito ng tulong. Alalang-alala na si Christina dahil tanging nanay nalang niya ang kaniyang kasama sa buhay, natatakot siya at baka mawala sa kaniya ang minamahal niyang ina. Matapos ng ilang minute ay may dumating na ambulansya, iyak ng iyak si Christina dahil nakikita niya ang mga medic, hindi kumikibo si Luzviminda.

Pagdating sa ospital sinabi sa kaniya ng doktor na ang nanay niya ay nasa coma. Hindi mapigilan ni Christina na umiyak at sisihin ang kaniyang sarili sa nangyari sa kaniyang ina.

Lumipas ang mga araw na dinadalaw-dalaw ni Christina ang kaniyang nanay. Namasukan siya bilang katulong sa karinderya para mabayaran ang utang sa ospital, nagtinda siya ng gulay tulad ng ginagawa ng kaniyang nanay dati, at hindi rin niya maiwasan na umutang at manghingi ng pera kung kani-kanino. Doon lang niya nalaman ang paghihirap ng kaniyang inau pang matustusan ang kanilang pangangailangan sa bawat araw.

“Inay, ang hirap ng ginagawa mo, grabe ka po, hindi ka po ba napapagod magtinda ng gulay? Masakit po kaya sa paa” pabirong sinabi ni Christina habang hawak-hawak ang kamay ng kaniyang nanay. “Inay, sige na po gumising ka na, please? Gusto na po ulit kita makasama, sorry dahil napakatigas ng ulo ko po, sabay na tayong kumain, kwentuhan na ulit tayo, Inay, gaya nang dati.” Lumuha muli ang mga mata niya dahil miss na miss na niya si Luzviminda.

Pagkalipas muli ng sampung taon, “Inay tingnan mo po, kaya kong tumayo sa slide!” sigaw ng bata. “Beatrize Pauline bumaba ka nga diyan at baka mapano ka pa” suway ni Christina sa kaniyang anak. “Darling, samahan mo nga muna ang anak natin doon at baka madapa pa siya.” Sabi naman niya sa kaniyang asawa.

“Anak!”

“Oh, Inay, kanina ko pa po ikaw hinahanap at ano po iyang hawak mo?” tuwang-tuwa na tinanong ni Christina. “Ice cream, gusto mo?” alok naman Luzviminda sa kaniyang anak. “Aba’y syempre, alam mo naman na paborito ko iyan, Inay” tawa naman silang dalawa. Sabay nilang pinanood ang batang naglalaro na anak ni Christina. “Parang kalian lang, ganiyan ka rin kakulit” Pabirong sinabi ng kaniyang nanay. “Namana po ata ang kakulitan niya sa akin” tugon naman niya. Inakbayan at niyakap ng mahigpit ni Christina ang kaniyang nanay at sabay silang kumain ng ice cream habang masayang nagkukwentuhan.

Makikita natin sa istorya nina Luzviminda at Christina, na ang pagmahahal ng isang ina ay hindi mawawala, kahit gaano man kahirap ang pagsubok, kahit buhay pa niya ang kapalit ay gagawin niya ito para sa kaniyang pamilya at para sa kaniyang pinakamamahal na anak. Walang pagkakaibigan, walang pagmamahal, tulad ng isang ina para sa kanyang anak. Walang papel sa buhay na mas mahalaga kaysa sa pagiging ina. Walang salita ang maaaring ipahayag sa lakas, kagandahan, at kabayanihan ng isang ina sapagkat wagas ang pagmamahal ng isang ina.

This article is from: