SANAYSAY
Silang Mga Nagtiis Arthur Allen P. Baldevarona
Hindi ko pinangarap maging guro. Ito ang isang bagay na sigurado ako nang masaksihan ko mismo ang unti-unting panghihina ni Mam Helen noong kami ay Grade 2. Maingay kami noon. Naglalaro ng teks (piraso ng papel na may larawan ng mga cartoon characters). Hindi masaway. Kani-kaniyang bulastugan at daldalan. Sigaw nang sigaw si Mam. Nang hindi kami maawat, bumulyaw siya ng pagkalakas-lakas. Umalingawngaw ang kaniyang boses sa buong klasrum na umabot pa ata sa opisina ng aming punong-guro sa kabilang gusali na animnapong metro ang layo. Sigurado ay narinig din iyon ng guro sa katabi naming silid-aralan. Tahimik kaming lahat. Ang mata, lahat ay nakatitig kay Mam Helen. Dinig ko ang pagpintig ng aking dibdib sa susunod na mangyayari. Sigurado papipilahin kami ni Mam habang hawak niya ang kaniyang mahabang multi-purpose stick. Hindi niya lang kasi ‘yon panuro sa aming binabasa sa pisara. Ginagamit niya rin iyon bilang pamulot ng mga nagkalat na plastik o papel sa loob ng klasrum. Ngunit kadalasan niya itong nagagamit bilang pamalo.. Ngunit ang inaasahan naming sunod-sunod na pamamalo ay hindi natuloy. Natunghayan namin si Mam Helen. Humawak sa ulo. Ipinikit ang mga mata. Muntik nang mabuwal. Nahihilo na pala ito. Naupo ito sa malapit na desk. Kaming mga estudyante niya ay nataranta. Pinaypayan ng mga babae si Mam.’ Yong presidente ng klase ay tumakbo palabas. Tinawag ‘yong titser sa katabi naming klasrum. Agad namang rumesponde ang mga kasamahan ni Mam. Dinala siya sa kaniyang mismong upuan sa likuran. Nagtawag ng nars. Kinuhanan siya ng blood pressure. High blood daw, dahil sa amin. Walang kumibo ni isa sa amin. Nilingon ko si Mam Helen. Nakaupo. Nakapikit. Parang tulog. Nagpapahinga. ************* Pinaiyak ako ni Mam Tresalin noong huling taon ko ng hayskul. Hindi dahil ako ay kanyang piningot, pinalo o pinakaen ng dumi ng kalabaw. Bago pa man mangyari ang eksenang tumulo ang aking luha, may insidenteng nangyari sa aming klase. Nasa Computer Lab kami noon. Nahuli kaming mga lalaki na nanonood ng malaswang sayaw sa Youtube. May nagsumbong na ako raw ang pasimuno. Ngunit ang totoo ay nakinood lang din ako.
{8}