7 minute read

Pangako

Next Article
Kabado

Kabado

Pangako Maria Fatima Cerva

“Babalik ako,” pangako ni Mang Efren. “Sabay tayong kakain ng paborito mong bibingka.”

Advertisement

Sa nanlalabo pang paningin ay tinanaw ni Berto ang ama. Ito ang lagi nitong pangako sa kanya tuwing umaga bago magpunta sa masikip na puwesto nito sa palengke na puno ng nilalamat at inaalikabok na palayok at tapayan. Sa kabila nang madalas nitong hindi pagtupad sa pangako, ngumiti si Berto. Sa kanyang mukha ay gumuhit ang ibayong kasabikan sa pagbabalik ng ama. Umasam na sa pagkakataong iyon ay tuluyan na niyang makakasalo ang ama sa pagkain ng paboritong bibingka.

Gumulong ang bisikleta ni Mang Efren kasabay ng paggulong ng isang police mobile. Pumarada siya sa tapat ng kanyang masikip na puwesto kasabay ng pagparada ng mga tao sa kung saan-sang puwesto sa palengke. May babaeng nakatayo sa harap ng tindahan ng karne at nakikipagtawaran, may matandang sinisipat ang ilang lantang dahon ng petchay, may lalaking binubusisi ang mata ng isang malapad na isdang bangus. Tanging sa puwesto lamang ni Mang Efren tahimik, ngunit hindi iilang oras mula sa mga sandaling iyon, pagkakaguluhan ang kanyang puwesto. Uugong ang sirena ng isang police mobile at ilang pulis ang bababa. Isang pakete ng droga ang hindi maipaliwanag na madidiskubre sa loob ng isa sa mga tinda niyang tapayan at kasabay niyon ay ang tuluyang pagbabago ng kanyang buhay.

Samantala, sa kanilang uuga-ugang pawid na tahanan, makikitang nagwawalis si Berto. Nakangiti ang sampung-taong gulang na musmos habang panaka-nakang sumisilip sa kanilang gusgusing orasan na binili lamang ng ama mula sa bote-bakal. Hindi na mahintay ang pagbabalik ng ama bitbit ang pangakong bibingka. Nang makatapos magwalis ay nangalumbaba sa harap ng bintana si Berto at matiyagang naghintay hanggang sa tuluyang matanaw ang ama. Subalit lumipas ang maraming oras, nangawit na ang mga kamay ni Berto, at tuluyan nang nilamon ng dilim ang liwanag ay hindi dumating si Mang Efren.

Nakaidlip si Berto at nagising sa mga tawag ng kanilang Kapitan. Nakapaang lumabas siya at sinalubong ang bigotilyong matanda na may tapal na sigarilyo ang ang bibig. Pupungas-pungas na pinagmasdan niya ito.

“Masamang balita, Berto.” Tinanggal nito ang sigarilyong nakatapal sa bibig at ihinagis. Sa ilang sandali ay pinagmasdan siya nito na tila ba pinag-aaralan kung paano ilalahad sa kanya ang dalang balita. Nagbuntong-hininga ito di kalaunan. “Ang mabuti pa, sumama ka na lamang muna sa akin.”

“P-pero,” napapalunok na saad ni Berto. Nilinga niya ang kanilang bakanteng pawid na tahanan. Nang muli siyang luminga sa Kapitan ay kababakasan ng lungkot ang kanyang mga mata. “A-ano, um, baka po kasi dumating ang tatay.”

Bumuntong-hininga ang Kapitan. Lumuhod ito sa harapan ni Berto nang sa gayon ay mag-abot ang kanilang mga mukha. Inilagay nito ang magkabilang kamay sa kanyang mga balikat.

“Anak, hindi muna makakauwi si Efren.” saad nito. “Sumama ka na lamang muna sa akin at ipapaliwanag ko sa’yo kung anong nangyari.”

Ayon, kay Kapitan, nagkaroon raw ng buy-bust operation sa palengke. Nakitaan raw ng droga sa isa sa mga tinda nitong tapayan ang kanyang ama. Hindi pa gaanong nauunawaan ni Berto kung ano ang “buy-bust operation” pero alam niya kung ano ang droga. Alam niyang masama ‘yun. Alam niya rin kung gaano kahirap ang buhay. Namulat siya roon. Pero kahit gaano kahirap ang kanilang buhay, alam niyang kailanman ay hindi gagamitin ng kanyang ama ang droga upang makalasap ng kaunting ginhawa.

“Kapitan, kumusta po kaya ang tatay?” ang halos araw-araw niyang tanong. “Kailan ko po kaya siya makikita?”

“Malapit na, Berto,” ang isasagot naman ng Kapitan. “Malapit na.”

Hindi pa gaanong marunong magbilang si Berto. Sa edad na sampu ay nasa unang baitang pa lamang siya sa elementarya. Sa kabila niyon, araw-araw niyang minamarkahan ang kalendaryo ng alak sa opisina ni Kapitan at itinatanong rito kung ilan pang araw ang lilipas bago niya makita ang ama. Noong ikasampung araw ay hindi na napigilan ni Berto at tuluyan na siyang naiyak ngunit napatahan din agad ni Kapitan. Noong ikadalawampung araw ay muli siyang umiyak ngunit sinabi ni Kapitan na nakikipag-ugnayan na ito sa mga pulis. Matapos noon ay gabi-gabi na siyang umiiyak pagkat pakiramdam niya ay tulad lamang din ng pangako ng kanyang ama ang pangako ni Kapitan.

Sumapit ang isang buwan at may mga dumating na dalawang pulis. Natatandaan pa ni Berto, nagwawalis siya noon sa harap ng Barangay Hall. Hindi niya narinig ang pinag-usapan ng mga ito ngunit nasaksihan niya nang ituro siya ni Kapitan at pagmasdan siya ng mga pulis. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng takot. Namulat siya sa paniniwalang nagliligtas ng buhay ang mga pulis ngunit bakit tila natatakot siya sa mga ito ngayon?

“Totoy, halika,” tawag ng isa sa kanya. “Gusto mo raw makita ang tatay mo?”

Tumango si Berto. Hindi na uli ito nagsalita at kinayag siya patungo sa police mobile. Pinasakay siya nito sa likod habang ang dalawa ay dumiretso sa harap.

“’Yan ba ‘yung naiwang anak?”

“Oo, ‘tol.”

“Kawawa naman, ‘tol.”

“Wala, eh. Wala tayong magagawa. Napag-utusan lang naman tayo.”

“Nakokonsensiya ako, ‘tol.”

“Ssh, huwag ka nang maingay riyan.”

Nakita niyang sinulyapan siya ng mga ito mula sa salamin sa gitna ng mobile. Hindi niya naintindihan nang lubusan ang kanilang pinag-uusapan ngunit lalong lumawig ang takot na kanyang nararamdaman. Nanginginig ang mga tuhod na luminga siya sa salamin na bintana at lihim na nanalangin hanggang sa tuluyan na nilang marating ang istasyon. Inalalayan siya ng mga ito papasok sa loob ng isang kuwarto; kay linis at kay lamig. Ang hindi lamang maunawaan ni Berto ay ang amoy ng sariwang dugo na nanunulay sa kanyang ilong sa tuwing lalanghap siya ng hangin. Nasagot ni Berto ang misteryo nang tumambad mismo sa kanyang sabik na paningin ang nanuyong dugo sa gilid ng labi ng kanyang ama. Bukod sa nanuyong dugo ay may pasa rin ito sa kanang mata at maga ang magkabilang pisngi.

“T-tay,” salubong niya sa garalgal na tinig. “A-anong nangyari sa’yo, tatay?”

“O-OK lang ako, anak. Huwag kang mag-alala sa akin. OK lang ako.”

Alam ni Berto na hindi totoong OK lang ang ama. Naalala niya noong minsang nadulas siya sa poso habang nag-iigib. Tumama ang kanyang pisngi sa bakal at namaga rin iyon. Alam niyang masakit iyon. Mistulang bigla niyang naalala ang sakit kaya bigla na lamang tumulo ang kanyang mga luha.

“Huwag ka nang umiyak, anak.” Pinilit nitong ngumiti. “Hindi naman masakit.”

Pinahid nito ang umaagos na luha sa kanyang pisngi gamit ang mga kamay. Doon na tumambad sa kanya ang mga paso ng sigarilyo sa braso nito. Gusto niya sanang itanong kung hindi rin ba masakit ang mga pasong iyon ngunit alam niya sa sariling magsisinungaling lamang uli ito.

“Tatay, nahulihan ka raw ng droga?” ang halip ay tanong niya. “Totoo po ba ‘yun?”

Umangat ang mga labi ni Mang Efren. Akmang sasagot ngunit hindi natuloy nang tumikhim ang pulis na bantay sa loob. Nakita niya ang matalim na tinging ipinukol nito sa kaniyang ama at muling nanumbalik ang kanyang takot.

“Um, anak, bata ka pa. Hindi mo pa lubusang maiintindihan ang mga nangyayari. Pero, kahit na ganun, gusto kong malaman mo na hindi dahil nakakulong ang tatay ay masama na siyang tao.” Nagsimula na ring gumaralgal ang tinig nito. “K-kung ano man ang mangyari sa akin, anak, sana huwag mong kakalimutan na mahal kita. Ibinilin na kita kay Kapitan. Hindi ka niya papabayaan.”

“P-pero hanggang kailan ako kina Kapitan?” piksi ni Berto. “Kelan ka babalik sa atin, tatay?”

Lumapit ang bantay na pulis. Itinayo nito si Mang Efren at nilagyan ng posas ang mga kamay. Sinubukang makiusap ni Berto ngunit itinaboy lamang siya nito.

“Tatay!” Lumuluhang habol niya. “Tatay, kelan ka babalik?!”

Kahit nakatalikod na ang ama ay alam ni Berto na umiiyak ito. Nakita niyang yumuyugyog ang mga balikat nito. May binulong ito sa pulis. Parang nagmamakaawa. Hindi kalaunan ay huminto ang pulis sa pagkaladkad sa kanyang ama. Hindi tinanggal ng mga ito ang posas ni Mang Efren, pero hinayaan nilang makalapit uli ito sa kanya. Lumuhod ito sa harap niya at habang patuloy ang patak ng luha sa mga mata nito ay dahan-dahan nitong inusal ang mga salitang madalas nitong iwanan sa kanya tuwing umaga bago umalis.

“Babalik ako,” pangako nito. “Sabay tayong kakain ng paborito mong bibingka.”

Katulad ng dati, sa nanlalabong paningin ay pinagmasdan ni Berto ang ama. Sa kabila nang madalas nitong hindi pagtupad sa pangako, ngumiti siya. Sa kanyang mukha ay gumuhit ang ibayong kasabikan sa pagbabalik nito. Umasam na sa pagkakataong iyon ay tuluyan na niyang makakasalo ang ama sa pagkain ng paboritong bibingka.

This article is from: