13 minute read

Silang Mga Nagtiis

Next Article
Pangako

Pangako

Silang Mga Nagtiis Arthur Allen P. Baldevarona

Hindi ko pinangarap maging guro.

Advertisement

Ito ang isang bagay na sigurado ako nang masaksihan ko mismo ang unti-unting panghihina ni Mam Helen noong kami ay Grade 2.

Maingay kami noon. Naglalaro ng teks (piraso ng papel na may larawan ng mga cartoon characters). Hindi masaway. Kani-kaniyang bulastugan at daldalan. Sigaw nang sigaw si Mam. Nang hindi kami maawat, bumulyaw siya ng pagkalakas-lakas. Umalingawngaw ang kaniyang boses sa buong klasrum na umabot pa ata sa opisina ng aming punong-guro sa kabilang gusali na animnapong metro ang layo. Sigurado ay narinig din iyon ng guro sa katabi naming silid-aralan.

Tahimik kaming lahat. Ang mata, lahat ay nakatitig kay Mam Helen. Dinig ko ang pagpintig ng aking dibdib sa susunod na mangyayari. Sigurado papipilahin kami ni Mam habang hawak niya ang kaniyang mahabang multi-purpose stick. Hindi niya lang kasi ‘yon panuro sa aming binabasa sa pisara. Ginagamit niya rin iyon bilang pamulot ng mga nagkalat na plastik o papel sa loob ng klasrum. Ngunit kadalasan niya itong nagagamit bilang pamalo..

Ngunit ang inaasahan naming sunod-sunod na pamamalo ay hindi natuloy. Natunghayan namin si Mam Helen. Humawak sa ulo. Ipinikit ang mga mata. Muntik nang mabuwal. Nahihilo na pala ito. Naupo ito sa malapit na desk.

Kaming mga estudyante niya ay nataranta. Pinaypayan ng mga babae si Mam.’Yong presidente ng klase ay tumakbo palabas. Tinawag ‘yong titser sa katabi naming klasrum. Agad namang rumesponde ang mga kasamahan ni Mam. Dinala siya sa kaniyang mismong upuan sa likuran. Nagtawag ng nars. Kinuhanan siya ng blood pressure. High blood daw, dahil sa amin.

Walang kumibo ni isa sa amin.

Nilingon ko si Mam Helen.

Nakaupo. Nakapikit. Parang tulog. Nagpapahinga.

Pinaiyak ako ni Mam Tresalin noong huling taon ko ng hayskul. Hindi dahil ako ay kanyang piningot, pinalo o pinakaen ng dumi ng kalabaw. Bago pa man mangyari ang eksenang tumulo ang aking luha, may insidenteng nangyari sa aming klase.

Nasa Computer Lab kami noon. Nahuli kaming mga lalaki na nanonood ng malaswang sayaw sa Youtube. May nagsumbong na ako raw ang pasimuno. Ngunit ang totoo ay nakinood lang din ako.

Kinahapunan, kinumpronta ako ni Mam Tresalin tungkol sa nangyari. Sinabi ko ang aking rason. Madaming estudyante ang nakasaksi ng tagpong iyon. Hindi pa man ako tapos magsalita ay sumingit si Mam.

“Ikaw talaga Baldevarona, ang hilig mong rumason. Bastos ka,” ika niya saka siya umalis.

Bumibilis ang tibok ng aking puso dahil na rin sa halo-halong emosyon. Kaba, hiya at inis na hindi pinakinggan ang rason ko.

Kinagabihan ay hindi ako makatulog. Iniisip ko kung ano ang mangyayari kinabukasan. Sa susunod na araw kasi ay magtatanghal kami sa asignaturang hawak ni Mam Tresalin.

Magagalit pa ba sa akin si Mam? Ipapahiya ba niya ako? Patatalsikin niya na ba ako sa paaralan?

Ilan lang iyon sa mga tumatakbo sa aking isipan sa gabing iyon.

Kinaumagahan, pagpasok ni Mam Tresalin ay tahimik ito. Ngunit mabigat ang kaniyang presensya. Wala siyang kibo. Hindi maipinta ang kaniyang reaksyon sa nangyari kamakailan. Parang walang sagutang nangyari sa pagitan naming dalawa.

Ipinagsawalang bahala ko na lang din ang magiging reaksyon ni Mam Tresalin. Total parang wala naman ata sa kanya ang nangyari. Pero nangangamba ako na baka pag-initan niya ako buong taon. O di kaya naman hiniling na niya sa aming prinsipal na patalsikin ako kaya tahimik ito.

Tinawag ni Mam ang unang grupong magtatanghal. Hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa rin niya binabanggit ang tungkol sa nangyari kahapon. Natapos ang unang grupo. Ang sumunod at ang sumunod pa.Hanggang sa tinawag na niya ang aming grupo.

Malakas ang pintig ng aking dibdib. Pinilit kong iwaksi ang kaba. Itinuon ko ang aking atensyon sa aming pagtatanghal.

Nakatayo na kami sa harapan. Nag-aayos ng mga gagamitin nang biglang magsalita si Mam Tresalin. Napatingin ang lahat sa kanya.

“Kayong mga IV-A,” nilahat niya ang buo naming seksyon. “Kung pinagsabihan kayo dahil sa pagkakamali niyo, huwag niyong mamasamain.”

Malumanay ang pagkakasabi. Hindi tulad ng nanggagalaiting boses nito nang ako’y kanyang kinumpronta.

Sa kanyang mga binanggit, alam kong ako ang kanyang pinagsasabihan. Inaasahan kong magagalit

siya sa akin ngunit hindi niya iyon ginawa. Sa halip, pinangaralan niya lang kami.

Hiyang-hiya ako sa mga oras na iyon. Naisip ko ‘yong pagsagot ko sa kanya. Napagtanto kong mali ang aking ginawa. Kaya, sinamantala ko ang pagkakataon na humingi ng tawad sa harapan niya at ng buo naming klase.

“Sorry po mam kung nasumbatan ko kayo kahapon,” sabi ko. “Sinasabi ko lang naman po na hindi ako ang nagpasimuno ng ginawa namin.”

“Naiintindihan kita Allen. Pasensya na rin kung nasungitan kita,” sagot ni Mam Tresalin.

Tuluyan nang tumulo ang aking luha dahil sa kabaitan niya. Ang kabaitan ni Mam Tresalin ang tuluyang nagbukas sa aking kaisipan sa kamaliang aking ginawa.

Naupo ako dahil sa aking pag-iyak. Hindi na ako pinagtanghal ni Mam.

Naranasan kong matakot sa tae ng kalabaw. Iyon kasi ang ginawang panakot ni Sir Lope noong kami ay Grade 1 tuwing maingay at hindi kami maawat sa kaguluhan. Sisigaw si Sir. Pupunta siya sa kaniyang munti at masikip na opisina sa loob ng aming klasrum na natatakpan lang ng plywood. Magtatawag siya ng pinakamagulo kong kamag-aral. Doon ay kunwaring ipapakain niya ang bilog na piraso ng tuyo, matigas at mangitim-ngitim na dumi ng kalabaw sa batang tinawag niya. Saka niya lalakasan ang boses sa pagsasabi ng, “Nganga! Kainin mo ‘tong tae ng kalabaw!”

Kaming mga hindi tinawag at hindi nakakakita ng nangyayari sa opisinang iyon ay tahimik. Iba’t ibang reaksyon ang naghari sa klasrum. Kinakabahan. Natatakot na baka isa sa amin ang susunod na papakainin. Meron naman ‘yong iba na pabulong na magsasabi ng, “Hala kayo. Kasi kayo ang iingay ninyo. Kayo na ang susunod.”

Sa mga ganoong pagkakataon ay nakadukdok lang ako sa aking upuan. Bumubuo ako ng imahe base sa nangyayari sa loob ng opisina ni Sir Lope. Iniisip ko ang kamay ni Sir na nakahawak ng dumi ng hayop. Unti-unti niyang inilalapit ito sa bunganga ng aking kaklase. Saka isusubo.

Sa aking imahinasyon, inaalam ko kung ano ang lasa ng tae ng kalabaw. Nahihiwagaan ako sa kung anong pakiramdam kapag nagdikit na ang tuyo, matigas at mangitim-ngitm na dumi ng hayop sa bunganga ng batang pinapasok ni Sir sa kaniyang opisina.

Magaspang kaya? O natutunaw agad sa dila? Mapait kaya na tulad ng ampalaya? Mapakla na parang tableta ng Enervon na kinagat at nadurog sa iyong dila?

Hanggang ngayon ay hindi ko pa alam ang mga kasagutan sa nasabing hiwaga. At ngayong

ako’y nagkaisip na, ayoko nang malaman sa pamamagitan ng sariling karanasan.

Lumabas ang aming kaklase sa opisina ni Sir Lope. Nakalobo ang magkabilang pisngi. Sa aming murang isipan ay bakas iyon ng isinubong dumi ng kalabaw. Pagkaupo ng aming kaklase ay lumunok ito at biglang nawala ang umbok ng pisngi. Lumabas na rin si Sir sa kaniyang opisina.

“O sino pa ang mag-iingay?” sabi ng aming guro. “At papakainin ko ng tae ng kalabaw.”

Para kaming makahiyang nabundol. Lahat ay tumiklop at nag-asal anghel. Natatakot na baka maituro ni Sir. Natatakot na baka mapakain ng dumi ng kalabaw.

Buong hapon kaming tumahimik sa araw na iyon. Iniiwasan na magaya sa aming kamag-aral na pinakain ng tae ng kalabaw.

Pag-uwi, tinanong ko ‘yong aming kamag-aral. “Masarap?”

“Ang alin?” pagtataka nito.

“‘Yong tae ng kalabaw.”

“Hindi naman ako pinakain. Kunwari lang ‘yon para tumahimik tayo.”

Nang malaman ng lahat ang totoong nangyari, sa sumunod na araw, nagtawag muli si Sir Lope ng maingay sa kaniyang opisina. Ganooon din noong sumunod pang araw. Hanggang sa nagsawa si Sir. Nag-isip na siya ng ibang panakot para lang tuluyan kaming tumahimik.

Sa harapan ng aming klasrum noong Grade 4, may malaking puno ng mangga. Hindi mo siya mayakap sa sobrang taba. May sanga itong mababa kaya abot naming mga bata. Sa sangang ito ay nakasabit ang bilohabang bakal na may isang metro ang haba. Iyon ang nagsisilbing bell ng aming paaralan.

Tuwing recess at ala-una imedya ng hapon ay binabatangtang ang nasabing bell bilang hudyat ng pagpasok ng mga mag-aaral sa kani-kanilang klasrum. Pinupokpok ito gamit ang solido at matigas na bato na mapupulot sa ugat ng punong mangga.

Dahil kami ang malapit sa bell, kaming mga Grade 4 ang naatasan para sa pagpapatunog nito. Si Mam Mercy, ang aming adviser ang nag-atas sa ilan sa aking mga kamag-aral na siyang magpapatunog ng bell sa bawat araw ng linggo.Wala ako sa mga naatasan. Pero kapag sinumpong ako ng kapilyuhan ay nakikisawsaw ako sa pagbabatangtang.

May isang pagkakataon na nahuli ako ni Mam Mercy na nakiki-agaw sa batong pamukpok ng bell. Nanlaki ang mga mata niya sa galit. Napansin ko ring bumuka ang kanyang ilong dahil sa sobrang inis. Parang dragon na bubuga ng apoy.

Akala ko ay humupa na ‘yong galit ni Mam pagpasok niya ng aming klasrum. Inaabangan niya lang pala akong pumasok at hinihintay na makaupo bago niya ako sinuntok sa kaliwang braso.

Dalawang beses. Dalawang beses kong naramdaman ang pagbaon ng buto ng kaniyang kamao sa kalamnan ng aking braso. Parang nabangga sa matigas at maumbok na bakal ang pakiramdam. Masakit at hindi ko maigalaw ang aking braso. Naluluha ako pero pinigilan ko.

Hindi na sana ako tuluyang iiyak kung hindi nagtanong ang kaklse ko. “Masakit ba Allen?”

Ang tanong na iyon ang muling nagpaalala at nagparamdam ng sakit.

Nahuli kami ni Mam Leoni na naka-istambay sa may plant box sa likod ng aming klasrum noong kami ay mga third year high school. Nagalit siya sa aming dalawa ni Joemare dahil habang may ginagawa ang aming mga kaklase sa loob ng aming klasrum ay nandoon kami sa labas. Nakaupo at nagmimiryenda.

“Kayo talaga, umiiwas kayo sa mga gawain. Mga tamad kayo,” sabi ni Mam Leoni. Malakas at bakas ang pagkainis sa boses ng aming guro.

Nakayuko kaming pumasok sa klasrum. Nahihiya sa titig ng aming mga kamag-aral. Titig na nagsasabing, “Yan kasi! Buti nga sa inyo!”

Habang patuloy sa paggawa ang aming mga kaklase ay pinapangaralan kami ni Mam. Hanggang sa matapos ang klase ay hindi naalis ang kaniyang inis.

Hindi kami pinansin ni Mam Leoni ng buong umaga. Isa siya sa pinamakabait na guro ng aming paaralan. Isa siya sa mga paborito ko. Kaya nalungkot ako nang nagalit siya dahil sa amin.

Si Mam Leoni muli ang aming guro sa hapon sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao. Hindi ako makatingin ng deretso sa aming guro. Nasa loob ko pa rin ang hiya sa aming ginawa. Ngunit hindi ko inasahan ang sinabi niya bago magsimula ang aming klase.

“Sa dalawang napagalitan ko kanina, pasensya na kung napagtaasan ko kayo ng boses. Ayaw ko lang kayong matulad sa ibang estudyante na naglalaro sa pag-aaral,” bigkas ni Mam Leoni.

Nais tumakas ng luha sa aking mga mata matapos kong marinig iyon. Para sa akin, hindi dapat niya

iyon ginawa dahil hindi siya ang may kasalanan. Hindi dapat siya ang humihingi ng tawad.

Naantig ako sa mga sinabi ni Mam. Kaya, hindi na kami nag-alinlangang humingi ng tawad sa aming maestra.

Ngiti ang isinagot sa amin ni Mam Leoni.

Nasigawan naman ako ni Mam Guada habang kami ay nagkaklase noong Grade 3.

Masaya ang diskusyon ni Mam noon. Ganado siya. Walang humpay siyang nagsasabi ng ‘Very good!’ tuwing naririnig niya ang tamang sagot sa kanyang mga katanungan.

Maingay ang klase noon. Ngunit hindi tulad ng walang saysay na kaingayan, ang aming pag-iingay sa mga oras na iyon ay dahil sa aming pakikilahok sa pinapagawa ni Mam Guada. Ganado rin kaming nakikinig.

Sa pagkakataong iyon ay naranasan kong maging bibo sa loob ng klasrum. Pero, nasobrahan ko ata. Nabastusan sa akin si Mam Guada nang sumagot ako sa tanong niya habang nakaupo sa ibabaw ng aming desk at nakapatong ang aking paa sa upuan.

“Bakit ganyan ka maupo?” malakas na sabi ni Mam.

Nagtinginan ang lahat ng aking kaklase. Namumula ako sa hiya. Kaya dahan-dahan akong dumausdos para maupo ng maayos.

“Hindi naman ganyan ang itinuturo namin sa inyo. Kaya huwag niyong gagawin. Umasta kayo ng tama,” paalala ni Mam.

Nakayuko ako sa aking upuan habang nagsasalita at nangangaral si Mam Guada. Hiyang-hiya ako sa aking ginawa.

Noong ikalawang taon ko ng hayskul, sa Benguet National High School sa bayan ng La Trinidad, Benguet ako nag-aral. Malayo sa aming probinsya na Nueva Ecija. Wala akong kakilala. Palagi akong nag-iisa. Walang pumapansin sa akin.

Pinatayo ako ni Mam Pakipak ng isang buong oras sa klase namin sa kanya sa Filipino. Sa kadahilanang natusok ang mata ni Benjamin ng dulo ng libro na inagaw ko. Umiiyak ang aking

kamag-aral sa sakit. Sa sobrang inis niya ay sinigawan ako ni Benjamin sa harapan ng aming guro.

Si Mam ay kalmado lang. Hinintay na tumahan si Benjamin. Saka niya ako inutusang tumayo sa harapan. Hinintay kong paupuin ako ni Mam ngunit hindi niya ako pinansin hanggang sa matapos na ang aming klase.

Pagkatapos ng isang oras ay kinausap ako ni Mam Pakipak. Hindi tungkol sa nagawa ko kay Benjamin. Tinanong niya ako ng mga personal na bagay. Kung sino ba ang mga magulang ko. Kung ano ang trabaho nila. Kung sino ang nag-aalaga sa akin. At kung saan ako tumitira.

Nalaman niya ang lahat sa akin. Nalaman niyang hiwalay na sina Papa at Mama, at tumitira ako sa babaeng kapatid ng aking ama. Na ako ay taga ibang probinsya at malayo ako sa aking pamilya.

Nag-iba ang pakikitungo sa akin ni Mam Pakipak sa sumunod na mga araw hanggang sa matapos ang buong taon. Palagi niya akong kinakamusta. Tinatanong kung kumain na ako. Paminsan-minsan, isinasabay niya ako sa taksing sinasakyan niya pauwi.

Mahaba at malapad na kawayan ang ginamit na pamalo ni Sir Nestor sa amin noong kami ay Grade 6. Dalawa kami ni Allan ang pinalo ni Sir. Nagpunta at nagreklamo kasi ang mama ni Jade dahil umuwi itong wala sa oras at umiiyak. Tinukso kasi namin ito kaya umuwing luhaan. Dalawa kami ni Allan. Ako ang taga-sulsol. Si Allan ang gumagawa ng pang-aasar. Tinusok sa puwet. Sinabuyan ng buhangin sa ulo at hinamon ni Allan ng suntukan si Jade dahilan para umiyak ito at umuwi.

Pagbalik ng eskwelahan ay kasama ni Jade ang kanyang mama. Pinatawag kami ni Sir Nestor. Pinagalitan kami sa aming ginawa

Tig-lima. Tig-limang beses kaming pinalo sa puwet ni Allan. Malakas at malutong. Nakaharap sina Jade at ang kanyang ina habang kami ay nakadapa.

Pak! Pak! Pak! Pak! Pak!

Pinangaralan kami ng husto ni Sir. Pinamukha sa amin na mali ang aming ginawa. Matapos nun ay nagtanong ang aming guro.

“E anong gagawin niyo ngayon?” sabi ni Sir Nestor. Hindi na galit ang aming guro. Malumanay na parang nanlalambing ang boses niya.

Sa tanong niyang iyon ay may nais siyang iutos. Hindi nga lang namin nakuha ang gusto niyang iparating. Kaya sinenyasan niya na kami ni Allan na humingi na ng tawad sa inaway naming kaklase..

Nilapitan namin si Jade. Sabay kaming nagsabi ni Allan. “Sorry na, Jade.”

Mula noon, naging matalik na kaming magkaibigan ni Jade. Magkasama na kaming lumiliban sa klase.

Unang beses kong naranasan na mapagkatiwalaan ng isang guro noong ako’y Grade 5. Si Mam Paulina. Siya ang unang guro na nagbigay ng tiwala sa akin. Ibinigay niya kasi sa akin ang isang mabigat na responsibilidad. Inutusan niya akong maglista ng mga maiingay sa klase noong pagkakataong umalis siya sa aming klasrum para ibigay ang mga dokumentong ipinapasumite ng punong-guro sa kanya.

Mahirap ang naging papel ko sa klasrum ko noong wala siya. Sa tungkuling iyon, dapat patas. Walang kai-kaibigan. Kung maingay, dapat ilista, at sa pisara pa na nakikita pa ng mga kamag-aral na naililista ko.

Marami ang nagalit at nagtampo sa akin. Ngunit binalewala ko iyon. Dahil sa loob ko ay pinagkatiwalaan ako ni Mam. Dapat kong tanggapin ang resulta ng mga desisyon ko sa mga oras na ako ang kaniyang inasahan.

Piningot ako ni Mam Rita bago matapos ang taon ng panuruan noong ako ay nasa first year high school. Hindi kasi umabot ang grado ko para mapabilang sa Honor Roll. Nalaman niya na hindi ko inasikaso ang mga projects ko.

“Anong pinaggagawa mo at hindi mo naipasa?” tanong ni Mam. Galit ngunit mapanghikayat ang tono.

Hindi ako nakapagsalita.

“Sige,” muling sabi ni Mam. “Kakausapin ko mga titser mo na pagbigyan ka. Kaya, gawin mo na ang mga projects mo para makapagpasa ka.”

Ginawa ko ang utos ni Mam. Inihabol ko lahat ng aking projects saka ipinasa sa aking mga guro. Tinanggap nila ang mga ito.

Nagpasalamat ako kay Mam Rita. Noong Recognition Day, sa entablado, tinawag ang pangalan ko.

This article is from: