1
2
NOSTALGIYA Antolohiya Ng Mga Tula
R.B. Abiva Patnugot
2020
3
NOSTALGIYA
Antolohiya Ng Mga Tula Tinipon at Inedit ni R.B. ABIVA Ang mga kontribiyutor: MARK – JHON R. PRESTOZA, JOHN CHRISTOPHER LUBAG , SHUR MANGILAYA, CRISTOBAL FULGENCIO ALIPIO, ALLEN BALDEVARONA, ARTHUR DAVID SAN JUAN, BANJO SOMERA, R.B. ABIVA, ED TIGULO, GLEN SALES, JEREMIE JOSON, JOSHUA DIOKNO, JOSHUA MARI LUMBERA, KARLO SEVILLA LAGMAN, JAKI TUNGOL, MITHOS LUIS, RONNEL TALUSAN, ROSSITE RAMILO, At RUSSEL DEL ROSARIO Pangkabuuang Disenyo: R.B. ABIVA Tagapangisawa Ng Rekurso: MILDRED G. ABIVA Larawan Sa Pabalat (Harapan): RENDILYN CUYOP Larawan Sa Pabalat (Likuran): YSABEL SOLON Larawan Sa Loob: R.B. ABIVA Karapatang-ari © 2020 ng mga kontribiyutor at ng Samahang Lazaro Francisco Reserbado ang lahat ng karapatan. Walang bahagi ng librong ito ang maaaring gamitin kapag walang pahintulot mula sa pabliser at sa mayhawak ng karapatang-ari, maliban kung kailangang sipiin sa pagsusuri at pagsasaliksik pang-akademya. Unang Lathala (Anyong Digital) Mayo 2020 Siyudad ng Cabanatuan Lalawigan ng Nueva Ecija Republika ng Pilipinas
E-Mail: samahanglazaro@gmail.com FB-Page: Samahang Lazaro Francisco
4
NILALAMAN MARK – JHON R. PRESTOZA Hinulmang Diyamante JOHN CHRISTOPER LUBAG Unang Sigwa Sa Tag-araw Kumikindat Ang Liwanag Ng Langit Kung Sakaling Huli Na Ang Kanina SHUR MANGILAYA Almusal Sa Giray Na Dampa Sa Dalampasigan CRISTOBAL FULGENCIO ALIPIO Di Lang Dugo’t Pawis ALLEN BALDEVARONA Sampalok Kamatsile Mangga ARTHUR DAVID SAN JUAN Pantalon Hinggil Sa Kariktan Sa Memorya Ni Totoy BANJO SOMERA Hirap Magets Ang Pagdaan Ng Mga Larawan Sa Luther Parker Street Noong Ako'y Bata Pa Sa Baloc, May Misteryo R.B. ABIVA Bugan* Kazantzakis* (Tugon sa The Last Temptation Of Christ ni Nikos Kazantzakis)
5
ED TIGULO Anak Ng Asarol At Lupa Ikaw Ang Aking Dalampasigan Ang Huling Buwan GLEN SALES Sa Bawat Araw Ang Ating Pagitan JEREMIE JOSON Mga Gamugamo Sa Pabahay Shooting Star Sa May Padre Pio Pantoum Sa MERALCO JOSHUA DIOKNO Mayo, 2020 Tahanan Tagpuan Ezekiel JOSHUA MARIE LUMBERA I. Sa Pagbuhos Ng Ulan Ang Alabok Na Pilat Mula Sa Bintana Ay Mukha Ng Mangingibig Na Maghapong Nakadungaw Sa Kawalan Kundiman Ang Patak Ng Ulan II. Sepultorero Sa Pagtanda KARLO SEVILLA LAGMAN Bahay-Bahayan “Middle Class” Kuno Social Distancing JAKI TUNGOL Gintong Muni Marupok Na Puso
6
MITHOS LUIS Alon Hiling Sa Tala Sana Noon Ikaw Pa Rin Malaya Pa RONNEL TALUSAN Dalawin Mo Ako Sa Paglipad Ng Mga Paruparo Lugmok Na Bayan Ang Lumabag Bakit Ninyo Sila Pinatay? ROSSITE RAMILO Bukod-Tangi Dating Normal Rasyon-al Baka Sakali Simbayosis: Papel, Lapis, at Pambura RUSSEL DEL ROSARIO Nunca Te Olvidaré Paraisong Parisukat Eskinita
7
PAUNAWA Ang alaala’y kung punyal ay kayang pumatay ngunit kaya ring bumuhay. Isang malaking karangalan ang matipon ang mga tulang ito mula sa pluma at musa ng iba-ibang makata sa panig ng bansa na nagtataglay din ng tiyak na adbokasiya at ideyolohikal na tindig. Ang sentral na lunsaran ng obrang ito ay umiinog sa dalawang parametro: nostalgiya at giya. At sa kulang tatlong buwang lockdown o kwarantina, tiyak na marami tayong mga bagay o danas na naalala. Hindi natin maiwasang ikumpara ang noon at ngayon, at ngayon sa hinaharap ng tao at mundo. Labis ngang dinistrungka ng pandemyang ito ang nakagisnang sirkulo at proseso sa kung paano natin natatransforma ang isang eksistenyal at esensiyal na danas sa ating puso at isipan, at upang ito’y maiproseso at maging isang alaala sapagkat, gaya nga ng nabanggit, umiikot din ang tao na gaya sa kung paano umiikot ang mundo sa araw. Masarap ngang sariwain ngayon ang noon subalit para sa iba’y isa itong hungkag na anyo ng romantisismo sa nakaraan. Pero, mainam din na pag-isipan na ang tila muling paglalakbay sa nakaraan ay isa ring porma ng pagtatangka na hanapin, o upang mahanap, ang giya ng kasalukuyan at hinaharap. Maaaring ito’y sa muling pagbalik sa mga nauna nang bagabagin gaya ng kasawian at tagumpay sa karera, pag-ibig, at iba pang kategorya ng kairalang-tao. Sa panahong ito, gaya ng kwarantina, malamang ay marami ang nabagot subalit mayroon namang mga hindi. At sila nga itong mga manunulat at makatang matiyagang itinala, at itinatala pa, ang kasalukuyang mga pangyayari. Sa wika ni Tarkovsky ay ito ang “Pinakaperpektong siklo upang ang tao ay muling pumaloob sa estetika at misteryo ng solitaryonismo,” na para bang sususugan din ni Agamben hinggil naman sa kanyang bagabagin sa “gaze”. Panghuli, walang silbi ang pagsariwa sa mga alaala kung para itong kalakal na sinasariwa sa ngalan ng popular na konsumerismo. Ano ang ibig kong sabihin? Kahit pa limandaang beses nating sariwain si Rizal kung atin lamang ginagawa ito sa ngalan ng marka sa klase ay walang kuwenta. Malabo pa nga ang hinaharap kung gayon.
8
Muli, isang mapagpalayang pagbabasa! R.B. Abiva 26 ng Mayo, 2020
9
10
MARK – JHON R. PRESTOZA/ MJP Siya ay tubong Quirino, Isabela. Nagtapos siya ng elementarya sa Rizal Elementary School, sekondarya sa Rizal Comprehensive High School, at Isabela State University – Roxas Kampus (ISU-R), nagtapos ng Master of Arts in Education – Filipino sa Isabela State University – Echague (ISU – E) at kasalukuyang kumukuha ng Doctor of Philosophy in Language Education – Filipino sa Isabela State University – Cabagan Kampus. Nagsusulat siya ng tula at maikling kuwento sa wikang Iloko at Filipino, siya rin ay mananaliksik sa wika, kultura, panitikan at edukasyon . Siya’y aktibong tagapangulo ng samahan ng mga kabataan na nagtataguyod ng mga programang nagsusulong sa mga lokal at rehiyunal na literatura.
11
HINULMANG DIYAMANTE Katulad mo’y perlas, sa maalong ulap Sumisilip, kumukurap-kurap, at nagniningas Dala mo’y kasiyahan sa alapaap Kaysarap pagmasdan, kislap mong walang-hanggan Gusto kitang mahawakan, gawing palamuti sa katawan Maging kuwintas at korona na mamutawi ang angkin mong kagandahan Upang masilayan, natatangi mong kapangyarihan Na nagdadala ng liwanag katuwang ang amang buwan Kislap mo’y tulad ng ngiti na puno ng pagmamahal Hugis mong kamangha-mangha, gawa sa natatangi mong hulmaan Na nagbibigay ng ligaya, sa katulad kong nabubuhay sa mundong ibabaw Nawa’y ikaw ay aking masilayan, gabi-gabi sa ating tagpuan Upang bawat umaga ko’y punong-puno ng kasiyahan Sapagkat mga pangarap ko’y ibinabahagi sayo ng tunay at lubusan.
12
JOHN CHRISTOPHER DG. LUBAG Ay isang guro at manunulat na kasalukuyang naninirahan sa Bulacan. Nanalo siya ng ikalawang gantimpala para sa pagsulat ng dagli noong 2017 sa ilalim ng pamunuan ng The Writers' Bloc-Cavite at Center for Creative Writing-PUP. Lumabas ang kaniyang mga akda sa Baga Poetry (Great Concept Publishing, Inc.), Liwayway Magazine (Manila Bulletin Publishing Corp.), Katitikan (The Literary Journal of the Philippine South), Agos: Refereed Journal ng Malikhaing Akdang Pampanitikan (Sentro ng Wikang Filipino-UP Diliman), TanggolWika Folio (Kataga-Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.), Aksyon: Mga Kuwentong Eksena sa Pelikula (7 Eyes Production, OPC), Samahang Lazaro Francisco (WordPress.com), Knights of Rizal (Cabanatuan City Chapter), Solidagro: Anto sa Yugto ng Pandemiko (Samahang Lazaro Francisco), Ang Habi Issue No. 2 (Titik Poetry), Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19: Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (Kasingkasing Press), at Kartilya: The New NormalLockdown Edition (AUX-Artists in BPO Unite for Social Change). Ngayon ay kumukuha siya ng Rody Vera's Online Playwriting Course at Master of Arts Malikhaing Pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Natanggap din siya sa taong ito bilang online fellow sa Ricky Lee's Scriptwriting Workshop.
13
UNANG SIGWA SA TAG-ARAW Katatapos lang magmalupit ng langit mula sa inipon nitong sama-ng-loob, na tumama sa nayong ngayo'y naiwang nakatiwangwang matapos hingahan ng bunganga nitong may dala-dalang pag-aagaw-buhay.
Nakaguhit pa rin sa mga tiyan ang kalam at hapding iniwan ng poot nitong singaw-ng-lupa, habang sabay-sabay nagsisiawit ang mga palakang-bukid sa palayan, na ayon sa matandang kasabiha'y nagtatawag ng nagdaan nang ulan. O marahil ito'y pangungulilang tugon bilang alay na pag-awit ng 1dung-aw sa mga dumapang tangkay ng uhay, na ginapas nitong sigwa sa tag-araw at ngayo'y nakatubog at nagtatampisaw sa naglalawa nang mga pilapil at pitak.
14
Naiwang balisa ang lahat, habang nakatulalang tinatanaw sa malayo ang mga nawala: ang sinalimpad ng hangin na mga pawid at dingding; ang nasirang mga bahay, na yari sa palapa ng niyog; ang naiwang nakataling kalabaw; ang nabuwal na puno ng akasya; ang mga nakawala o sinalimpad na mga alagang itik at manok; maging ang amang magsasaka, matapos magsalitan ng liwanag ang nangingindat na langit kanina at nagbungangang baril sa nagdaang kulimlim ng dapithapon. _____________________________________ Dung-aw - isang tradisyonal na awiting-bayan ng mga Ilokano para sa isang yumao.
1
15
KUMIKINDAT ANG LIWANAG NG LANGIT Kumikindat ang liwanag ng langit, Kasabay ng pagdagundong ng mga kulog At pagsayaw ng mga yerong dingding. Nababagabag ang ina sa pagbuhos ng ulan; Yapos-yapos niya ang dalawang anak, Na pawang nakapikit at takip-tainga Sa nagbabadyang paghalik ng kidlat sa lupa. Sa di-kalayuan ay maririnig ang alulong ng mga aso, Kasabay ng paghandusay ng isang lalaki Matapos pagbabarilin ng humaharurot na motorsiklo.
16
KUNG SAKALING HULI NA ANG KANINA (sa lahat ng maiiwan) Tingalain mo ang langit Mula sa pinagkutaan nating bundok. Abangan ang paglitaw ng buntalang magdaraan, Na simbilis ng mga balang pumatay sa aking katawan.
Hayaan mong hilamusan Nitong ulan ang natuyo kong dugo, Na kumapit sa nagkandayuko nang mga damo Matapos daan-daanan ng hatak-hatak nilang sako.
Huwag mo akong iiyakan. Kaylanman ay hindi natin ipinagtirik Ng kandila ang sinumang naunang pumanaw. Hindi kaylangan ang bulaklak sa ligid ng aking larawan.
Balikan mo ang lungsod At bayang sinasagpang ng diktador. Gisingin ang toreng-garing sa mga tula at awitin. Kaylanma’y hindi kamatayan ang mga gatilyo ng baril.
17
Huwag kang matatakot Kung sakaling huli na ang kanina. Lahat naman tayo ay mga buntalang nagdaraan, At muli’t muli tayong magkikita kahit walang paalam.
18
SHUR MANGILAYA Siya ay tubong Bagacay, Ibajay, Aklan. May sagisag panulat na Victoria Carlos. Ang kanyang mga akda ay nalathala sa mga journal, antolohiya, magasin at pahayagan, gaya ng Ani 36 - 40 ng Cultural Center of the Philippines, Peter’s Prize, SaNag 11 ng Fray Luis de Leon Creative Writing Institute ng University of San Agustin Press, Wagi/Sawi, Antolohiya ng mga Kuwentong Luwalhati at Pighati ng University of the Philippines Press, Poetika, Kasingkasing 4 ng Kasingkasing Press. Philippine Panorama, Liwayway, Hiligaynon ng Manila Bulletin, PangMasa ng The Philippine Star at Hindi Ito Ang Panahon Para Mamayapa ng Kataga Online. “Hae-o ag Eusong,” ang kanyang unang ng Tula sa Akeanon na inilathala ng Kasingkasing Press ( 2019 ) Iloilo City.
19
ALMUSAL Kung dadalawin mo ako sa ating dampa, / huwag kang dumaan sa balkonahe, / dahil bulok na ang hagdanang kahoy nito./ Kung maari ay dumaan ka / sa pintuan ng kusinang pasibi./ Itulak mo lang nang bahagya / ang nakapinid na pinto / upang ikaw ay makapasok. / Hinihintay kita tuwing umaga,/ Na sana ay magkasalo tayo sa almusal./ Sa pag-inom ng malabnaw na kape / at pagkain ng malamig na lugaw, / na binudburan ng isang kurot na asin. / Alam kong pagod ka sa mahabang paglalakbay, / kaya ipinaghanda kita ng almusal. / Kahit minsan ka na lang dumalaw sa akin,/ hindi ako magagalit at magtatampo. / Hindi pa rin magbabago ang init / ng aking mga paglalambing. / Kahit sinlabnaw ng kape / at sinlamig ng lugaw ang iyong pag-ibig,/ ituturing ko pa rin itong pantawid-gutom / sa aking pangungulila./
20
SA GIRAY NA DAMPA Masukal na ang paligid/ na kinatitirikan ng giray na dampa./ Makakapal na ang mga lagas na dahoon/ na nakahimlay sa lupa. / Malalago na ang mga halamang gumagapang/ sa haligi hanggang sa bubungan. / Lumalagos na ang ulan at ihip ng hangin/ sa kawayang dingding at atip na pawid. / Ang pagpapalipas natin ng gabi sa lilim / ng punong mangga tuwing kabilugan ng buwan,/ ay sadyang nangangalabit sa aking gunita. / Ang kahungkagan sa paligid / ay gumuguhit ng mga samu’t-saring nakaraan. / Tila multong pilit na sumisiksik / at patuloy na lumiligalig sa aking isip./ Dahan-dahan ang aking mga hakbang / papalayo sa ating dating tahanan. / Habang nililingon ko ang giray na dampa,/ simbigat ng nararamdaman ko sa dibdib / ang aking mga hakbang sa paglisan./
21
SA DALAMPASIGAN Sinaklot man ng marahas na alon Ang iyong mga bakas sa dalampasigan, Minsan isang gabing nagngangalit ang dagat, Huhukayin ko pa rin ito at dadakutin At muling isasaboy sa buhanginan. May mga gabing payapa ang dagat At marahan ang hampas ng mga alon Ay inaaliw mo ako sa aking pag-iisa. Ang malamig na haplit ng hangin Ay nangangalabit sa aking pangungulila. Salamat sa iyong pagdalaw Ngayong araw ng ating anibersaryo. Ang panahon ng ating sumpaan at mga pangarap. Halika sa ating dating tipanan, Haplusin mo ang aking ulilang puso At muling buhayin ang ating kasaysayan. Hampasin man ng mabagsik na daluyong Ang hungkag na dalampasigan, Iguguhit ko pa ring muli sa buhanginan Ang mga bakas ng ating alaala. Nalatahala sa Liwayway magasin sa sagisag panulat na Victoria Carlos noong Pebrero 16, 2015.
22
CRISTOBAL FULGENCIO ALIPIO Kilala bilang Ambrocio Escalante Pascua at Kumander Tagay (KT). Isinilang at nakatira sa Talavera, Nueva Ecija. Nagtapos ng BSIE sa Nueva Ecija University of Science ans Technology (CLPC), at kasalukuyang guro sa pampublikong paaralan. Isang magbubukid na walang lupa, elektrisyan, manginginom, at mangingibig. Siya ang awtor ng mga libro ng tulang Mga Hunos sa Banos, Ligaw at Diga, at SARESA: Mga Tulang ‘Di Para Sa Iyo. Siya ay kasapi ng Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (Batch BAGA-2018), at kalahok na manunulat para sa tula sa Ikalawang Palihang Lazaro Francisco (2019). Siya ang kauna-unahang kampeon sa Unang Gawad Lazaro Francisco para sa kategorya ng tula.
23
DI LANG DUGO’T PAWIS (Pagkaraan ni Lamberto Antonio) Malimit bigkasin ng di iilang makatang laway, Ang aming mga karanasang di matatawaran, Sa anumang kadahilanang kami'y kaawaan O gamitin para sa pansariling kapakinabangan. Hindi ko man sabihing kinokopo namin ang pinitak Iilan ang di nangiming magkapaltos ang palad, Simula pa lamang iyan matapos na tumagaktak Ang pawis kahit sa araro'y di pa humahawak. Kung malarosas ang talampakang manipis Ay talampakang sasabihin kong kahit malabis Ang pag-iingat ay suwerte ang di matinik At sa hingang malalim na kirot ay hindi maigik. Kapag inabot ng pag-aasawang bakulaw Sa gitna nang tirik na tirik na sikat ng araw Mapalad sa gabing hindi dumalaw ang ginaw At kumulog ang lalamunan at ang sipon ay sumungaw. Ngunit hindi lamang naman lungkot at saklap Ang ibinububo sa pitak, marami ring galak Gaya nang pagtilamsik ng laway sa hagalpak Ng halakhak sa sistehang hindi kumukupas. Ang di mapipigilang pagkiligkig ng pag-ihi Kahit saang maikubli ng daliri ang ari Ang pagpaparaos sa agos ng palige Ng bures o tubol na pinagpipyestahan ng mga burase. At di nga kasi'y ang katapat ng pitak ay langit May ilang saklong na masarap maugit, Mapaglawa, sabugan ng punla na lupang malagkit O subsuban ng ngusong tila susohong sa putik. Kaya di lamang dugo't pawis ang umaagos 24
Sa bitak-bitak na pinitak at banos Maging ang hiningang kinakapos ay lumalagos Sa mga butil nang palay, bigas, kanin na umuusok.
25
26
ARTHUR ALLEN P. BALDEVARONA Dating pinahirapang estudyante (anim na taon na ang nakalilipas) na ngayon ay isa nang guro (payback time). Soccer player (frustrated). Manunulat (na tamad). Mang-aawit (sa sariling panaginip). Hilig din niyang magsayaw (sa banyo). Pangarap niyang magkaroon ng isang hektaryang homestead na kung saan siya magpaparami ng paborito niyang hayop, mga kuneho. Masugid na tagasubaybay nina Lee Child, Michael Crichton, Dan Brown, Greg Iles at Andy McDermott. Paboritong niyang libro ay ang The Persona Protocol at ang The Footprints of God.
27
SAMPALOK ‘Di pa tumitilaok ang manok, sa pintuan ni Apong Saleng tayo na ay kumakatok. Unang maririnig ang kanyang inis na yabag palapit sa pinto, pinahahalata ang pagkairita sa maagang pang-iistorbo. Pagbukas ng matanda, sasalubong ang kukuba-kuba niyang postura. Sa kanyang labi, may nakaipit nang La Campana, na ang baga ay nasa loob ng kanyang bunganga. Iyon daw ang tamang pananamnam sa sigarilyong kaniyang kinasanayan. Lilinga-linga ang kanyang mata sa ating dalawa. Magtatanong kung anong kailangan natin sa kanya sa ganoon kaaga. Magsasalita ka dahil ikaw ang kuya. Iyong ipagpapaalam ang pag-akyat natin ng sampalok, mangunguha ng bunga, sa palengke ipabebenta. Madalas iyon tuwing sabado, sa puno katabi ng kanilang gripo. Sandali itong magpapakipot. Animo’y isang kulangot na ayaw pasundot. Nakipagkasundo ka. Sa perang mapagbebentahan sa bunga, ibibili natin siya ng isang kahang La Campana. Humirit siya ng isa, bale dalawa. Pumayag ka, dahil tres lang ang isa. Sa hapon nang tayo’y nakabenta, inabot natin ang hiling niya. Ngumiti ang matanda, labas ang nangingitim niyang mga ngiping wala nang talim.
28
Kinagabihan, sa ating bahay dinig natin ang ingay kina Apong Saleng. Walang humpay sa pag-ubo ang matanda.
29
KAMATSILE Tinatakasan natin si Mama tuwing siesta. Sa ilog tayo’y nagpupunta. ‘Di alintana ang sabi-sabing may ahas na gumagala. Tayo’y pumupwesto sa ilalim ng kamatsile, ang punong sinasabing nakatitibi. Inaakyat natin ‘to, ‘di iniinda ang tinik na samasalugsog sa ating mga kamay at paa, makakuha lamang ng prutas na mamimeryenda maya-maya kapag ang gutom ay umatake na. Pumipitas tayo sa magkakahiwalay na sanga. May berde at pula; payat at matataba; matatamis at mapapakla. Titigil lamang tayo kapag puno na ang loob ng ating damit na ginawa nating bulsa. Pinalilipas natin ang oras sa kwentuhang tungkol sa pinanonood nating mga palabas. Nagtatalo kung magiging dragon din ba si Recca. Kung magiging MVP rin ba si Sakuragi. O kung makaka-KO ba ulit si Ippo. Kasabay ng mga palabas na iyon, atin ding binigkas ang kani-kaniya nating pangarap, habang kumakain ng kamatsile, ‘di inaalala, kung kinabukasan, tayo ay matitibi.
30
MANGGA Hinagupit ni Gloria ang ating baryo. Itinumba nito ang manggang kalabaw na kadalasan nating kinukuhanan ng bungang hilaw, at sa bagoong, na may pinisang sili, mangasim-ngasim nating isinasawsaw. Tinipon natin ang ating mga pinsan. Ang natumbang puno’y ating pinuntahan. Tumambad ang ugat na binunot ng bagyo. Lahat tayo’y napakamot ng ulo. Wala na. Wala na ang tambayan natin tuwing alas kwatro. Hindi na tayo makakaluksong-baka kasama ang mga kalaro. Matitigil na ang kwentuhang katatakutan tuwing gabi, bandang alas otso. Mabababa na ang mga sangang nilalambitan. Tinitigan na lamang natin ang nahihimlay na puno, pag-alis, napasipa na lamang tayo sa mamasa-masang damo.
31
32
ARTHUR DAVID SAN JUAN Ay mula sa Antipolo, ay ganap na kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society at Hulagway Writers Group. Inilathala ang kanyang mga tula sa Bulgar Newspaper Tabloid, Bulatlat, Manila Today, Angono News Rizal Online, Katitikan Journals, Kasingkasing Press, Novice Magazine, Abandoned Library Press International Journal, at iba pa. Awtor ng librong “Sikreto sa Loob ng Kwarto,” siya rin ay patnugot at kontribyutor sa “NGALAN: Antolohiyang SaMaFil.”
33
PANTALON Kapag sinusuong ko ang aking pantalon, muli kong inaaral kung paanong humakbang: unahin ang kaliwa; dahan-dahang kilalanin ang pagtaas-baba ng mga binti. Binabalikan ko rito ang mga yabag ng aking mga kalaro. Naririnig sa kaluskos at paghila ng gusot sa tela ang mga bulung-bulungan ng aking mga kababata— tinatawag ang aking mga palayaw. Madalas, dito ako humihinto: namumulikat sa sikip. Pinalalaya ako ng gaspang ng mga hibla sa suot na damit.
34
HINGGIL SA KARIKTAN I. Nahuhulog ang k a l o o b a
n
ng mahabang buhok ni Nanay sa talim ng aking gunting. Sabi niya, nakahuhumaling ang pagitan ng haba at ikli ng pagkakaputolputol ng hibla. II. Kinakausap ko minsan ang bata sa salamin. Tinatanong: anong kahulugan ng kagandahan?
35
Subalit malamig na titig—tila haplos sa balat ng gunting—ang sagot niya pabalik. Natutulala sa haba ng aking sedang buhok. III. Madalas pinipitas ng suklay ang uban sa uluhan ni Nanay habang pikit-mata lamang ang kaniyang tugon; iniipon ang bungang-tulog sa gilid ng namimitig na mga mata. IV. Pamilyar sa akin ang ngiti ng bata sa salamin. Hulma ng kurba ng kaniyang mga labi ang hugis ng puting hilatsa sa sahig (tanda ng pagtanda sa yumi ng aking Nanay).
36
V. Sa harap ng tukador binabati ng talim ng aking gupit ang nalalabing buhok ni Nanay. Habilin sa pagkalagas ng ganda ang mukha ng kabataan: repleksiyong kinalakhan sa lumang tagapaglarawan.
37
SA MEMORYA NI TOTOY May mga pagkakataong hindi ko na maalala ang inaalala ko pa pala. Halimbawa, ang antigong aparador ni Lola na umani ng alabok Sa nilimot na panahon. Ang istatik at garalgal ng sirang radyo ni Lolo. Ang pakete ng Mik-Mik na minapa ang heograpiya ng kwarto ni Bunso. Maski ang kalawanging pako na biniyak ang pusod ng aking trumpo. May mga pagkakataong hindi ko na inaalala ang maaalala ko pa pala. Halimbawa, ang aking sariwang mga mata na kinain ng katarata Sa binilang na mga taon. Ang nginig at pasma ng aking mga daliring nanuyo. Ang hagod ng pagod na binakas ang kawalang-pagod ng aking gulugod. Maski ang hilaw na mga sugat na nilanggas ng pangungulila sa aking gunita.
38
BANJO LIM SOMERA Kilala sa tawag na Banj, Tata Banjo, at Sabo, si Banjo ay ipinanganak sa lungsod ng Pasay, Metro Manila, at lumaki sa Baloc, Santo Domingo, Nueva Ecija. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Secondary Education, major in English sa City College of San Fernando, sa syudad ng San Fernando, probinsiya ng Pampanga. Sa kasalukuyan ay isa siyang guro sa isang State University sa Pampanga. Isang tambay sa ika-pitong baitang ng hagdan, performance poet, songwriter, rapper, manananim, siklista, hardinero, tagaluto, kakwentuhan, mangingibig, katropa, katoma, at kapamilya. Siya ay All-Star fellow ng Pamiyabe, isang rehiyunal na palihan sa Gitnang Luzon na pinasisinayaan ng The Angelite, opisyal na pang-estudyanteng publikasyon ng Holy Angel University, sa lungsod ng Angeles, sa Pampanga.
39
HIRAP MAGETS Ang maging kabaliktaran ng mayaman ay mahirap talaga. Biruin mo, para kahit paano sumaya. Hindi naman sa sinasabi kong hindi masaya, malungkot nga kasi. Tanong nang tanong sa paborito kong kanta ng SIAKOL, Bakit ba kasi? Kapag inutusan kitang laitin ang madla, yun ang totoong "Hahamakin ang lahat, masunod ka lamang." Mas malapit ang papunta DOON sa inuman kesa pauwi DITO sa tahanan kasi pag-uwi, pagapang. Dahil sa lakas ng ulan, nagdeklara ang mga eskuwelahan na MERON DAW LABAS. Kaya pili ka kung san ka kukuha ng ticket-- meron sa sinehan, meron din sa bus. Pag sinabing WA EPEK, meron namang epek, di nga lang epektibo. Sa nagbabasa, absent ka nung nagpaquiz kaya "WALA KANG PAPEL DITO!" Ano nga ba mas mabilis? Alas-kwatro o madaling-araw? Bakit ba yung papel, huling habilin, eh ang dami pang nasabi bago pumanaw? Sa simbahan din ang tuloy ng mga di marunong lumingon sa pinanggalingan. At pagkahabahaba man ng mangyayaring prusisyon, makakarating parin sa paroroonan. Pagbutihin mo ang pag aaral, wag mo sanang mamasamain. Mahirap man o may bagyo ay may pag-asa ka parin. Yung nagsasama sa isang bubong siguradong maliit lang yung bahay. Yung nagsabunutan kanina, mga sinungaling. Di natupad yung, "Mata lang walang latay." Binawalan akong lumabas sa entrance. Sabi pa "Nagkamali ka boy." Bakit naman kasi ko lalabas sa may exit eh yun nga yung labasan ng apoy. Yung kilala kong magaling, balita ko may sakit pala. Sa sama ng loob, uuwi ako, kahit na galit ka pa. Hirap siguro makipagkasundo sa pipi kasi walang isang salita. Ingat sa pagplantsa ng buhok, pota ASILAB me, at lumabas ka ng bahay na BALISA. Yung matalik mong kaibigan gaganap daw na ahas sa pelikulang pinamagatang "The Best." Pinoy talaga. Daming saya. San ba nakuha? HIRAP MAGETS!
40
ANG PAGDAAN NG MGA LARAWAN SA LUTHER PARKER STREET Ang daming lukót na papel na'ng nagkalat; Nagtulakang dumaraan na tila agos ng dagat; Istoryang dire-diretso, walang ingay ang nakaawat; Matatamis na tinginan at labi ang naglapat. Anino ng mga nangakatingkyad na punungkahoy, Ay silúngan ng balat para pawis 'wag dumaloy; Paniguradong daraanan pagka nais na lumaboy, Ng gumagapang na sawa nang kamandag ay maisaboy. Halakhakan ay pamilyar, katahimikan ay bihira; Labàsan ng init ng mga araw na nasira; Pero nagtatapos ang mga oras na masiba; Sinag ng maghapon maya't maya'y tumitila. Luther Parker ay isang ordinaryong kalye lang din, Sa pamantasang nilakaran upang pangarap dalhin; Di ka iiwan ng kalye, pero iiwanan mo ang kalye, Pero tuloy na daraan ang mga larawan ng nangyari.
41
NOONG AKO’Y BATA PA Pagkatapos maghapunan makaraang maglaro ng Taguan sa bakanteng lote, ay dumiretso ako sa higaan. Tutok ang bintilador sa paanan upang hindi malamukan, habang nakapatong ang sakong sa kumot na kalasag ng buong katawan, ay nakangiti kong inisip na ako'y bida sa isang pang-umagang palabas na inaabangan. Nang biglang mawalan ng kuryente. Alas diyes ng gabi, nag-iisa ako sa kwarto na walang pinto. Kalabog ng dibdib ko'y malakas at tila ayaw huminto. Doon ko naranasan ang pagpawisan habang giniginaw. Isang tapik o tawag lang paniguradong mapapasigaw. Bakit ba kung kelan nawalan ng kuryente, tsaka ko maiisip ang mga multo at mga halimaw? At napapako ang kasiyahan kapag wala na ang ilaw? Natatakot ba ako kasi mag-isa, o kasi ako lang ang nag-iisang natatakot? Ano nga ba sa dalawa ang nagpapa-tindig balahibo? Pero sa aking paglaki, ganoon parin ako. May tapang na ko sa dilim pero nangingilabot parin sa multo. Natatakot parin sa mga bagay na 'di ko alam kung totoo. Kahapon Ng Hapon Sa pag-iingay ng ulan sa bubungan, Habang ang samyo ng kape ay sinasakop ang pang-amoy at panlasa, At ang aking mata ay nagpapalipat-lipat sa mga dahon sa isang sanga na gagalaw sa kalabit ng malamig na luhang nagbabagsakan, Mula sa abuhing kalangitan, Aking metikulosong ginuguhit sa kaisipan Ang mga alaalang sa darating na panahon ay hinding-hindi ko na babalikan Ang pagngiti ng mga mata ng aking Fiona. 42
Ang eksaktong pagkakahati ng kanyang buhok habang ang ilang piraso ay perpekto ang pagkakapwesto sa gilid ng mga lente ng salamin niyang malawak. Kung paano niya sambitin ang ibig habang ang aking buong mundo'y sinasakop ng kakatuwang liwanag. Lumalapit ang distansya ng nga bituin. Mga sandaling ang magulo't maingay na palingid ay nagmimistulang maberde at mabulaklak na hardin. Napakatamis na alaala. Ngunit.. Ang mapayapa kong pag-iisip ng pangarap at pag-ibig ay palagi na lamang matatapos sa isang panimdim. Nababalot ng luha at dilim. Kailanma'y mananatili sa akin ang pag-ibig na hindi ko nasabi. At habambuhay na tatanawin sa ulan ang alala ng pagmamahalang hindi pa nangyayari.
43
SA BALOC, MAY MISTERYO Sa bayan ng Santo Domingo sa Nueva Ecija, may barangay na natutumbok ng maharlika Mahiwaga ang takipsilim ng mga tiga-roon, na 'di makita sa hubad na ngiti nila. Payak at normal ang takbo ng maghapon sa barangay Pero ang gabi ay buhày, mahamog ang mga tangkay. Ang dilim na hudyat ng tahimik na pagsulong, Ay siya ring tanglaw sa paglaya at lihim na paglusong. Mga pangil na nagngangalit sa kasabikang iraraos. Tinig na umiihip, sa paghingal mapapaos. Nagluluhang mga galos ay pìlit igagapos Lalong hihigpit ang buhol sa takdang oras ng pagtàpos. Sa payapa na kalye’y, may yapak na gumugulong Ungol na nanlalaba’y di nanghihingi ng tulong. Nagyeyelo sa init ang kalamnan, habang kayakap ay tinik Upang makamot ang kating, sa umaga’y nakatakip. Bunga’y di maikubli sa wangis ng musmos. Lukso ng dugo’y pinipilit ng damdaming nagtutuos. Nakagugulat na mga ulat, sa pagpatak, di na titila, Ilalahad lahat ng tusong naanghangan ang dila. Gabi sa Baloc ay ang oras ng pagsasàbog ng punla Iba ibang pwesto, iba ibang kwento, iba ibang peste at mukha. Mga bulong ay buhày sa bawat gilid at lungga. Walang ligtas sa misteryo, mapa-mayaman o dukha.
44
R.B. ABIVA o RBA Siya ay manunula(t) sa wikang Iloko at Filipino, siya rin ay musikero, iskultor, at pintor. Writing Fellow siya ng 58th University of the Philippines National Writers Workshop (Tula), 11th Palihang Rogelio Sicat (Maikling Kuwento), 6th Cordillera Creative Writing Workshop (Tula), at 9th Pasnaan- Jeremias A. Calixto Ilokano Writers Workshop (Daniw). Inisyatiba niya ang Solidagro, Anto Sa Yugto Ng Pandemiko ( Samahang Lazaro Francisco E-Book, 2020). Siya ang awtor ng Paltiing: Mga Piling Tulang Prosa ( Southern Voices Printing Press, 2020), Kapatiran Ng Bakal At Apoy: Mga Piling Maikling Kuwento At Dagli (Pantas Publishing, 2020), Po(e)(li)tika: Mga Tula ( MRC Printing Press & Publications, 2019), Agaw Agimat (Pantas Publishing,2019), at Tuligsa at iba pang mga tula (Pantas Publishing,2018). Nalathala na rin ang kanyang mga tula sa Liwayway, Bannawag, Diliman Review, Agos 1 (Sentro Ng Wikang Filipino), LAGDA- UP Diliman, Kasingkasing Press, Titik Poetry, Novice Magazine, Katitikan: Literary Journal of the Philippine South, Tawid News Magazine, Philippine Collegian UPDiliman, Pinoy Weekly, Bulatlat, Northern Dispatch Weekly, Manila Today, Kodao, at Arkibong Bayan. Siya ang Tagapangulong-Tagapagtatag ng Samahang Lazaro Francisco, at kasalukuyan ngayon siyang literary columnist sa Pinoy Weekly habang siya ay kumukuha ng MA-Malikhaing Pagsulat sa UP-Diliman. Kandidatong Miyembro siya ng KATAGA- Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.
45
BUGAN* Para kang patak ng ulan, Nang sumingaw sa kalupaan Ay palihim na nanaog Sa kalangitan Pagkatapos kang manahan Sa aking mga ugat at laman At sa kaluluwa kong nabaog Buhat nang iyong iwan. 7 ng Mayo, 2020 Bayan ng Magbubukid _____________________________ *Sa mga Ifugao ay siya si Eba.
46
KAZANTZAKIS* (Tugon sa The Last Temptation Of Christ ni Nikos Kazantzakis) Sinubukan kong akyatin ang iyong puyo kasama ang tungki ng iyong dunong at ginantimpalaan mo ako nang mainit-init na pulot ng huling tukso kay Kristosumapit ang dilim bumigwas ang madulas at rumaragasang pawis pinutol ni Zorba na Griyego ang sinulid ng pag-aabang prosa at tula ang isinilang. Enero 16, 2019 Lunsod ng Quezon, Maynila *Nobelista at makatang Griyego si Nikos Kazantzakis na kamuntik nang masungkit ang Nobel Prize sa kamay ni Albert Camus. Aking salin mula sa aking tulang Kazantzakis na naisulat sa wikang Iluko, at naisalang sa PASNAAN 9 Ilokano Writers Workshop noong 2019 sa Don Mariano Marcos State University, Siyudad ng Laoag, Ilocos Norte sa pangunguna ng GUMIL- Filipinas at Centre for Ilocano Studies.
47
48
EDMAR C. TIGULO Siya ay 25 gulang at mula sa Nueva Ecija. Dati siyang part time English and literature instructor sa Central Luzon State University kung saan din siya nagtapos ng Bachelor of Secondary Education. Kasalukuyan niyang tinatapos ang kanyang thesis para sa kursong Master of Arts in Education sa College of the Immaculate Conception, Cabanatuan. Sa kasalukuyan, guro siya sa Junior High School department sa isang pampublikong paaralan sa Licab. Advocate siya ng Sustainable Development Goals (SDGs 2030).
49
ANAK NG ASAROL AT LUPA Kasabay sa pagtugtog ng martsa at paglakad ng mga paa patungo sa pinangarap na simula, taas-noo akong nakatingin sa nilalandas— hindi alintana ang kasanggang nakanganga na sumuko na sa haba ng pakikibaka. Subalit, iyon na ang huling hakbang niya at sa akin naman ay ang umpisa. At kahit sa akin ay nakatingin sila at may nagtutok pa ng lente ng camera habang lahat nakamasid sa aking paa, tinanggap ko nalang sa paraang kakaiba— Na habang naglalakad ako ay nakayukod sila gumagalang sa mga hirap na aking binata, sapagkat anak ako ng asarol at lupa. At sa pag-abot ng aking gantimpala baon sa pusong kalilimutan ko na at yayakapin ang pangako at pangarap na itinuro ng aking nakangangang panyapak habang sa entablado ay papaakyat.
50
IKAW ANG AKING DALAMPASIGAN Na palagi kong babalikan bumagyo man o umaraw hanggang sa dapithapon sa Kanluran at sa pag-awit ng buwan sa kalangitan ikaw pa rin ang aking Paraluman na pag-aalayan ng mga pangarap kapag hubád na ang panyapak at umusal na ng paalam sa Silangan pabalik sa sinapupunan ng dagat palayo sa pampang ng búhay ikaw ang aking dalampasigan na paulit-ulit kong hahagkan sa tuwing matatapos ang landas ng álong walang katapusan at sa pagdidilim ng kalangitan at pagbabadya ng isang ulan ikaw ang pínong buhanginan sa aking hapông paanan ang kumakalamay sa pinagtatagusan sa pinagsusugpungan ng ngayon at bukas sa mga kamay ng orasan ikaw ang aking dalampasigan hanggang sa walang hanggan
51
ANG HULING BUWAN Umiiyak ang bawat kaluluwa— may sa galak at sa dusa, mga ritmo ng hanging dumadampi sa nakaraan at kasalukuyan; kaparang ang kasaysayan ng liwanag ng buwan: ang ikapito sa santinakpan na kailanman ay ‘di na maglalaho dahil sa ingay ng bawat kaluluwa ng tao; iniwan nang nag-iisa sa kalawakan ng Bakunawang matakaw, sapagkat kung magdidilim ay dadaloy ang kalungkutan hanggang sa sinapupunan ng kalupaan.
52
GLEN A. SALES Kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society at KATAGA. Tagapayo ng KAUSAP. Naging National Writing Fellow sa Tula sa Palihang Rogelio Sicat 11 na ginanap sa UP Baguio (2018). Ang kanyang mga tula ay nalathala na rin sa Liwayway Magasin at sa Cultural Center of the Philippines Ani Journal 38, 39, at 40. Kasalukuyang guro sa pampublikong paaralan sa Tiaong Quezon. Manunulat sa Laguna Courier.
53
SA BAWAT ARAW Dumadating ang takipsilim waring kay talim Umuubo tayo at nilalagnat sa pangungulila Tumatayo pa rin tayo sa higaan dahil kailangang gumising Ehersisyong sa araw-araw na pagkamatay Rumurupok ang kinatatayuan natin ngunit nananatili tayo Talaang pataas ng pataas ang bilang ng biktima waring Elehiya ang lumalabas sa ating mga bibig . Pasan -pasan natin ang kawalang katiyakan Ang katahimikan ng paligid ang pinakamaingay na ingay Hintayin natin kung kailan maaayos ang lahat Intindihin daw muna natin ang sitwasyon, ang mga solusyon . Romantikong lente ang ilapat sa pagsipat Anistisyahan ang ating puso o kalooban Papantay din ang ating mga paa.
54
ANG ATING PAGITAN Isang bayan lamang ang ating pagitan ngunit parang milya –milya Ang hatid na lumbay. Kailangang magtiis sa matagal na walay. Hindi ko pa kayo mayayakap asawa ko’t anak parang mailap na alitaptap Magkakasya lamang ako sa video call at sa mga alaala. Ilang buwan na rin Na hindi ko kayo kasama ay ilang buwan na rin ang ninakaw ng kwarantina. Hindi ko na nasubaybayan ang mga unang salitang namumutawi sa iyong bibig anak Ang hatid sa damdamin ng pakikinig sa iyong munting iyak at galak Ang unti-unting paglalakad ang pamumukadkad ng iyong kamusmusan. Para tuloy ako ay pumunta sa isang kay layu-layong bayan upang kayo ay iwanan. Sa haggahan, kay dami pa rin ng bantay na mahigpit na sinusunod ang protocol Napakalaking isyu ang paglipat sa ibang bayan, may prosesong pagdadaanan Kaya ganito, patayin muna ang mga sentimyento. Maging semento ang puso Huwag sarili ang pakaisipin, komunal na kaligtasan ang nakasalalay Pipilitin ko itong unawain. Pipilitin kong palitawin sa puso ang makatang sanay sa abo ng paglisan. Ang makatang laging may pasa sa puso. Karaniwanag mamamayan na palaging sumusunod kahit pasan ang hatid na pasakit.
55
56
JEREMIE JOSON Si Jeremie Joson ay nagtapos ng kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Bulacan State University. Naging Fellow ng Tula sa 6th Cordillera Creative Writing Workshop ng UP Baguio taong 2018 at Pamiyabe 19 Regional Creative Writing Workshop ng Holy Angel University taong 2019. Mahilig siyang tumula tungkol sa mga bagay na gumugulo at nagpapagulo sa kaniyang paligid.
57
MGA GAMUGAMO SA PABAHAY Isang umagang pa-sikat ang araw Ay nabulabog ang mga gamugamo Sa talahiban. Gumuhit ang ingay ng buldoser sa nagtataasang damo na nasasakupan nila. Humalo ang amoy ginikang tinabunan ng lupa sa sariwang hangin Kung kaya’t sila’y nagpulasan At lumipad palayo. Napadpad ang mga gamugamo sa Lungsod Kung saan walang nagtataasang talahib. Nabingi sa ingay ng mga sasakyan, Habang binabaybay ang kahabaan ng Edsa. Lahat sila’y naghihingalo sa nakakasulasok na amoy ng Lungsod. Nang mapagod sa paglipad Ay kumpol na sinakop ang Bagumbayan. Sa wakas ay nakatagpo sila ng damuhan Subalit hindi ito katulad ng mga damo Na nakasanayan Ang damo roon ay amoy goma, amoy panis na inumin, at kung ano-ano pa Na nagpaurong sa sikmura nilang Kumakalam. Nang makaramdam ng init sa tanghaling tapat Ay kumubli sila sa maitim na Estero Sa likod ng Mega Mall Kung saan ginisawan ang kanilang katawan Sa masebong tubig Subalit wala rito ang hinahanap nilang kapanatagan. Inimpok nila ang mga dumi Na palutang-lutang sa itim na tubig 58
Mula doon ay bumuo sila ng kapirasong tabing Wag di lang mabasa sa gabing maulan At mabilad sa araw kung katanghalian. Dito na nila hinintay ang di-tiyak na kinabukasan. Isang umagang pa-sikat ang araw Ay nabulabog ang mga gamugamo Sa tabi ng Estero. Gumuhit ang ingay ng buldoser Kung kaya’t wala na naman silang nagawa Kun’di maghakot At lumipad palayo. Makailang ulit nagpaikot-ikot sa liwanag ng buwan. huwag lamang matunton muli nitong makinang de-gasolina. Subalit sa tuwing pipihit Ang manibela nito Ay laging pugad ng mga gamugamo ang sinasagasaan. Muling bumalik ang mga gamu-gamo Sa talahibang tahanan nila. Sinalubong sila nang sariwang hangin Subalit wala na rito Ang bakas Ng dating nagtataasan At malalagong damo. Sementado na ang lupa Na dating lumulusak sa tuwing tag-ulan. Sa kanilang pag-uwi, hindi na sila ang mga gamugamo Na nagmula sa talahiban. Isa na silang dayuhang nanghihimasok Sa Housing Project Na nakatirik sa ibabaw Nang tinabunan nilang tahanan. 59
“Kasalanan ito Ng Buldoser!”
60
SHOOTING STAR Nagmamadali siyang tumakbo Papasok ng bahay. Mabilis na isinarado ang pinto Saka ibinaba ang tabing ng bintana. Napaupo na lamang siya Ibinaba ang salawal tangan ang supot ng paghihinagpis. Kinuyom ang kamay ng buong higpit, Kinagat ang dulo ng suot na damit at saka sinundan ng hiningang malalim. Dagling tumayo’t inabot ang tabo Dahan-dahang kinusot pailalim ang kamay na naghatid ng bahagyang kilig kasabay nang lumalagaslas na tubig sa kawayang lapag. Binuhol nito ang dalawang tangkay ng makunat na supot. Pagkaraa’y tumapat sa bintanang nakaharap sa itim na tubig. Buong lakas na hinagis dito ang makunat na supot na naglalaman ng mga hinaing at paghihinagpis. Paulit-ulit niya itong gagawin. Hangga’t ang mga hinagis na supot ay hindi nakakarating sa dalampasigan ng kinauukulan.
61
SA MAY PADRE PIO Iba ang dilim ng gabi dito sa amin. Pag patak ng alas-sais, Asahan mong ang kahabaan ng daan Ay unti-unting nilalamon Nang nagdidilim na langit. Ni-walang sindi Ang naturingang poste Na nagkalat sa kanto. Maraming takot pumasok dito Dahil kabi-kabila ang gulo. Kung minsan nga’y may estudiyanteng naligaw Para daw sa research Ay pinauwi ko na bago pa man dumilim. Mahirap nang magkaroon ng pananagutan. Iba ang dilim ng gabi dito sa amin. Noong nakaraan lang, May binaril Subalit hindi nahuli ang salarin. Kagaya ng sinabi ko, Iba ang dilim ng gabi dito sa amin. Halo-halo na kasi ang mga tao. Tila may nagmamasid Sa bawat pinto. Mababalaan lang kita Kung gaano kagulo Ang kakaibang gabi dito sa amin Subalit di-tiyak Kung saan nanggagaling. Kung minsan pa’y naalimpungatan kami sa kaluskos nang kinakasang baril. Pero dahil madilim, Hindi namin maaninag kung sibilyan o pulis.
62
PANTOUM SA MERALCO Bumaba pala ang singil ninyo Sa bawat metro kada oras. Noong nakaraan at ngayong Linggo, Ba’t nadagdagan pa, sa halip na bawas? Sa bawat metro kada oras, Limitado ang pihit sa kada gamit. Ba’t nadagdagan pa sa halip na bawas? Ang singil na dulot sami’y pasakit. Limitado ang pihit sa kada gamit Tulad ng ilaw at bentilador. Ang singil na dulot sami’y pasakit ‘di manlang nabawasan sa mahabang panahon. Tulad ng ilaw at bentilador Wala na kaming ibang gamit pa Di manlang nabawasan sa mahabang panahon Ang kinikita nami’y sapat lang sa upa. Wala na kaming ibang gamit pa Nagagalit kasi ang may kuntador. Kinikita nami’y sapat lang sa upa Sa araw-araw na kami’y ubos. Nagagalit kasi ang may kuntador Noong nakaraan at ngayong Linggo. Sa araw-araw na kami’y ubos, Bumaba pala ang singil ninyo.
63
64
JOSHUA DIOKNO
ALEJANDRO
C.
Nagtapos ng BA Araling Pilipino noong 2008 at kasalukyang nag-aaral sa ilalim ng programang MA Araling Pilipino sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Tanging ang unang labas ng Palihang Rogelio Sicat (PRS) ng Departamento ng Filipino at Panitikang Pilipinas ng Kolehiyo ng Arte at Literatura sa U.P. Diliman, ang workshop na kanyang kinabilangan. Bukod sa pagsusulat, hilig niya rin ang pagbubuhat sa gym at mga blood sport tulad ng Boxing, Muay Thai, at Yaw Yan (Sayaw ng Kamatayan). Sa katunayan, nagtatrabaho rin siya bilang isang part-time, Personal Trainer. Hilig niya rin ang pangongolekta ng komiks, action figures, at statues na hindi kayang bilhin ng sinasahod niya bilang isang Content Writer sa isang BPO company sa Makati. Kasalukuyan din siyang naninirahan lungsod na ito kasama ang kanyang kapatid na lalaki, isang katrabaho, at dalawang pusang laging gutom.
65
MAYO, 2020 Mula sa kanyang kinatatayuan, tanaw niya ang lawak ng lungsod: ang ibang nagtatangkarang mga gusali na mistulang mga puntod ng edukasyon at mga pangarap, ang makikitid na kalsadang binakbak at inabandona ng ilan na ring pangako. Ang nagmumura niyang mga masel ay nanginginig sa pamimilit buhatin ang ilang sako ng buhangin, pangangalap ng graba, paghahalo ng semento, pagpapatas ng konkretong hollow blocks kung kailan ang huli niyang kain ay noong madaling-araw pa, (may sustansya ba ang kapeng 3-in-1 at pandesal kung ang kailanga'y kainin at protina?) Tatlong beses na pagkain ang makatutumbas sa bawat hagupit ng kamay ng orasan sa kanyang katawan na inilalatag bilang baraha ng mga nagmamay-ari ng korporasyon sa loob ng kanilang malalamig na silid. Sa pamamaalam ng araw upang mahimbing mula sa maghapong kahambugan, kanyang dinama ang unang hampas ng hangin sa kanyang kinulubot na mukha, lito kung iiwan ang alabok ng gusaling binubuo, kasama ang ilan pa upang dumilihensya o manlimos ng maiuuwi sa mga pamilyang kulong ng sarilang tahanan—takot sa malubhang sakit sa labas na papaslang sa mahilig sumuway.
66
TAHANAN Mula kanan hanggang kaliwa, sinipat ng namimigat niyang mga mata ang lawak ng trinabahong sala. Skwalado ang pagkakayari sa espasyo: ang distansya ng bawat haligi sa isa’t isa ay magkakasukat. Lapat at walang guwang sa semento ang makikintab na puting tiles. Inis-is niya mismo ng dyaryo ang mga salaming dingding na maigi niyang tinuos ang kapal at taas. Pinilit niyang abutin kahit ang tago nang mga uka sa kisame upang masilyahin. Tatlong beses pa niyang pinasadahan ng puting pinta ang bawat sulok ng kusina, hapag, at C.R. Sa kalagitnaan ng tirahan, nag-iwan siya ng butas para sa airconditioning unit, gayon din sa tatlong silid-tulugan. Napangiti siya sa nagawa. Hinimas niya ang kinakalyo at magaspang nang mga palad. Napabuntung-hiniga siya nang tapikin ng kasama; nagyaya na ito na umuwi sa sari-sariling mga tahanan kung saan hubad ang mga dingding , bitin ang linoleum sa lupang sahig na sabay sala at tulugan sa mga gabi na papak ang pamilya ng mga lamok.
67
TAGPUAN Malas ng kanilang mga mata ang kinang at kutitap ng mga tala sa ganap na dilim ng kalawakan. Pinangalanan nila ang mga konstelasyon, hindi nalalaman ang mga katawagan na itinakda na ng Astronomiya. Hindi nila mapigilan ang ngitian at bungisngisan tuwing maglalapat ang mga balat nilang sinunog ng araw at bibihirang makatikim ng ligo. (Mayroon nga bang ligaya sa pamumulot ng mga itinapon na? Sa pangongolekta kaya ng barya mula sa pagtatawag ng pasahero?) Hindi na bago sa kanila ang tagpuan: ang alikabuking semento at aspaltong nilatagan nila ng karton na minsa'y tahanan ng iba o tambayan ng mga asong gala at mga pusang walang nais kumupkop. Sa 'di kalayuan, dinig nila ang alburoto ng makina at paos na busina ng mga sasakyang hindi alam ang patutunguhan sa lalim ng gabi. Ang mga dingding nila'y yero na yupi-yupi, mapanghi't kinakain na ng kalawang. Yapos sila ng naghihingalo nang liwanag ng mga poste ng ilaw sa gilid ng mga kalsadang hindi matapos-tapos gawin. Dito, ang pag-ibig ay may pagkakataong umusbong kung ikukubli lamang sila ng sako, dyaryo, o napulot na kumot at kobre kama.
68
JOSHUA MARI B. LUMBERA Siya tubong Laguna, kasalukuyang nasa ikalawang taon ng kaniyang kolehiyo sa Pamantasan ng Cabuyao sa kursong BS Psychology. Siya ay kasapi ng Sunday Writing Class, isang pangkomunidad na samahan ng mga kabataang manunulat sa kanilang lugar na pinangungunahan ni Bum Tenorio ng Philippine Star.
69
I. SA PAGBUHOS NG ULAN Mapapagod ang alon sa paghampas, Lilisanin ng alat ang tubig at papalitan ng tabรกng, Mapupundi ang tanging parola, Isasara ang pantalan, Dahan-dahan mang lumubog ang isla
mananatiling nakaangkla ang kamay ko sa tubig sapagkat dito lang kita kayang hawakan sa dagat hihintayin kong bumuhos ang ulan, malalaman mong kailanma'y hindi kita binitawan.
70
ANG ALABOK NA PILAT MULA SA BINTANA AY MUKHA NG MANGINGIBIG NA MAGHAPONG NAKADUNGAW SA KAWALAN Panandaliang tumila ang ulan. Tinatanaw sa kabilang panig ng salamin ang gunita. Lumalagos ang paningin palabas sa mundo kung saan bumakat ang natuyong mga luha ng langit. Naalimpungatan ang tigang na lupa sa sumingaw na alimuom. Bahagyang lumantad ang tuwad ng bahaghari. Mangingiyak na pagbagsak ng dahon ang sumasabay sa tikatik ng ambon. At dagling bumalik ang siphayo ng hangin. Noon din narinig ang pagkatok sa bubong ng hinagpis. Lumapat muli ang mabibigat na dantay. Dambuhalang mga patak. Binasag ang patlang sa silid. Mapanghimasok ang lamig. Nanaog ang lumbay. Sabay- sabay na nagsalita ang mga ampiyas. Paalam. Paalam. Paalam.
71
KUNDIMAN ANG PATAK NG ULAN Dumating ang ulan nang walang pasabi Inalo ng ulap ang lumikas na buwan Pumatak ang luha sa mukha ng gabi.
Binaha ang lungsod at para bigkasin Ang mga inanod na liham at tula, Dumating ang ulan nang walang pasabi.
Umawit ang langit sa mangingibig Tungkol sa harana ng unang kundiman Sa patak ng luha sa mukha ng gabi.
Hindi maitanong kung may bahaghari Na may halong kulay ng nagluksang dagat Sa datĂng ng ulan na walang pasabi.
Ang pananlanta sa iniwang himig Ay dighay ng hangin kung buntong-hininga Ang patak ng luha sa mukha ng gabi.
Kasabay bumagsak ng laksang bituin Parang panaginip na hindi mamulat Dumating ang ulan nang walang pasabi, 72
Pumatak ang luha sa mukha ng gabi.
73
II. SEPULTORERO Mula rito hinahabol ng mata ko ang paglipad ng pulang lobo tila lumilipad na patak ng dugo
kung paano paliit nang paliit sa paningin ang huling pananabik ng lumisan, ang lobo ay nagsusumiksik sa sutla ng panganorin.
Namumudmod ang langit ng kawalan natutulog ang mga bituin sapagkat umaga pa, walang mga kerubin na umaawit ng salmo.
Sa maghapong pagtulala, hinintay ko ang sandaling magtakipsilim mapapaso ang pulang lobo ng kahel na araw
iimpis ang katawan tulad ng balat ng matanda, mawawalan ng asoge 74
dahan-dahang uuwi sa lupa na para bang
isang paruparo na dadapo sa kaniyang nitso. Sa hanay ng mga ligaw na puntod, nakabaon sa sementeryo ang malalalim na patlang
sabay naming pakikinggan ang kalupitan ng gabi.
75
SA PAGTANDA Gustong iahon ang lumulubog na mga mata dahil hindi tulad ng araw ang tanawin na kakainin ng mukhang nanlalabong paningin.
Gustong kulayan ng itim na tinĂ ang mga uban, ibalik sa kulay ng buhok ng isang binata kahit pa ito'y iilan na lamang.
Gustong banatin ang balat, ipakita ang mapa ng mga ugat ng brasong minsang pinasan ang mundo.
Gustong palagutokin ang mga buto, tumakbo sa mga palayan, maglakad-lakad sa dalampasigan.
Ito ang lunggati ng anino ng matanda na bumalik sa nakaraan, gawin ang dating gawi habang ang dapithapon ay nagpapaalalang dapat na siyang umuwi.
76
KARLO SEVILLA LAGMAN Siya ay tubong Quezon City at kasalukuyang magaaral ng programang Sertipika sa Panitikan at Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Polytechnic University of the Philippines - Sta. Mesa. Noong 2018, siya ang nanalo ng Human Rights Online Philippines’ 8th HR Pinduteros Choice Award for HR Right-Up, 3rd place naman sa DALITEXT poetry contest ng Tanggol Wika, at ang isang tula ay kinilala’t napabilang sa The Best of Kitaab nang taon ding iyon. Higit sa isang daang mga tula niya ay nalathala na sa Philippines Graphic, Philippines Free Press, Marías at Sampaguitas, Eastlit, ALPAS Journal, Anak Sastra, Rambutan Literary, at sa iba pang mga magasin, antolohiya, at plataporma sa Pilipinas at sa iba pang mga bansa.
77
BAHAY-BAHAYAN Paano naging pasaway Silang nasa labas ng bahay Eh wala nga naman silang bahay? Sa ngayon, ano ang alaala Nilang mga pinagkaitang dukha? Ang noo'y malayang maglakad sa kalsada Palabas ng bubungang karton, tulay, o tolda? At kung sila'y aarestuhin Dahil sa paglabag nitong quarantine, Sa wakas sila'y tatambay at patutulugin Sa kulungang may kisame't apat na dingding?
78
"MIDDLE CLASS" KUNO Kailan pa ang ganitong pangungutya sa kapwa? At nagrarambulan na naman sila sa social media? Silang "middle class" daw (na mga sahuran din naman) Kinukuwestiyon ang ayudang para sa pinakanahihirapan, Eh kahit nga naman daw silang mga empleyado'y nasa kagipitan. Di ba nila alam na sila'y mga manggagawa't mas malapit ang bituka Sa mga kababayang maralitang lungsod at kanayunan? Na dapat pa ngang kasamang magbigkis-magkaisa Laban sa mga sakim na iilan sa ating lipunan? Ito ba ay aral na di naituro o nakalimutan?
79
SOCIAL DISTANCING Nakakamiss nga naman ‘yung panahon na wala pang "social distancing": Noong mga ilang milenya na ang nakaraan, Noong sa primitibo komunal pa lamang ang sangkatauhan, Noong di pa nasimulang magkamkam ang iilan ng pribadong pag-aari, Noong lahat ay pantay-pantay pa at wala pang paghahati-hati ng mga uri.
80
JAKI TUNGOL Mula/nasa sa dugo ang pagiging makata. Natutong sumulat ng tula at maikling kwento batay sa mga karanasan sa buhay. Ginagamit ang sagisag na Diwatang Kayumanggi na binyag ng isang makatang kaibigan na namayapa na. Aktibo siyang opisyal ng Samahan Ng Mga Makatang Filipino (SAMAFIL) at miyembro ng Kapatid Na Panulat (KAPANULAT).
81
GINTONG MUNI Bawat yugto nitong buhay sumilakbong nag-aalab Ang mithii'y nakatatak sa layuning namamalas, Na malaon at madali tatahak sa tamang landas, Na sa ihip ng Amiha'y unti-unting tinutulak. Ewan nga ba't kung panahon ay hindi nagkakamali Hindi dapat sapilitang harapin ang katunggali Kung mayroong nilalayong kabutihang minimithi Kaloob na kapalaran makakamit na may ngiti. Rangya't lungkot kadalasa'y kaakibat nitong buhay Ang kahapon, ngayo’t bukas lalaging magkaagapay. Ang luhaang nakalipas nitong pusong nanlupaypay Mayro’n laging bagong bukas na sa ati’y naghihintay. Bawat ninanasa ay may silbing talinghaga Na tulad ng paralumang nakadungaw sa bintana. Aalaya’t susuubin ng awit’t mga tula Upang puso ay bihagin ng lalaking may pithaya. Anoman ang kapalarang nakatakda na sapitin Masama man o mabuti nararapat na tanggapin. Kadalasan sa pagsubok kabiguan ay kakamtin Kaya dapat maging handa isip, puso at damdamin. Kaakibat nitong palad mga unos ng pagsubok Panghuhusga ng lipuna’t kalamidad na dadagok Sa ganitong katayuan kung pag-asa’y kinakapos, Walang ibang kakapitan; tanging sa Dios manikluhod. Oh Diyos KO! Basbasan mong walang sawa ang dalangin Itong pusong papahina at loob ko'y patibayin, Sayo po nakasalalay oh Hesus na maawain, Lahat kami sa daigdig ay INYO pong pagpalain
82
MARUPOK NA PUSO Bagaman't mahirap, ay hindi hikahos Sa munting tahanan buhay ay maayos Sa simpleng paraan, naitataguyod Lumaking magalang may takot sa Diyos. Ngunit isang araw lahat ay nagbago Maharot na sayaw ay biglang nanukso Sa tulad n'yang rosas na taglay ay bango Natutong umindak sa tonong El bimbo. Samo ng pag-ibig sa munting bulaklak Buwan at bituin 'pinangakong lahat Tila ba pag-ibig tunay at busilak Siya ay umasang ito'y matutupad. Siya ay naakit sa tamis ng dila Ang kanyang sarili'y binigay n'yang kusa Payo ng magulang di n'ya alintana Bagaman't luhaan ay walang nagawa. Ang munting tahanan ay kanyang nilisan Para sa asam n'ya na kaligayahan No'ng una'y kaytamis ng pagmamahalan At umasa siyang altar ang hantungan. Ilang araw pa ang agad ay lumipas Ang pangakong kasal ay hindi natupad Siya ay iniwan di na mahagilap Tila ba gumuho lahat n'yang pangarap. Kanyang naalala ang munting tahanan Kung saan ay puno ng pagmamahalan Sa mapagkalinga n'yang mga magulang Siya ay hihingi ng kapatawaran. Pagiging suwail ay pinagsisihan Sana'y mapatawad ang tangi n'yang asam.
83
84
MITHOS LUIS Siya ay isang manunulat na mula sa Rehiyong Cordillera. Isa siyang amateur na manunulat ng mga tula gamit ang iba-ibang wika. Nais din niyang magsulat ng mga maiikling kuwento at ng nobela ngunit sa kasalukuyan ay nagsasanay pa siya. Isa siya sa mga fellow ng 6th Cordillera Creative Writing Workshop na ginanap noong Styembre 2226, 2018 sa UP-Baguio. Nais niyang mapabilang sa mga sikat na manunulat sa Pilipinas balang araw.
85
ALON Sumisid ka sa kailaliman Kung saan nakatago ang kagandahan Huwag kang sumisid kung di mo kayang panindigan Dahil tulad din ng dagat Maaari kang malunod o kaya’y iluwa Ka ng alon pabalik sa dalampasigan.
86
HILING SA TALA Ang sarap tumingala sa kalangitan Na punong-puno ng kumikinang na tala Na sinasabayan pa ng liwanag ng buwan At ‘di alintana ang lamig Na dala marahil ng hangin o kaya’y ng pag iisa Hindi ba nakakapagod hintayin ang bulalakaw? Sakali’y ano ang mahihiling? Halos inaabot na rin ako ng bukang-liwayway At nananalig na hahaba pa ang gabi At umaasang babalik siya Gaya ng langit at dagat na kapanalig niya.
87
SANA NOON Tumaliwas na ang langit sa dagat Nauhaw na ang mga bato Namatay na ang liwanag ng mga bituin sa malawak na espasyo Naglaho na rin ang mga ulap Kasama ng simoy ng hangin na kay sarap Kay sarap langhapin sa tuwing nangangarap Ngunit nabura’t naglaho sa isang iglap Buhat nang mawala ka.
88
IKAW PA RIN Namayani ang katahimikan sa iyong himlayan Naubos na ang mga luha at naupos ang kandila Nang di namamalayan Nang muli kong hawakan ang iyong libingan Muli kong naramdaman ang lamig ng iyong katawan Naalala ko bigla ang iyong mga haplos Na akala ko’y di na magtatapos Naramdaman ko rin kung gaano kainit ang mga yapos Na nagpapakalma sa puso kong naghihikahos Nagdilim ang kalawakan At nabalot ng maitim na ulap ang sandaigdigan Natakpan ang liwanag mula sa kalangitan At bumuhos ang malakas na ulan Ngunit nanatili akong nakaluhod Sa madamo at maputik mong puntod Kahit pa nanghihina ang aking mga tuhod Umaasang ang sakit ay kusang malunod Nagawa mang takpan ng ulan ang aking mga luha Nagawa man nitong itago ang aking nadarama Alam kong nakikita mo pa rin ang lungkot Na nakaukit sa aking mga mata Alam mong ramdam ko pa rin ang sakit ng iyong pagkawala Napangiti ako bigla nang sumayaw ang mga rosas na aking dinala Na para bang sumanib ang iyong kaluluwa Sa mga tangkay at petalo nito At dahil doon muli akong napaluha Napaluha sa galak sapagkat ika’y muling nakitang masaya Sa mga panahong ito’y nais kitang yakapin ng mahigpit Nais kitang makausap kahit na saglit Nang sa gayon mabawasan man lang ang sakit At maging totoo ang mga ngiting pilit Nais kong sabihin muli ang mga salitang “Mahal kita” Oo, mahal kita. Mahal pa rin kita Subalit namamayani pa rin ang lungkot na nadarama Sapagkat hindi ko matanggap na iwan ka Sana muli nating pag usapan ang ating mga pangarap Na ngayon ay lumilipad kasama ng mga ulap Sana muli nating mahanap Ang ating mga sarili na nauna na sa hinaharap 89
Sana alam mong ikaw lang hanggang sa huli Dahil ang ating mga puso ay nakatali Sa pagmamahalang di maikukubli Hanggang sa tayo’y magkitang muli
90
MALAYA PA Sana tinuruan mo akong huwag masaktan Kung alam mong luluha ako sa huli Sana sinabi mo kung paano iwasang malunod sa luha Sana itinuro mo kung paano lumangoy sa mga alaala nating dalawa.
91
92
RONNEL V. TALUSAN Anak ng magsasaka at taal na taga-San Rafael, Bulacan. Guro siya sa Tanggapan ng Larangan ng Filipino, Institute of Arts and Sciences, sa Far Eastern University – Manila. Produkto siya ng Polytechnic University of the Philippines – Manila. Kasalukuyang nag-aaral sa CAL Graduate Studies sa UP Diliman.
93
DALAWIN MO AKO Hinihintay kita sa malalamig na madaling-araw habang nakikipagtalik sa hamog ang naiinip kong diwa sinusuob ng halumigmig ang mga lumang alaalang unti-unting nadudurog na gaya ng salamin.
Hinihintay kita sa mga dapit-hapong pasuksok ang araw sa kanluran habang tila nag-aapuhap ng pagmamahal ang puso kong giniginaw kamalayan kong nangungulila sa matatamis nating gunita na marahas na napipilas tulad ng malambot na papel
94
Hinihintay kita sa mga gabing nakabibingi ang katahimikan habang nangangatal ang aking kaluluwa giniginayagis ng pangamba sa mga pangitain ng di maiiwasang dumating sabay sa paglaho ng iyong sumpa na mistulang marupok na bula.
Hinihintay kita at patuloy na hihintayin sana ika'y dumating bago ako yapusin ng takipsilim dinggin mo ang pagsusumamo ko kung maaari sana, dalawin mo ako.
95
SA PAGLIPAD NG MGA PARUPARO lumilipad na muli ang mga paruparo iniimbay-imbay makukulay na pakpak umiilanlang, nagpapasuling-suling kumakampay-kampay sa hangin. lumilipad na muli ang mga paruparo mula sa matagal na pagkawala sa parang at sa hardin sa mga tumana’t bukirin. lumilipad na muli ang mga paruparo sa palibot ng mundong nagdedeliryo ngayong may lason na ang hangin mga lawa at ilog ay umiitim mga puno’y natatayantang naluluoy ang mga bulaklak nakakalbong mga bundok mga gubat na natutupok. oo, lumilipad nang muli ang mga paruparo paglipas ng mabalasik na ulan habang palapit nang palapit dumadagundong na kulog at nakadudulit na kidlat sa yumayanig na lupang nagbabanta ng delubyo sa dagat ng sindak at daluyong sa nagdurugong dapithapon ng kagimbal-gimbal na panahon. lumilipad nang muli ngunit saan patungo ang mga paruparo?
96
LUGMOK NA BAYAN Pupungas-pungas siyang bumangon sa eleganteng higaan kapanteng dumulog sa marangyang hapag-kainan. Nagrerebolusyon sikmura ng sambayanan wala nang magiling bitukang kumakalam nangangasim na sa pag-asam sa suporta’t ayudang niraraket sa taas tinataga pa ng mga galamay naging laru-laruan na lang ng dila di makasapit sa mga dukhang tahanan nagbabanta nang magka-ulcer nagugupong pagtitiwala ng bayan. Hinimas-himas niya ang baba habang namamahinga, pahigop-higop ng tsokolate sa naaalpombarahan niyang opisina. Wala nang pagsiksikan sa mga ospital mga positibo sa sakit na mapamuksa patuloy na dumarami mga PUM at PUI na umaasa sa sariling naturalesa sapagkat wala pa ngang lunas ay patuloy pang nagpapabaya’t nagwawalambahala iyong mga dapat sumaklolo sa hanay. Kinumpas-kumpas niya ang malilintog, malalaking kamay habang nakatitig sa kaniyang mapulang listahan. Bawat araw nadaragdagan bilang ng mga namamatay sa kabila ng paghihigpit sa lockdown lalo’t sa testing ay hindi sumasalang samantala’y naglipana, tila namamasyal silang mapribilehiyo’t pinagpala VIP testing, sa bahay pa hinahandugan habang mga doktor ng bayan isa-isa nang nagkakamatay.
97
Tumimbuwang sa tulay ang isang manggagawa! isang piyon, ibinuwal sa kalsada! nakahandusay ang isang tindero sa bangketa! patay ang magsasakang natagpuan sa isang sabana! Naalimpungatan man din at wala pa sa sarili waring isang malagihay na lasing, humarap siya sa media.
98
ANG LUMABAG Dinakip ka’t ipiniit sa presinto doo’y tinakalan at binugbog lumabag ka kasi sa utos masyado kang padalos-dalos hindi mo binitbit iyong quarantine pass sa lansanga’y pilit ka pang lumabas alam mong bawal na bawal nga hinintay mo na lang sana ang ayuda kung kailanman darating sa iyong dampa lalo silang nanggigil sa iyo inamin mo kasing nakinom ka ng emperador at marka demonyo pangalawang beses mo na iyan wala kang kadala-dala di ba’t ang una’y nang tangkain mo pang pumasok sa trabaho dahil magugutom ‘ka mong pamilya mo? kapag minalas, diyan ka na magpapalipas ng gabi pinakamasama’y ang lapot na kasuotan ang maging pamburol mo na rin ‘pagkat diyan ka na rin ililibing. Samantalang siya’y malayang gumagala kahit nagpositibo sa sakit na mapamuksa sa bagay lagi naman siyang lulan ng tinted, magara niyang sasakyan importante raw kasi ang lakad niya buhay ng pamilya ang nakataya at para rin sa kapakanan ng kaniyang nasasakupan: mamamayang sa kaniya’y umaasa lingkod siya ng bayan dapat igalang at pagbigyan hindi siya dapat usigin wala siyang nilalabag na anumang batas na kaniyang nilikha at natural na panig rin sa kaniya 99
ang nagpapatupad ng batas!
100
BAKIT NINYO SILA PINATAY? Bakit ninyo sila pinatay? ninakawan ba nila kayo kahit piso? o kahit isang butil ng bigas? may tinangay ba silang katiting man sa marami ninyong ari-arian? hindi ba’t sila na nga ang wala ay sila pa ang nagbibigay? sila ang naghahandog ng lakas at paglilingkod silang hindi marunong mapagod para mapakain ang sambayanan kahit sila ang laging dayukdok at nalalagot sa gutom! Bakit ninyo sila pinatay? ginawan ba nila kayo ng masama? inapi ba kayo o sinaktan? itinulak sa kapahamakan? hindi ba’t sila ang laging pinagsasamantalahan? paulit-ulit na sinasaktan, dinadahas, kinakawawa, pinagmamalupitan, inuusig ng inyong buhong na pamamahala? at tuwing kanilang isinasatinig dukhang hinagpis at abang hinaing para sa kanilang karapatan ay agad ninyong sinasagot ng bala at kamatayan! Bakit ninyo sila pinatay? may batas ba silang nilabag? may utos ba silang sinuway? niyurakan ba nila ang inyong dangal? niyapakan ba ang inyong katungkulan? di iginalang ang inyong kapangyarihan? 101
sila nga ang laging tumatalima sa inyong gawa-gawang mga batas sila ang laging sumusunod sa hangal ninyong mga utos wala silang niyuyurakang anuman ni niyayapakang kapakanan iginagalang nga nila maging pagkahayok ninyo sa kapangyarihan na inyong sinusuklian ng paglansag sa kanilang hanay! at pagbabaon sa kanila sa lupa! Sila ang ninakawan niyo ng karapatan na mabuhay nang malaya’t marangal sila ang pinagkaitan ninyo ng katarungan sa kanilang mga ipinaglalaban sila at ang kanilang mga anak ang tinanggalan ninyo ng kalayaang mangarap sa isang maayang kinabukasan at minimithing pagkakapantay-pantay sila ang agad ninyong hinusgahan at pinatawan ng parusang kamatayan! ng paulit-ulit, walang katapusang kamatayan! Bakit ninyo sila pinatay?
102
ROSSITE N. RAMILO Siya ay magtatapos sa kursong Paham ng Batnayan (Educational Management) ngayong taong panuruan 2019-2020. Nakapagtapos siya ng Dalubhasa sa mga Sining (Educational Management) noong taong 2014. Nagkamit siya ng Ikatlong Karangalan sa Pagsulat ng Tula sa Unang Gawad Lazaro Francisco na siya din naman niyang unang pagkakataong makalahok sa paligsahan ng pagsulat ng tula. Kasalukuyan siyang guro ng ika-anim na baitang sa Paaralang Sentral ng Rizal. Nagsisilbi din siya dito bilang gurong tagapagsanay ng kanilang paaralan sa journalism na nagiging representante sa sangay ng Nueva Ecija, katulad din sa mga naunang paaralang kaniyang napagturuan.
103
BUKOD-TANGI Ikaw na siyang nagdidikta ng lahat. Pilit inagawan, pinangunahan, niyurakan at kinalimutan. Nag-akala ang ilan, sila ang pinakamakapangyarihan at pinakamataas sa sanlibutan. Ngayong ikaw na ang nasusunod. Walang kahit sino ang hindi yuyukod. Halina, kapwa kalamayin nagpupuyos na mga damdamin. Itutuwid ang mga naisin lahat nawa ay iyo ng patawarin. Sa bawat pagmamalabis kapalit nito’y hinagpis, buong sansinukob ay tumatangis. Subalit ikaw Mundong mapaglaro, sa iyo nakasalalay ang pato. At sa bandang dulo ikaw lamang ang nakatayong panalo.
104
DATING NORMAL Malamig na pagdampi Sa balat ko’y kumikiliti. Kinikilig bawat hibla Mga balahibo ay natataranta. Ang iyong pagyapos Padaiti’y tumatagos dagling natatapos Subalit agad na mananabik Kagyat din namang nagbabalik Ang puso ko ay tinatangay Ng iyong mga dantay. Isipan ko’y nahuhumaling Sa mga bulong mong nagpapahaging. Sumasayaw at umiindak Musika ay aking halakhak. Napapawi mga agam-agam Aanurin sa may pangpang. Tuluyan mong hahaplusin Hahayaang tatangayin. Upang dahan-dahang pagaanin Bigat ng damdamin. Susugal sa iyong pangako Na magbabalik sa bawat paglayo. Muli’t muli ay makikipaghabulan Sa alon ng nakaraan.
105
RASYON-AL Unang linggo Normal. Walang bago. Hindi pa tayo apektado. Ikalawang linggo Nakagugulat mga balita sa radyo, Nadagdagan na ang mga kaso Pero hindi pa iyan delikado. Ikatlo, ikaapat Mukhang bumibilis ang pagkalat, Dapat ko bang ikagulat? Salita ko ba’y hindi sapat? Hanggang sa humigit Na isang buwan, Kahit ang langit Mukhang sinusubukan. Aking isusugal Pangalan ko at dangal, Hanapin iyan Para aking masampal. Pagsapit ng Marso Aking inaanunsiyo, Mula dito sa palasyo Ating lalabanan pandemyang ito. Humayo kayo, Magsipagtago! Iba ito, seryoso ako! Subalit hindi ito Martial Law. Sinabi ko naman Hindi niyo ako pinakingggan, Noon pa man Akin itong sinubaybayan. 106
Huwag mangamba Ako ang bahala, Marami akong pera. Kung kulang, ipangungutang pa kita. Nandito kami, Diyan lamang kayo. Milyun-milyon ang pondo Kaya bawal ang kabado. Pila-pila Dapat may distansiya, Ipamimigay na ayuda Sa lahat ay hindi naman kasya. Ang mga nanlalamang Aking kakasuhan, Ipatutupad ang batas Kahit sino walang ligtas. “Hay naku! Mga balitang laman nitong diyaryo, Katulad din ng sa telebisyon at radyo Lumang tugtugin, nakakarindi na rin.” “Manapa ay gutay-gutayin Ipanggatong sa sinaing, Kung hanggang kailan aabutin Sana, hanggang matapos na itong kwarantin.”
107
BAKA SAKALI Habang ang karamihan ay nagkukubli sa kalaban na napakatapang. Habang namamayagpag at hindi man lang nabahag ang buntot ng ilang pasikat. Habang ang daan ay tila naubusan ng mga sasakyang nakikiraan. Habang ang iilan ay ibinibilang madami pa rin ang nangangailangan. Habang ang hangin ay humihinhin nanlamig at nanamlay ang pag-ihip. Habang ang kalawakan ay nagbabalik sa orihinal niyang katauhan. Ang mga napiling iilan, ay nakikipagbuno. Ipinaglalaban, ang buhay para sa buhay.
108
SIMBAYOSIS: PAPEL, LAPIS, AT PAMBURA Birhen. Walang bahid. Walang marka. Busilak. Walang dungis. Walang mantsa. Dampi. Magaan sa una. Tila nahihiya. Diin. May gigil. Namimihasa. Pahid. Haplos na tanda ng pag-big. Dungis. Mga linyang tanda ng pakikipagniig. Kaskas. Pagtatama sa bawat pagkakamali. Bakas. Aral na kailanman ay hindi mababakli.
109
110
RUSSEL ROMERO
DEL
ROSARIO
Siya ay nagtapos ng Bachelor of Arts Communication sa Partido State University lalawigan ng Camarines Sur noong 2006 Diploma in Industrial Relations noong 2015 Unibersidad ng Pilipinas.
in sa at sa
Sa Kasalukuyan, kumukuha siya ng Master in Industrial Relations sa kaparehong Unibersidad. Siya ay isang Talent Management Supervisor sa isang pribadong kumpanya sa Quezon City. Ngayon ay isa siya sa mga Kandidatong Kasapi ng KATAGA – Quezon City, Samahan ng Mga Manunulat sa Pilipinas, Inc. Naging bahagi rin siya ng Lampara Quawriting Project: Lockdown Virtual Children’s Story Writing Workshop.
111
NUNCA TE OLVIDARÉ Unti-unti nang nalalagas ang mga dahon Sumasabay sa naghihingalong dapithapon May galit na dala ang mga hampas ng alon Puno ng pait ang isinumpang kahapon Inabangan magdamag ang pagpatak ng hamog Ngunit pati ito’y natakot na rin sa kulog Minithing sana’y may mga butil na mahulog Ngunit walang tugon hanggang araw ay sumabog Kasabay na nagluksa pati ang mga ulap Ang mga punong dati’y hitik sa alitaptap Na sa ating mga mata’y nagbibigay kislap Ngayo’y isa na lamang gunitang umaandap Ang luha’y nagkubli sa rumaragasang ulan Pilit inanod hanggang ito’y makalimutan Ngunit ang alaala ng tuluyang paglisan Ay nagsilbing tinta na hindi kayang hugasan Ang malakas na buhos ng ulan sa alulod Nagmistulang musika upang magpakalunod At linlangin ang hapdi na iyong idinulot Sana’y turuan mo ang puso kong makalimot
112
PARAISONG PARISUKAT Dati nakakulong ako sa rehas ng iyong pagmamahal Itinuring mo akong isang babasaging kristal Lahat ng ito, lahat ng iyon ay iyong ipinagbawal Hindi ko namalayan ako pala ay nasasakal Tinalo mo pa ang isang manunulang nagsusulat Sinisugaradong may anyo, may ritmo, at may sukat Ngunit nakalimutan mo yatang lagyan ito ng pamagat Nasaan ang pangakong saya sa loob ng paraisong parisukat Sa tagal ng paghihintay, naubos na rin ang mga talinghaga Ngunit alam kong sa’yo ay hindi na rin ito mahalaga Magpaulit-ulit man tayo, wala na ring apoy at baga Lahat ng kariktan sa ating dalawa ay malapit ng mawala Iniwasan ko na ang lugar at mundo nating iyon Marahil aaminin kong nagpakalunod ako sa aking ilusyon Hindi ko naisip na kagaya ng pagkupas ng isang pantalon Maglalaho rin pala ang alab ng pag-ibig sa paglipas ng panahon
113
ESKINITA Dito ang mga kagaya kong paslit ay maaring maging siga pansamantala. Maghari-harian kunwari sa pasikut-sikot at abalang eskinita Nakakapaglaro kami ng tagu-taguan, tanglaw ng mga aandap-andap na ilaw sa daan Hirap silang kami’y hanapin – ang mga biktimang aming ninakawan Sa pook na ito’y puwede kaming maging bayani at bida Kagaya ng aming patron, isang batang santo na binibihisan at sinasamba nila Matibay din ang aming kumakalam na sikmura, Kasingtibay ng mga suntok na aming pinakakawalan sa mga gaya naming siga Mula sa aking pag-uha, hindi ko pa natitikman kung ano ang lasa ng gatas. Basta’t ang sabi ni Inay kasingsarap lang sila ng tinutong na bigas Sa isang iglap lamang nararating namin dito ang aming mga pangarap, Lulan ng mga hinithit na usok paakyat hanggang umabot sa alapaap Sa lugar na ito’y hindi namin namamalayan ang pagsikat at paglubog ng araw. Pareho lang din kasi ang siphayo na nalilikha ng mga damdaming sumisigaw.
114
Ang mga kontribiyutor:
MARK – JHON R. PRESTOZA JOHN CHRISTOPHER LUBAG SHUR MANGILAYA CRISTOBAL FULGENCIO ALIPIO ALLEN BALDEVARONA ARTHUR DAVID SAN JUAN BANJO SOMERA R.B. ABIVA ED TIGULO GLEN SALES JEREMIE JOSON JOSHUA DIOKNO JOSHUA MARI LUMBERA KARLO SEVILLA LAGMAN JAKI TUNGOL MITHOS LUIS RONNEL TALUSAN ROSSITE RAMILO At RUSSEL DEL ROSARIO
E-Mail: samahanglazaro@gmail.com FB-Page: Samahang Lazaro Francisco 115