1 minute read

Pamamanglaw

Sa kwartong matiwasay, kumatok ang lumbay. Ang isipan ko na malaya tila nagiging preso sa loob ng selda

Advertisement

Selda, na kung saan naghahari ang kapighatian at pag-iisa. Sinubukan kong humingi ng tulong ngunit ang itinugon sa akin ay pagbatikos

Kaartehan, kabaliwan at kalokohan mga panunumbat na aking pasan. Ngunit hindi nila alam, kaunti na lang ang motibasyon kong hindi mamaalam

Unti-unting nawawalan ng gana taliwas sa aking mga problema na dinadala. Kailan matatapos ang aking pag-iisa kung ang lahat ay parang bumibigat na

Ang dating kasiglahan na taglay unti-unting inuupos ng kadiliman.

Sa anong paraan ako makababangon kung ni-isa ay walang nais magalok ng kamay?

Hinihingi ko raw ang atensyon ng lipunan ngunit ang aking tunay na kailangan ay kaagay at kanlungan. Hindi ko naman nais maramdaman ang kalungkutan ito, subalit bakit parang kasalanan at kabawasan ito sa aking pagkatao?

Dahil sa mga taong makikitid ang utak maraming mga kabataan ang nawakasan ng buhay. Paulit-ulit ang sirkulasyon, dapat nang putulin ang mangmang na opinyon

Maging bukas sana ang isipan dahil ang taghoy ng isang indibidwal ay di mo maihahalintulad sa kahit na anong hirap, na tila may rehas ng gumagapos sa kanilang mga leeg upang pigilan silang makawala, humihiling na maging malaya. #

This article is from: