
1 minute read
BAGONG PILIPINAS LUMANG KUDA
Matapos ang pandemya, balik na sa normal na pamumuhay ang masa.
Libo-libong basura na naman ang kumakalat, hindi lamang sa kalsada, kung hindi pati na rin sa iba’t ibang lugar na ating nakikita. Bilang mamamayan ng bansa na madalas apektado sa patuloy na paglaganap ng problema sa basura, paano nga ba tayo makakatulong na magbigay solusyon sa polusyon?
Advertisement
Nitong mga nakaraang taon, nakaisip ng sandamakmak na solusyon ang mga lokal na pamahalaan upang ibsan ang problema sa basura.
Iilan ang gumana sa ibang lungsod, ilan naman ay patuloy pa ring pinoproblema ang polusyon.
Zero Waste Management, pamilyar ka ba? Nagsimula itong noong taong 2014, ramdam pa rin kaya ng masa ang bisa ng programa?

Nakatuon sa panghihikayat na iwasan ang basura at muling pagdidisenyo ng mga pinaglumaang kagamitan ang programang ito. Ito’y hango sa Ecological Solid Waste Management Act, kung saan ang mga lokal na pamahalaan ay naglulunsad ng paggamit ng mga lumang bagay sa pamamagitan ng recycling, at pag-ccompost ng basura sa kanilang mga lungsod. Bago pa maideklara ng programang ito ay marami ng grupo ang nagsusumikap na ilunsad ang iba’t ibang uri ng programa upang mabawasan ang kinakaharap na problemang konektado sa paglaganap ng polusyon.

Kasabay ng pagsuporta ng lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon, ay ang pag-igting din ng suporta ng Paaralang Sekundarya ng New Era (PSNE). Kaya naman naglunsad ang Yes-O Klab noong ika-31 ng Enero, 2023, ng isang proyektong pinamagatang “Plastic-Free Days” na isinasagawa tuwing araw ng Lunes at Martes, kung saan ay pinagdadala ang mga estudyante ng kanikanilang lagayan ng pagkain at inumin. Ang proyektong ito ay mayroong layunin na mabawasan ang paggamit ng plastic, na pinakamalaking klase ng basura na nakikita sa loob ng paaralan.
Kaakibat ng paglaganap ng polusyon ang pagusbong ng sangkatutak na sakit na maaaring dumapo sa mga mamamayan ng isang lungsod. Maaari itong panandalian, ngunit mataas din ang posibilidad na maging pangmatagalan. Isa na rito ang Malaria, na posibleng makuha mula sa kontaminadong tubig at lupa na nahaluan ng basura. Nariyan din ang mga sakit na Kolera, isang sakit na nakamamatay na bacteria mula sa kontaminadong tubig ang nagiging sanhi, at marami pang iba.
Nakakapagtaka na sa patuloy na pagpapaunlad at pagpopokus ng pamahalaan sa iba’t ibang programa at problema, ay hindi pa rin nasosolusyonan ang pagusbong ng problema sa basura. Sana rin ay makiisa ang mga mamamayan sa pagsuporta ng mga programang pangkapaligiran, upang sa gayon ay bumaba ang tiyansa ng pagkakaroon ng sakit ng masa na konektado sa mga basura. Tandaan, nakasalalay sa kapaligiran at kalinisan ng mga mamamayan, ang sarili nilang kaligtasan. #