36 BOOKED V O L U M E 9 , PA R T 2
1st Place Short Story Lumpia ni Mary Pauline Santos
"Radyo: DZTY! Mata ng bayan, boses na purong katotohanan. DZTY! Doskinse sa palapihitan ng inyong mga radyo. Ang oras natin ngayon ay limang minuto makalipas ang alas sais ng umaga, araw ng Martes, ika-walo ng Pebrero. Sa loob ng tatlong minuto, maghahatid ng balitang walang kasinungalingan, puro kinatunayan lang. Ito ang Kinse Balita! Abangan mamaya-maya lamang!" Bagong silip pa lamang ang araw ay nakikisabay na ang tunog ng radyo sa halos hindi na magkanda-ugagang paghahanda sa kusina. Pistang bayan na at siguradong punong-puno na naman ng kasiyahan, indakan at syempre, kainan. Inaabangan na matikman ng mga sabik na bisita ang mga putaheng laging menu sa ganitong okasyon. Hindi pwedeng mapahiya ang maybahay sa araw ng selebrasyon. Dapat uuwi ang mga bisita na pinag-uusapan kung gaano kasarap ang mga pagkaing inahanda nila. Halos mataranta na si Sally sa dami pa ng kanyang lulutuin. Pinagparte parte niya ang mga rekados sa naaayong putahe. Uunahin niya daw lulutuin ang mga pagkain na mas ginastusan sa sahog dahil mas importante ito kesa sa mura lang ang sahog. Itinabi niya muna ang dalawang balot ng apa na hindi pa napira-piraso at ang giniling na baboy na hinaluan ng dinikdik na carrots, sibuyas at bawang at tinimplahan ng asin at paminta. Hindi raw kailangan madaliin ang mga simpleng pagkain. Makapag-aantay ito at hindi kailangang bigyan ng ganoong paghahanda. "Radyo: Isang ospital sa Navotas City ang haharap ngayon sa batas ng nagagaw-buhay ang isang pasyente dahil mas inuunang inakomoda ng nasabing hospital ang sa tingin nila ay may kakayahang magbayad. Ipinag-antay ng isang oras ang pasyenteng naghihingalo sa tabi lamang ng hallway ng hospital. Wala pa ring sagot ang panig ng namumuno sa hospital sa hinaharap nilang kaso dahil sa paglabag ng House Bill No. 3432 o ang Anti-Discrimination Act of 2013." May tira pa man sanang laman ang tanke ng LPG, pero mas pinili ng pamilya na bumili na lang ng bagong gasul. Hindi puwedeng mamatayan ng apoy sa gitna ng pagluluto. Nahugasan at nakahanay na ang mga gagamitin niya sa pagluluto. Lahat ay bago. Walang lugar sa lumang kagamitan sapagkat lahat ng ito'y lubos na pinaghandaan.