
5 minute read
Lumpia
from #Woke
Lumpia ni Mary Pauline Santos
"Radyo: DZTY! Mata ng bayan, boses na purong katotohanan. DZTY! Doskinse sa palapihitan ng inyong mga radyo. Ang oras natin ngayon ay limang minuto makalipas ang alas sais ng umaga, araw ng Martes, ika-walo ng Pebrero. Sa loob ng tatlong minuto, maghahatid ng balitang walang kasinungalingan, puro kinatunayan lang. Ito ang Kinse Balita! Abangan mamaya-maya lamang!" Bagong silip pa lamang ang araw ay nakikisabay na ang tunog ng radyo sa halos hindi na magkanda-ugagang paghahanda sa kusina. Pistang bayan na at siguradong punong-puno na naman ng kasiyahan, indakan at syempre, kainan. Inaabangan na matikman ng mga sabik na bisita ang mga putaheng laging menu sa ganitong okasyon. Hindi pwedeng mapahiya ang maybahay sa araw ng selebrasyon. Dapat uuwi ang mga bisita na pinag-uusapan kung gaano kasarap ang mga pagkaing inahanda nila.
Advertisement
Halos mataranta na si Sally sa dami pa ng kanyang lulutuin. Pinagparte parte niya ang mga rekados sa naaayong putahe. Uunahin niya daw lulutuin ang mga pagkain na mas ginastusan sa sahog dahil mas importante ito kesa sa mura lang ang sahog. Itinabi niya muna ang dalawang balot ng apa na hindi pa napira-piraso at ang giniling na baboy na hinaluan ng dinikdik na carrots, sibuyas at bawang at tinimplahan ng asin at paminta. Hindi raw kailangan madaliin ang mga simpleng pagkain. Makapag-aantay ito at hindi kailangang bigyan ng ganoong paghahanda. "Radyo: Isang ospital sa Navotas City ang haharap ngayon sa batas ng nagagaw-buhay ang isang pasyente dahil mas inuunang inakomoda ng nasabing hospital ang sa tingin nila ay may kakayahang magbayad. Ipinag-antay ng isang oras ang pasyenteng naghihingalo sa tabi lamang ng hallway ng hospital. Wala pa ring sagot ang panig ng namumuno sa hospital sa hinaharap nilang kaso dahil sa paglabag ng House Bill No. 3432 o ang Anti-Discrimination Act of 2013." May tira pa man sanang laman ang tanke ng LPG, pero mas pinili ng pamilya na bumili na lang ng bagong gasul. Hindi puwedeng mamatayan ng apoy sa gitna ng pagluluto. Nahugasan at nakahanay na ang mga gagamitin niya sa pagluluto. Lahat ay bago. Walang lugar sa lumang kagamitan sapagkat lahat ng ito'y lubos na pinaghandaan.
"Radyo: Inireklamo ng ilang residente sa Ailhad Street, Fairview, Quezon City ang sinasagawang proyekto dahil binakbak daw ang isang abalang kalsada roon kahit wala naman itong anumang sira, at tsaka muling pinalitadahan upang madaanan. 'Binabago daw ang bago' ani ng mga residente sa kontrobersyal na proyekto."
"Handa na ang ilelechon!" Pinuntahan ni Sally at inihanda ang baboy na magtatatlong buwan pa lamang nabubuhay sa madungis at mapanghing kulungan ngunit ito ay masarap at tiyak simot pagkatapos ng handaan - ang Lechon de Leche! "Radyo: Isang tatlong taong gulang na bata ang ni-rescue mula sa isang child pornographer matapos halayin ng labindalawang beses ng iba't ibang lalaki."
Napatingin siya sa orasan at binilang ang oras na natitira para matapos niya ang mga putaheng kanyang lulutuin at kung maluluto ba ang lechon sa oras ng pananghalian. Likas na sigurista si Sally at hindi puwede paghintayin ang mga bisita. Malas daw iyon. Hindi makakabuti sa swerte at sa reputasyong pina‐pangalagaan. Taon-taong nananalo sa panlasa ng mga dayo ang kanilang mga hinahanda. Ang pamumuno sa larangan na ito ay matagal ng pinapasa-pasa sa henerasyon. Sila dapat ang laging panalo sa mga bisita ng bayan.
"Radyo: Mainit ang naging debate sa pagtatanggal ng political dynasty kaya ipinaubaya na lamang umano sa mga mambabatas ang paglalagay ng depinisyon dito - bagay na gustong baguhin umano ng Consultative Committee ng bina‐balangkas na federal charter. Tama na raw ang paghahari-harian ng isang pamilya sa lugar na parang kulang na lang ipangalan sa kanila." Kasasalang lang ng karneng gagawing kare-kare. Nakahanda na sa gilid ang isang garapon ng mamahaling peanut butter at ang gulay na ilalagay dito. Pinapa‐kuluan na rin pala ang kaldereta, nakahanda na ang relyenong bangus, nakahain na ang sandamakmak na fried chicken. Huli sa lahat, pinapalamig na sa freezer ang minatamis na leche flan, mango float at apat na flavor ng ice cream.
"Radyo: Ang oras natin ay sampung minuto makalipas ang alas 10 ng umaga. Magbabalik ang mga nagbabagang balita!"
Bumalik siya sa paghahanda sa simpleng putahe na kanyang isinantabi kanina. Binalot niya ang karneng, halos isang linggo ng nasa loob ng ref sa apang kasing nipis ng tissue ngunit pilit niya pa rin iyong ibinabalot para sa kapitbahay na may
walong anak dahil ang lechon de leche at iba pang putahe ay para kina mayor at sa iba pang bisita. Mabilis ang kanyang mga kamay sa paggawa- kassimbilis ng makina; may ritmong sinusunod at may bilang na nasasaad. Ngiting-ngiti siya habang nagluluto nito sapagkat naalala niya na ito ang pinakapaboritong pagkain ng kanyang anak.
"Radyo: Halos isang toneladang karneng baboy ang hinihinalaang nag‐dadala ng African Swine Flu ang nadiskubreng isang linggo nang nakatambak sa warehouse ng isang palengke sa Bulacan. May balak daw itong gawing iba't ibang frozen food katulad ng tocino at longganisa na ibebenta sa sadyang ma‐babang presyo para tangkilikin ng mga kababayan nating kapos at ito lamang makakayang bilhin. Tira-tira na lang ba talaga ang ibibigay sa mga mahihirap?" Ding-dong! Nandyan na ang mga bisita. Ihanda na ang lamesa. Lumabas na ang mga magagarbong plato, baso, at kubyertos na nakatago sa isang aparador sa kusina. Kasabay ng mga nagkikintabang kutsara't tinidor, ay ang mga eleganteng baso, mga place mat, at ang bagong mantel na itinerno sa tema ng okasyon.
Kompleto na ang lahat at nakahain na sa mesa, nakapalibot sa isang malak‐ing plato na may bundok ng kanin. Nakahanda na rin ang mga samalamig na ipamimigay mamaya sa mga bisita.
"Radyo: Sa dinaraos na SEA Games, abala ang lahat sa preparasyon at na‐glabas ng milyun-milyong budget ang bansa para sa nasabing kaganapan upang ipakita ang kakayahan nating maglunsad ng palabas. Sa kabila ng kasiyahan, makakalimutan na yata natin na milyun-milyong pa ring kababayan natin ang naghihikahos at nagaabang ng tulong sa ating gobyerno upang makaraos sa pang-araw-araw. Ano na? Aba gising, Pilipinas!" "Tama na iyan, Aling Sally. Sapat na ang pagkain na nakahanda sa labas." sabi sa kanya.
"Radyo: Sa pagtatapos ng pagbabalita, palaging tandaan na ang kasiyahan ay ang pagkontento, hindi ang pagkamit ng luho. Sa uulitin mga kababayan, ito ang Kinse Radyo! Laging totoo!"
Pinatay niya ang apoy, binalot ang tirang lumpia, at naghugas ng kamay. Nagpagpag ng damit at nag ayos ng buhok. Dumaan siya sa likod ng bahay, nakangiti habang naglalakad palabas dala ang dalawandaang piso at ang tatlong supot ng plastic. Kaldereta, spaghetti, at tatlumpong piraso ng lumpia. Tiyak na matutuwa ang anak niya sa kanyang pag uwi. May pagsasaluhan na silang pananghalian sa pista ng bayan.