1 minute read

Alis-Taya

Alis-Taya

ni: Jobelle L. Waje Sa larong tama at mali lamang ang pagpipilian Tama bang pag-ibig ko ay ipagpilitan O mali na ito’y aking ipaglaban Laro na puso’t isip ang magkatunggalian Puso na nagsasabing ikaw ay aking ipaglaban At isip ng lipunan nama’y nagsasabing ikaw ay aking kalimutan Ano ang kailangang gawin? Ano ang dapat na sundin? Puso ba na nagsasabing ika’y mahal pa rin O isip na nagdidiktang hindi ka magiging akin Sa nararamdaman na ito ako’y bilanggo Sa rehas na bakal tayo ay nagtagpo Sa seldang magkaibang yugto Pinilit pasukin ng aking puso Pinilit kong sirain mga kadenang mapanakal Kahit alam kong ito’y labag at ipinagbabawal Pinili ko ang mundo mo kaysa sa dapat na mundo ko Pinili kong sirain mga pangako sa ama para sayo Pero ikaw, iba ang pinili mo Dahil ba tunay siya at hindi ako? Dahil ba hindi ako pasok sa nais ng mundo mo? Kung gano’n rin lang naman pala ang pagmamahal para sayo Lintik lang! Walang-wala ako Kung katauhan ang basehan para masabing mahal mo Ngayon palang umaatras na ako Kasi wala na akong laban dito Tama nga ang sabi nila Na kapag ‘di ka tunay, ‘di ka mahalaga Kung ito ang basehan paano naman kami? Mananatili ba kaming basura? Basurang paulit-ulit na idinudura Sa laro ng pag-ibig walang laban ang tulad ko Kaya siguro nga tama ang isip ng mundo Kalimutan ko nalang ang nararamdaman ko para sayo Kasi di naman talaga ako mananalo Sa larong ito, lagi akong matatalo.

Advertisement

- 85 -

This article is from: