2 minute read

Ang alamat ng Sangkapalitan

Next Article
Epilogo

Epilogo

ni: Jobelle L. Waje Taong AD 87 habang nagsisiyesta sina Bathala at Barangaw sa gitna ng mala-sutlang kaulapan, binulabog sila ng nakabibinging ingay mula sa mga taong ‘di magkumahog sa lungsod ng Xhescagne. ‘Yon kasi ang unang pagkakataon na masilayan nila ang korteng arko sa kalangitan na may pitong kulay, ang bahaghari. Sa kabila ng alindog nito sa paningin, ligalig at matinding takot ang bumalot sa mga mamamayan ng Xhescagne. Umalingawngaw kasi ang sigaw ng isang estranghero na nagsasabing ang prensensya ng bahaghari ay hudyat ng araw ng paghuhukom, hudyat na nalalapit na ang katapusan ng daigdig. Hindi na natiis pa ni Barangaw ang malakas na ingay mula sa daigdig na labis n’yang ikinagalit. Ayaw na ayaw pa naman n’yang naiistorbo ang kanyang pagtulog, samantalang si Bathala ay ‘di alintana ang malakas na sigawan mula sa ibaba. Mahimbing pa rin kasi ang pagkakaidlip nito habang niyayapos ang mala-bulak na kumot na gawa sa pinakapurong ulap. Inutusan ni Barangaw ang kanyang tandang na patahimikin ang mga tao sa daigdig sa anumang paraan. Lumipad ito paibaba at walang habas na pinagtutuka ang leeg pati na ang pribadong bahagi ng katawan ng mga tao. Ang maingay na lungsod ay napalitan ng katahimikan sa mga nakahandusay na katawan pati na ang nagkalat na mga ulo at ari. Imbis na ang ang tubig mula sa kalapit-ilog na umaapaw tuwing tag-ulan, sariwang dugo ang nagpabaha sa lupain. Nang maalimpungatan si Bathala sa kanyang mahimbing na tulog, nagulat s’ya sa nasaksihan ng dalawa n’yang mga mata. Ang mga tao sa siyudad ng Xhescagne ay wala ng buhay, putol ang ulo maging ang mga ari nila ay nagkalat kung saan-saan. ‘Di naging maganda ang gising ni Bathala dahil sa kanyang nakita. Kinompronta n’ya si Barangaw at inutusan na ibalik ang ulo at ari ng mga tao. Walang itong nagawa kung ‘di sundin ang utos ni Bathala. Bumaba ito sa lupa at ibinalik ang ulo at ari ng mga tao. Gayunpaman, dahil ‘di niya alam kung kani-kanino ang mga ‘yon, napagpalit-palit n’ya ang mga ito. Nang muli silang mabigyan ng buhay at matauhan, imbis na magtaka ay napuno ng galak ang mga mamamayan ng Xhescagne. Itinuring nilang isang himala ang muli nilang pagkabuhay. Simula noon, ang mga taong may mukha ng babae na may ari ng lalaki maging ang may mukha ng lalaki na may ari ng babae ay ‘tinuring na simbolo ang bahaghari ng pag-asa at pagkakaisa.

- 67 -

Advertisement

This article is from: