
1 minute read
Baby for Sale
Dibuhong gawa ni: Mikaela Faith Hinton
Ink on vellum board
Advertisement

Baby for Sale ni: Jessa Marie Nerison
Madilim at may masangsang na amoy ang eskinitang tinatahak namin ngayong gabi. Hindi na bago sa amin ang ganitong sitwasyon dahil halos buwan-buwan kung kami ay mapadako sa mga lugar na kagaya nito.
Mabilis lang naman ang proseso. Ibibigay sa buyer ang hinahangad nitong produkto kapalit ng malaki-laking halaga ng salapi saka aalis na parang walang nangyari. Sanay na sanay na ‘ko sa ganito. Oo, alam kong mali pero wala ng ibang paraan. Sa impyerno rin naman ako babagsak.
Halatang kabado ang aking kasama habang hawak ko ang kaniyang nanginginig na kamay. Nakarating na kami sa lugar kung saan kami magkikita ng aking buyer. Tahimik ang paligid at tanging ang ungol lamang ng mga pusa ang inyong maririnig.
Iilang mga sandali lamang ay dumating na ang isang matangkad na lalake na takip na takip ang mukha at buong katawan.
“Ito ba ang tinutukoy mo sa akin?” Tanong ng lalaki sa akin habang nakatingin sa aking kasama.
“Siya nga. Hindi ka magsisisi dahil malusog siya at tiyak na walang sakit.” Tumango lang ang lalaki at ibinigay ang kaniyang bayad.
“Oorder ulit ako sa’yo sa susunod,” wika ng lalaki sabay alis tangan ang produktong kanyang binili sa akin.
Hinarap ko ang aking kasama saka kami naghati sa kita. “Baby, heto na ang porsyento mo sa kidney na ibinenta mo. Bukas ay may buyer ulit tayo. Kaliwang mata naman ang kailangan niya sakto at malinaw pa ang iyong paningin sa kaliwa di gaya ng sa akin na matagal ko nang naibenta rin sa iba.”
Tinignan ako ni Baby ng may pag-alala. Si Baby na dalawang taon lang ang pagkabata sa akin. Alam ko ang iniisip niya. Pero ano pa nga ba ang aming magagawa? Ito lang naman ang maibibigay namin sa aming mga pamilya: ang pagbebenta ng aming laman kapalit ng kanilang pagmamahal at di panghuhusga na ang kanilang dalawang bruskong binata ay pusong dalaga talaga.
- 55-
