
3 minute read
Ang pinagdikit na katawan ni Barbie at Ken
ni: Mikaela Faith Hinton
Naalala ko pa noong unang beses kong makita ang Barbie doll ko. Naalala ko pa kung paanong paulit-ulit kong sinusuklayan ang napakahaba, napakadulas at napakalambot na buhok nito. Binibilhan at ginagawan ko siya ng mga magagarang damit na babagay sa kanyang magandang hubog na katawan. Sabi daw nila, gustong-gusto daw ng mga batang babae ang barbie dahil nakikita nila ang sarili dito. Pero para sa akin, hindi ko naihahambing ang sarili ko sa barbie, dahil nakikita ko sa kanya ang taong kailangang kong makasama nang panghabambuhay.
Advertisement
Subalit dumating din ang Ken doll sa buhay namin. And ideal partner dapat ng aking Barbie doll. Napakakisig ng katawan, napakaganda ng balat, at malambot din ang buhok nito. At sa hindi inaasahang pagkakataon, parang nakita ko rin ang Ken doll bilang ideal partner ko.
Habang ako’y lumalaki, pareho ko silang nakasama at nakapagbigay ng walang katumbas na kasiyahan sa akin. Hanggang sa aking pagtanda, pareho ko silang binigyan ng patas na atensiyon at pareho ko silang minahal ng lubos.
At isang gabi, habang pinagmamasdan ko ang aking dalawang malaperpektong manika, ako ay kumuha ng matalim na kutsilyo saka ko ginamit panghiwa sa kanilang magagandang katawan. Aaminin ko, nakakapanghinayang sugatan ang napakinis nilang kutis. Hinati ko silang pareho sa gitna, at ako’y nahirapan nang kaunti dahil sa kakapalan ng kanilang balat. At hindi ko nalang namalayan, ako’y natutuwa na sa aking ginagawa dahil nananabik ako sa magiging resulta.
Ipinasok ko ang mahaba at makapal na sinulid sa isang karayom at saka ko itinahi ang kaliwang parte ng katawan ni Barbie sa kanang parte ng katawan ni Ken. Sa kabila ng pananabik na aking nadarama ay nakukubli ang aking pagkainis dahil kailangan ko pang gumamit ng pwersa sa pagpasok at paglabas ng sinulid. Kailangan ko ring gandahan ang pagkakatahi upang hindi ako mas lalo pang manghinayang. Matutuwa naman ako sa resulta, iyon na lamang ang dapat kong isipin.
Pinakaingatan kong tahiin ang kanilang mukha. Napangisi nalang ako, “Akalain mo nga naman, sadyang bagay talaga kayo, ang hulma ng inyong mga mukha ay sumwakto pa sa isa’t isa. Kay ganda at gwapo niyo pa ring tignan.” Tumugma ang kanilang manipis na mga labi, matangos na mga ilong, singkit na mga mata, at makakapal na kilay. Ngunit kitang-kita mo pa rin ang pagkakaiba ng kanilang kutis sapagkat mas maputi ng kaunti si Barbie.
At ngayon, kumuha ako ng gunting, upang gupitin ang buhok ni Barbie. “Pasensya na Barbie, ngunit kailangan kong pantayin ang buhok niyo ni Ken. Dahil simula ngayon, sabay na dapat humaba ang buhok niyo.”
Sapagkat habang ako’y lumalaki, habang ako’y namumulat sa realidad na ang tao ay may puso na nakalaan para sa iisang tao lamang, hindi ko maatim ang katotohanan na sadyang hindi ako makapili sa inyong dalawa. Ako ay naglaan ng patas na atensiyon na kahit mas una kong minahal si Barbie, ay pareho ko kayong mahal, pantay at patas.
At ngayon, dahil sa aking brilyanteng ideya, hindi ko na kailangang mamili pa sa inyong dalawa, dahil ngayon kayo ay iisa na.
At kahit ilang beses pa nilang ipagdiinan na ang Barbie ay para kay Ken lang, nagkakamali sila! Si Barbie at si Ken ay para kay Marj lang!
Maririnig ang tinig na nagmumula sa nakabukas na telebisyon sa loob ng silid ni Marj kung saan niya ginaganap ang kanyang karumal-dumal na krimen.
Napatigil siya sa pagpupunas ng kutsilyong nakabalot sa pulang likido nang marinig ang boses ng isang reporter...
“Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga pulis ang magkasintahang sina Barbara Gomez at Kenneth Mendoza---”
Napangisi si Marj nang marinig ang dalawang pangalan, kanyang ipinagpatuloy ang pag-alis ng bahid ng pulang likido sa kanyang kutsilyo saka siya tumawa— mahina sa umpisa at unti-unting lumakas. Hanggang si Marj ay binitawan na ang kutsilyong nililinisan upang humagalpak ng malakas. Sa tabi ni Marj matatagpuan ang isang picture frame.
Kung saan sa litrato ay makikita ang tatlong batang magkakaakbay sa isa’t-isa, ang mga batang sina Kenneth, Barbara at Marjorie.

Dibuhong gawa ni: Gerome Avid Garcia
Mixed media on vellum board
