
1 minute read
Hakbang Pasulong
ni: Ma. Franchescka G. Yumang
Sa lalaking minsan kong minahal,
Advertisement
Hinihiling ko na sana mabasa mo ang liham na aking isinulat para humingi ng tawad. Tuwiran kong ibinunyag ang iyong sagradong lihim, aaminin kong napakabigat ng mga araw na kasama ka habang pinapanood kong punuuin ng aking masasalimuot na trahedya ang ilalim ng iyong balat.
Patawarin mo ako sa marahan kong pagputol sa mga hibla ng iyong buhok sa gitna ng iyong mahimbing na pagtulog. Sa pagbubulag-bulagan ko sa mga sugat na aking idinulot bago ka pa man daplisan ng matatalim na punyal ng mga Filisteo. Hinayaan kong dumanak ang iyong dugo bago ka man panain ng mga mapanghamak at makasariling mandirigma.
Samson, ninakaw ko ang iyong mga matatamis na ngiti, sinelyuhan ko ng mapapait na kasinungalingan ang iyong mga labi, ang aking pagtataksil ay nagpapatunay lamang na hindi ako karapat-dapat sa iyong dalisay na pag-ibig.
Nawa’y patuloy kang patnubayan ng Diyos sa matagumpay mong pag-abot sa iyong mga layunin kasabay ng malugod mong paglimot sa mga alaalang ating iniukit sa mga punit na kabanata ng marahas na kasaysayan. Humakbang ka pasulong sa paglikha ng hinaharap para sa iyong sarili na kailanman ay hindi ako magiging bahagi. Pakinggan mo sana ang pagmamakaawa sa likod ng bawat titik na nakasulat sa liham na ito, na ako, ang kahinaang kailanma’y hindi magbibigay saiyo ng lakas, ay masaya na sa piling ng babaeng aking sinisinta. Hanggang sa muli, Delilah
- 52 -

Larawang kuha ni: Kerl Joshua Franco Focal length: 27mm Aperture: f/4
- 53 -
