2 minute read

Nang matukso ang diyablo

Next Article
Epilogo

Epilogo

Nang Matukso Ang Diyablo

ni: John Gabriel S. Dela Torre Bakas ang panlulumo sa mga mata nina Maganda at Malakas habang unti-unting pinagmamasdan ang pagsasara ng Lupang Biniyayaan. Umusbong mula sa lupa ang matatayog at matatalim na bato na niyayapusan ng baging na tinik. Halos isang dangkal ang haba ng mga ‘to kung susumahin. Pumalibot ito sa paraisong naging tahanan nila ng panandalian. Isinugo rin ng diyos ang dalawang diwata na magbabantay sa may tarangkahan. Sinuway nila ang kaisang-isang utos . Bilang kabayaran, nilisan nila ang hardin, at ang kasalanang kanilang nagawa’y naging hudyat sa paghihiwalay ng tao at ng bathala. “Taksil ka, Sidapa! Dahil sa’yo, sinuway namin ang Diyos. Dahil sa’yo, napalayas kami sa paraiso. Kami ay nagkasala at ikaw ang puno’t dulo ng kapighatiang ito,” ang nangangalaiting sigaw ni Malakas. “Isa rin bang pagkakasala ang umibig, Malakas? Tulad mo, itinakwil n’ya rin ako sa kanyang kaharian kahit pa naging tapat akong alagad. Ang katotohanan, ayaw ng Diyos na sumaya tayo kaya pinaparusahan niya tayo ng ganito kaya s’ya ang kasuklaman mo,” ang muling panunukso ni Sidapa. “Umibig? Hindi kita maitindihan. Tiyak ako na kasamaan lamang ang laman ng ‘yong puso. Hindi umiiral sa’yo ang pagmamahal,” tugon ni Malakas. “Mahal kita, Malakas. Mahirap paniwalaan pero ang diyablo na tulad ko’y maari ring umibig. Simula nang lalangin ka niya , wala na’kong ibang inatupag kung ‘di sundan at sulyapan ka. Ang ‘yong mukha at hulma ng ‘yong katawan ay walang kapara. Kahit pa ang pinakamakisig na diwata sa ilalim ng aking liderato noong nagsisilbi pa ako sa kalangitan ay ‘di maikukumpara sa’yo,” sambit ni Satanas kasabay ng pagbulusok ng sensasyon nito. Natahimik si Malakas at naging tuliro ng ilang segundo. ‘Di siya makapaniwala sa kanyang narinig. Ang isang diyablo’y nagkagusto sa isang mortal na tao. Binasag ni Sidapa ang katahimikan nang muli siyang magsalita. “Tinukso ko si Maganda na tikman ang bunga ng karunungn dahil inakala ko na ‘yon ay magdudulot ng kanyang pagkamatay. Ninais ko na makuha ang atensyon mo kapag nawala na ang ‘yong katipan, ngunit muli akong nabigo.” “Wala kang puso! Higit pa sa isang halimaw ang kasamaan mo. Walang sinuman ang magmamahal sa’yo. Bagkus, habambuhay kang kamumuhian,” sambit ni Malakas na animo’y sasabog na ang ulo sa nagliliyab na poot. “Alam ko na darating din ang puntong ‘to. Gayon din naman na kasamaan lamang ang salitang maiuugnay mo sa akin at ‘di mo rin ako matutunang mahalin, mas mabuti pang panindigan ko ‘yon. Ako ang hari ng kadiliman at magbabayad ka na tinanggihan mo ang alok ko sa’yo,” pagbabanta ng diyablo bago ito maglaho kasabay ng malakas na sigaw ni Maganda sa ‘di kalayuan. Nagdadalang-tao ang katipan ni Malakas. Matapos ang siyam na buwan, isinilang si Khalil.

Advertisement

Dibuhong gawa ni: Mikaela Faith Hinton

Mixed media on vellum board

This article is from: