3 minute read

Ang paboritong putahe ni ate

Next Article
Epilogo

Epilogo

ni: Mikaela Faith Hinton

Madaling araw na nang tawagan ko si Jacob upang makipagkita sa akin sa paborito naming tambayan. Hindi ako mapakali dahil hindi ko nagawang maihain ang paboritong putahe ni ate bago ako umalis sa amin. Mas pinili ko kasing makipagkita kay Jacob ng ganitong oras sapagkat ako’y may importanteng aaminin. Ang mga kamay ko ay mahigpit ang pagkakakapit sa aking suot na blusang matingkad ang kulay. Ang mga mata’y pakalat-kalat ang tingin at napapakagat na lamang ako sa aking labi.

Advertisement

Tanging ang lamp post na lamang at ang bilog na buwan ang siyang nagbibigay liwanag sa madilim na kapaligiran. At ang dapat na matahimik na paligid ay nalalamon ng malalakas na kabog ng aking dibdib. Ngunit mas lalo pa itong lumakas nang ako’y makarinig ng mga yabag na kilalang-kilala ko na kung kanino nanggaling.

Sa wakas, nandito na si Jacob.

Binati niya ako ng malambing na ‘Hi’ saka siya naupo sa aking tabi. At ang kanina’y malilikot kong paningin ay nakatutok na lamang sa kanyang mga mata. Ang mga labi’y bumuo ng isang matamis na ngiti saka ko sinambit ang mga salitang sa puso ko mismo nanggaling,

“Salamat.” Salamat dahil ika’y dumating kahit pa sobrang lalim na ng gabi.

“Wala iyon, Clarissa. Sa ganda mong ‘yan, matitiis ba kita?” Napatawa ako ng mahina saka siya siniko sa kanyang tagiliran. Tss, bolero talaga. “Oh, bakit mo nga pala binalak makipagkita ng ganitong oras?”

Bakit nga ba? At sa isang iglap, ang mga salitang nagpupumilit maisiwalat, ngayo’y nagkulong muli sa aking kaloob-looban. Ilang segundo akong walang imik, nag-iipon ng lakas ng loob sabihin. Huminga ako ng malalim at saka sinambit ang mga salitang, “Jacob, sinasagot na kita.”

Nagliwanag ang mga mata ni Jacob at siya’y napatalon sa tuwa. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat, “Seryoso ka ba dyan, Clarissa?” Isang tango na lamang ang aking naibalik at siya’y naghihiyaw sa sobrang kagalakan.

Ikinulong niya ako sa isang mahigpit na yakap at aking naramdaman ang napakabilis na kabog na kanyang dibdib. Ngunit si Jacob kaya, nararamdaman din ang sa akin? Sapagkat ito’y napakabilis din, ngunit hindi ito dulot ng anumang kilig o kasiyahan, bagkus ito ay dulot ng hindi ko mapigilang kaba mula pa kanina.

Sapagkat sa isa na namang pagkakataon, ako na nama’y nabigo na isiwalat ang matagal nang nagpupumiglas na nakakahiya at nakabababang puring lihim. Ako na nama’y nagsinungaling sapagkat ayaw kong masayang ang pagod ni Jacob sa paghihintay, sa pagpunta at sa pakikinig. Ayaw ko lang manghinayang si Jacob na tanging tumanggap sa akin.

Kahit na ganito lang ako, mahina, madumi, at hindi rin tanggap ang sarili. May natatagong lihim na hindi ko naman ginusto, ngunit bakit ako nahihiya? Bakit hindi ako handang sabihin sa tuwing si Jacob ay handang makinig sa akin.

“Jacob, dito na muna tayo,” sambit ko habang nakakulong pa rin sa kanyang bisig.

“Bakit? May problema ka ba sa inyo?” tanong niya.

“Wala,” pagsisinungaling ko.

Sapagkat kapag ako’y umuwi, magiging isa na naman ito sa mga gabi na gusto ko na lang lumipas at magdaan. Natutuwa siya sa kanyang ginagawa at dito rin siya kumikita, animo’y isang vlogger ngunit ng malalaswang mga bagay.

Nakakadiring isipin, kung papaano niya ako lapastanganin gabi-gabi, mula pa noong bago ako magkaisip at sinabihan niya ako na kami raw ay maglaro ng bahay-bahayan. At ibang bahay-bahayan ang aking nakasanayang laruin.

Ako ay binabastos, dinudumihan, at ginagahasa tuwing gabi, isang lihim na matagal ko nang kinikimkim. At ang mas masaklap, ang gumagawa nito sa akin ay ang dapat na siyang nakikisimpatya sa akin, siya ay ang ate ko, tunay na babae rin, may puring pinoprotektahan habang ang sa akin ang kanyang isinakripisyo upang pagkakitaan.

Maaring sa ibang pagkakatao’y magkakalakas na ako ng loob sabihin ang aking lihim. Ngunit sa ngayon, susulitin ko muna ang mahigpit na yakap ng aking kasintahan, kahit hindi ko siya mahal, dahil mas mabuti nang makasama siya buong gabi kaysa matikman na naman ni ate ang kanyang paboritong putahe.

Likhang Sining ni:

Angelo Tolentino

Photo Manipulation (Photos from google.com)

This article is from: