2 minute read

Mea Culpa

Next Article
Epilogo

Epilogo

Mea Culpa ni: Ma. Franchescka G. Yumang

Natagpuan ko ang aking sarili na naglalakad sa makipot na eskinita ng aming barangay. Maliban sa nakasanayan ko na ay mas maiksi kasi ang aking guguguling oras pauwi kapag tinahak ito. Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat, nakatago ang buwan sa mga kulay abong ulap na tila ba nagbabadya ng mahinang pag-ulan. Nagmasid ako sa aking paligid.

Advertisement

Parang mayroong kakaiba?

Kalimitan sa mga oras na ito ay naglalaro pa ang mga kabataan sa lansangan at ang kanilang mga magulang ay abalang nakikipag-inuman o tsismisan. Hindi ako sanay na humakbang sa lugar na ito nang walang naririnig na bulungan mula sa mapanghusga nilang mga bibig. Nakaririndi ang katahimikan. Ang tanging tunog na rumerehistro sa aking pandinig ay ang mga mabibigat na yabag ng aking mga paa at ang mabilis na pagtibok ng aking puso.

Nang makalampas ako sa bakanteng lote ay naramdaman kong may mga matang sa akin ay nakatitig. Tila ba sinusubaybayan ang aking mga kilos at galaw. Tumindig ang aking mga balahibo sa kakaibang sensasyon na dulot ng isang malumanay na himig na unti unting lumalakas na tila ba papalapit sa sakin ang pinagmumulan nito. Maya-maya pa ay sinundan ito ng mahinang pagtawa at paghikbi. Habang nanginginig ang aking kalamnan ay marahan kong ibinaling ang aking ulo. Laking gulat ko nang tumambad sa akin ang nanlilisik na mata ng isang babaeng wari bang sabik na sabik na hawakan ang aking balat gamit ang kaniyang mga kamay na namantsahan ng dugo. Sa katunayan ay kilala ko siya. Kilalang-kilala ko.

“Matagal ka nang patay! Lubayan mo na ako!”

Hindi na ako nagsayang ng pa oras. Tumakbo ako papalayo kahit nangangatog ang aking mga tuhod sa takot, walang pakialam kung saan tumama ang aking katawan. Hindi ako lumingon kahit na ilang beses pa akong nadapa sa aking pagmamadali. Ramdam ko ang hapdi ng mga sugat na gumuhit sa aking balat ngunit hindi ko alintana ang mga ito at patuloy akong tumakbo hanggang sa ako ay makauwi.

Dali-dali akong humarap sa salamin at bumungad ang kaawa-awa kong repleksyon, may luhang tumutulo sa aking mga mata, ang aking mahabang buhok ay napuno ng alikabok at kapansin-pansin ang mga pasang aking natamo mula sa aking pagkadapa sa takot na maabutan ako ng multo ng aking nakaraan. Sa salamin matatanaw ang isang kriminal na nagbabalat kayo sa ilalim ng kaniyang pulang mga labi at bulaklaking kamiseta.

Dinalaw nanaman ako ng bangungot ng aking karumal-dumal na krimen. Sariwa pa rin sa aking gunita kung paano ko kitilin si Juliana. Kung paano ko siya saksakin ng matatalim na salita hanggang dumanak ang dugo sa kanyang dibdib. Kung paano ko siya inilibing ng buhay sa hukay ng limot hanggang siya ay maputulan ng hininga. Kung paano ko pinagkait sakanya ang karapatang mabuhay at magmahal.

Pinatay ko ang aking sarili. Para matanggap ako ng iba.

This article is from: