
3 minute read
Prologo
PROLOGO LGBTQ
Tanggap na ba sila ng ating lipunan o binibigyan lamang ng pagpaparaya ng iilan?
Advertisement
Kung ang karanasan at kapaligiran ang umuukit sa buhay ng tao, kasalanan ba nila kung ang kanilang damdamin at pag-iisip ay iba ang kagustuhan o takbo? Sekswalidad ba at gender identity ang pamantayan ng pagiging tao at pagtamasa ng karapatan bilang mamamayan ng isang bansa? Tumutulong nga ba tayong alisin ang exclusion at agresibong diskriminasyon na pinadarama sa kanila? Bakit ba kadalasan sila ay mga supporting characters lamang o kontrabida?
Kalimitan, ang imahe ng mga LGBTQ sa iba’t ibang media ay api, mapanamantala, parlorista, makasalanan o paksa ng katatawanan. Kakaunti lamang ang nagpapakita sa kanila sa pinakamagandang paraang posible. Marahil mahirap dahil hindi pa ganoon katanggap-tanggap at hindi tatangkilikin ng masa maliban na lamang kung komedya. Higit pa roon ang mga kwento nila. Ang paggising at pakikibagbuno nila sa araw-araw ay mumunti ring mga hakbang na may kasamang dalangin na balang araw ay matanggap sila ng buo at maging pantay ang pagtingin sa kanila.
Bakit Fuchsia ang Dugo ni Rio. Ito ay kwento ng isang miyembro ng LGBTQ community na sumasalamin sa kanilang mga pinagdaraanan at mga tagumpay sa buhay. Ito ay kwento, hindi lamang ng iisang karakter, kundi ng isang buong komunidad na nanghihingi sa atin ng higit pang pagtanggap.
Wala ni isa sa atin ang walang bahid. Lahat tayo ay binuo mula sa alikabok, at doon din babalik. Sa paglalakbay natin kasama si Rio sa bawat pahina ng mga papel, nawa’y higit nating makilala ang mga LGBTQ, makita ang kanilang pagsusumikap at matanggap ang depinisyon nila ng pagiging tao.
Ito ang kwento ni Rio, isang kwento ng pag-ibig - pag-ibig para sa tao, para sa pangarap, at para sa higit na mabuting lipunang kanilang hinahangad.
Alamin ang unang kabanata ng kwento ni Rio sa pahina 5...
UNANG KABANATA: L
NANG MINSANG NILARO ANG BOLA
Noong isinilang ay prinsesa Ganda ni ina ay namana Lumaki sa piling ng mga kuya At sa kunsinte ni ama Laging sinusuotan ng bestida Upang matawag na dalaga Ngunit nilaro ang bola At palihim na tuluyang nagbinata Noong malaman ng pamilya Na sinisinta ko si Selya Isang gabing tahimik Nabalot ng pasakit at hinanakit Sampal, mura, bugbog at gulpi Tangis at luha ang tanging naisukli
lesbian /’lezbēən/ (ibang katawagan) - tomboy, tibo, babaeng bakla, binalaki, tivo, tivoli, chombi, combi crackers, tomi, butch at depende sa pagkamalikhain ng tumatawag.

Find out who you are and be that person. That’s what your soul was put on this Earth to be. Find that truth, live that truth, and everything else will come.
- ELEN DEGENERES, LESBIAN
i
Si Rio, ipinanganak ng 1972 kung kailan nagsimulang umusbong ang lahat ng nakakaaliw na bagay, ay biktima ng walang habas na diskriminasyon sa mga tulad niya. Ang katawagang “bakla” sa lenggwahe ng mga mapanghusga ay hindi katanggap-tanggap para sa nakararami noong mga panahong iyon.
Mag-isa lamang siyang itinataguyod ng isang mapagmahal na ina dala ng maagang pagbubuntis. Sa maruming sulok ng San Sebastian sila namamalagi. Naging kaibigan na nila ang simoy ng mabahong tabing-ilog na punong-puno ng sukal ng mga katulad nilang walang permanenteng tahanan. Tuwing tag-ulan, ang tulo sa kanilang bubungan ay mas marami pa sa lahat ng tabo at timba na mayroon sila upang saluhin ang tubig-ulan. Kadalasan rin silang laman ng evacuation centers at naaambunan ng relief goods na sa kanila’y malaki ng grasya. Ganoon man, buo ang loob ni Rio na iahon ang sarili at ina mula sa kahirapan.
Pinagkaitan ngunit siya ay biniyayaan ng talento sa maraming bagay. Mag-aaral sa umaga, raketera sa gabi. Ang kakarampot na salapi na kaniyang kinikita ay kaniyang ginagamit upang makaraos sa napakahirap na buhay.

Likahang sining ni: Angelo D. Tolentino
Traditional digital art and photo manipulation
