
2 minute read
KALINISAN PARA SA KAUNLARAN
Sa isang magiting na pagkilos, sinagawa ng mga mag-aaral, guro, opisyal, at iba't ibang organisasyon ang malawakang Clean Up Drive sa Ponciano Bernardo High School (PBHS) na sinimulan noong ika-11 mg Nobyembre na kung saan ay ang layunin nito ay ang pangalagaan ang kalinisan ng paaralan at masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral laban sa mga sakit lalo na sa dengue at Covid-19.

Advertisement
Ang pagsasagawa ng proyektong ito ay pinangunahan ng ilang opisyal at organisasyon na nagkakaisa para maging bahagi ng paglilinis. Kasama sa mga naglaan ng kanilang oras at lakas sa araw na iyon ang RC Murphy, Station 7 PNP, DC Pumper ng Brgy. Kaunlaran, mga opisyal ng PTA, Student Government Council (SGC), Boyscouts, at Supreme Student Government.


Nakibahagi ang bawat organisasyon sa isang partikular na lugar na kanilang lilinisin. Bilang prayoridad, pinili nilang simulan ang paglilinis sa covered court dahil ito ang pinakamalawak na espasyo sa paaralan. Upang mapadali ang paglilinis, dumating ang grupo ng mga bumbero upang magbigay ng kanilang tulong. Ginamit nila ang kanilang mga fire hose upang buhusan ng malinis na tubig ang paligid ng court at matanggal ang alikabok at dumi.
Hindi lamang ang mga bumbero ang naglaan ng oras at pagsisikap sa proyektong ito. Nagtulungan din ang iba pang mga grupo sa paaralan tulad ng mga club upang ipagpatuloy ang paglilinis. Sa mga sumunod na araw, patuloy na isinasagawa ang ganitong uri ng proyekto upang mapanatiling malinis, ligtas, at kaakit-akit ang paaralan.
Ang mga estudyante, guro, at kawani ng paaralan ay nagbahagi ng kanilang sama-samang adhikain na mapanatiling malinis at kaaya-aya ang kanilang paaralan. Ipinakita nila ang kanilang pagkakaisa at ang kanilang pag-aalay ng oras upang palakasin ang kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng patuloy na paglilinis at pagmamalasakit sa kapaligiran, naglalayon silang itaguyod ang kabutihan at kagandahan ng paaralan.
Sa isang patuloy na proyekto, ang mga kasapi ng Bernardians Boyscout ay patuloy na nagtutulong-tulong. Pinangunahan ni Scout Edison Carranceja ang mga scout sa aktibidad na ito, na may layuning mapanatiling malinis ang kanilang kapaligiran.
Ayon kay Scout Edison, ang cleanliness ay isa sa mga prinsipyo ng Boy Scouts na dapat sundin at isabuhay ng bawat kasapi. Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, ipinakita ng bawat scout ang kanilang pagiging maaasahan at pagiging responsableng mamamayan. Nagpamalas sila ng matinong pagganap ng kanilang tungkulin para sa ikabubuti ng kanilang bayan. Ang kanilang dedikasyon sa paglilinis ay isang magandang halimbawa na dapat tularan.

Sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, maaaring mahikayat ang iba pang mga paaralan at organisasyon na isagawa ang mga katulad na proyekto upang mapanatiling malinis at kaakit-akit ang kanilang mga espasyo.
Ang ganitong mga pagsisikap ay nagpapakita ng halaga ng pagkakaroon ng isang malinis at ligtas na kapaligiran sa paaralan. Bukod sa pagpapaganda ng pisikal na hitsura ng paaralan, ang mga gawaing ito ay nagbibigay rin ng positibong epekto sa mga mag-aaral at iba pang miyembro ng komunidad. Sa isang malinis at maayos na kapaligiran, mas madaling mag-focus at mag-aral ang mga estudyante, mas ligtas sila sa mga sakuna o aksidente, at mas nagiging kaaya-aya ang kanilang karanasan sa paaralan.