2 minute read

Isang araw sa buhay ng bayani

Next Article
Lahat

Lahat

ISINULAT NI GABRIELLE BERNICE E. PATERNO

DAKILA. Isa lang ito sa makapaglalarawan sa mga bayani ng St.Paul College Pasig (SPCP). Walang humpay na pagsasakripisyo ang kanilang ginagawa upang marangal na matapos ang tungkulin. Ngunit hinggil sa kaalaman ng nakakararami ang kabutihan ng mga nagtatrabaho sa likod ng tagumpay na natatamo ng paaralan. Sa kanilang gawain arawaraw, sana’y makita ang tunay na diwa ng paglilingkod sa kapwa.

Advertisement

“Kuya, hindi po gumagana yung mic,” ang kadalasang maririnig nila Pepito Gallardo, Wilbert Mastrili, at Joselito Laurencio sa isang pagtitipon. Dating seaman si Kuya Lito, at si Kuya Wilbert naman ay construction worker bago tuluyang nanatili sa SPCP. Sa higit sampung taon nila sa paaralan, maraming beses nang nasubok ang kanilang kakayahan. Sabi ni Kuya Wilbert, “Hindi maiwasan yung magkulang ang gamit. Kailangan may plan B ka. Hindi pwedeng hindi, kailangan gawan ng paraan.” Ngunit, sa kabila ng walang tigil na pag-se-set-up, masaya ang araw-araw, ayon kay Kuya Lito. Hindi maipaliwanag ni Kuya Pepito ang pakiramdam tuwing nakasasalamuha niya ang mga bata. “Gusto ko yung inaasikaso sila.” Aniya, pareho ang hinahangad nila: ang mapagtagumpayan ang pagtitipon. Kapag natamo ang inaasam na tagumpay, nakikita ng tatlong ginoo ang tunay na kaligayahan sa mga mata ng mga taong kanilang napaglingkuran.

Nagsimula si Guillermo Fernandez sa SPCP bilang kusinero. “Nihindi ako makahawak ng manibela noon. Habang walang pinagluluto sa Retreat House, sabi ni Sister, mag-aral daw akong magmaneho, hanggang sa nakakuha ako ng lisensya. Hindi ko akalain na pati bus, mahahawakan ko.” Sa dalawampu’t tatlong taon ni Kuya Guimo sa SPCP, labing-pitong taon na siyang nagmamaneho. Aniya, hindi siya nauubusan ng biyahe. “Kahit nakakapagod, masaya ako kapag bata ang kasama, kasi halimbawa, sa immersion, tumutulong din kami. Nakawawala ng pagod, lalo ‘pag may kakulitan ka.” Kung mayroong maibabahagi si Kuya Guimo, ito ang kanyang masayahing pagkatao. Tabihan mo lang siya, gagaan na ang araw mo.

Hindi kumpleto ang araw ng isang Paulinian kung hindi makikita sa Tent si Jerry Garro. Pitong taon niyang araw-gabing inaantabayanan ang paaralan. Minsan ay madadatnang ninanamnam ang kape habang nakatitig sa malayo, pero sa katunayan, sinusubaybayan niya ang mga pangyayari para sa kaligtasan ng lahat. Aniya, “Minsan yung mga tao, ipagbabawal mo sa bawal pero ipipilit pa rin nila. Sasabihin ko, gawaan nalang natin ng paraan ‘yan.” Kahit sa ganung pagkakataon, hindi makikitang nakasimangot si Kuya Garro. “Hindi ako problemahing tao, nakangiti ako lagi.” Walang dadaig sa kanyang pagkabusisi sa detalye at pagiging alerto habang nakangiti.

Bilang alumnae ng SPCP Batch 2001, gamay na ni Blessie Sotomayor ang takbo ng pangyayari sa paaralan. Umaga pa lang ay nagbabasa ng email at inaasikaso ni Ms. Bless ang iba’t-ibang dokumento. “Kapag nagkasabay-sabay, parang sasabog yung utak ko, pero natatapos naman dahil alam ko yung priyoridad ko.” Sa bawat bagong karanasan, pinaghuhugutan niya ng saya ang ideyang may bago muli siyang makikilala. “Maya’t maya ay may papasok, magtatanong o makikipagkuwentuhan lang.” Kahit na ‘sandamakmak na papel ang haharap sa kaniya kada-araw, basta’t may nakakasama, tila kayang tapusin ang lahat ng trabahong kailangan niyang gawin.

Sina Kuya Pepito, Kuya Wilbert, Kuya Lito, Kuya Guimo, Kuya Garro, at Ms. Bless ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga mag-aaral. Ang kanilang pananatili sa SPCP ay nagbibigay-daan para maibigay yung pasasalamat na sila ay naturuan at umunlad sa kanilang buhay. Ang tiyaga, malasakit, at pagmamahal nila sa kapwa ay isang imbitasyon upang maging misyon ng lahat. Nawa ay mangibabaw sa puso ang kabutihang-asal at pag-uugali ng mga huwarang araw-araw na nakakasalamuha sa paaralan.

This article is from: