
2 minute read
Patok Paulinian: ang 360 approach
from ICON 2019
by Pauliworld
ISINULAT NI TRISHA M. PURIFICACION
Wika nga ng maraming tao, ang Paulinian ay kilala hindi lamang para sa katinikan ng utak, kung hindi sa angkinggaling na mayroon siya sa larangan ng sining at palakasan, at para sa pusong laging handang magbigay serbisyo – katulad lamang ni Bb. Angela Sioson.
Advertisement
Si Angela Sioson ay isang mag-aaral mula sa baitang labindalawa. Sakanyang labing-apat na taon sa St. Paul College Pasig, hindi lamang siya lumaki bilang isang mahusay na estudyante, kundi siya rin ay nakilala bilang isang miyembro ng Cheerleading Varsity, Public Relations Officer ng Student Coordinating Team (SCT), at iba pa.
Bilang isang cheerleader, si Angela ay nasa ika7 taon ng kanyang pagsasanay sa larangan. Taliwas sa alam ng nakararami, si Angela ay naging bihasa muna sa ballet bago siya sumabak sa cheerleading; ayon sa kanya, ito naman ay nakatulong upang mahasa niya ang kalidad katulad ng flexibility at kakayahang matutunan agad ang sayaw na kaniyang itatanghal. Samakatuwid, bilang isang miyembro ng varsity, maraming oportunidad na ang dumating sa kanya – ilan dito ang parangal na kanyang nakuha sa mga lokal na kompetisyon katulad ng Women’s National Collegiate Athletic Association (WNCAA), National Cheerleading Championship (NCC), at Pasig City Association of Private School Administrators (PAPRISA), at sa mga internasyonal na kompetisyon katulad ng kanyang pagsabak sa Japan noong 2018 at sa World Cheerleading Championships (WCC) bilang parte ng Team Pilipinas noong 2017 at 2019.
Bilang parte ng SCT, naibahagi niya na ito ay isang instrumento upang magbigay-pugay sa student body. Sa panayam, iniulat ni Angela na noong una, nagkaroon pa siya ng pag-aalinlangan sa pagtakbo sa posisyon. Ngunit sa tulong ng kanyang mga kaibigan, kanyang nalampasan ito. Wika niya na ang kanyang pagiging SCT officer ay hindi lamang isang karangalang ipinagkakaloob ng institusyon, kung hindi isang tungkuling bukas-puso niyang tinanggap at ginagampanan.
Tunay nga na si Angela Sioson ay kilala sa iba’t ibang aspeto katulad ng kanyang pagiging SCT officer, miyembro ng Cheerleading Varsity, at kasapi sa iba’t ibang produksyon. Ngunit, alam niyo ba na siya rin ay dating aktibo sa isang banda? Si Angela ay magaling rin gumamit ng iba’t ibang instrumento katulad ng kahon at gitara. Siya rin ay mahilig kumanta, at dati na ring videographer at photojournalist. Sa dinamirami ng kanyang responsibilidad, inilahad ni Angela na kanya itong nagagampanan sa pamamagitan ng wastong paggamit ng kanyang oras at sa pagbibigayimportansya sa kanyang mga gawain. Sa kanyang paglisan sa paaralang tinawag niyang tahanan sa loob ng labing-apat na taon, ninanais lamang ni Angela ay maging isa sa mga inspirasyon upang maalala nila na kakayanin nila ang anumang pagsubok na darating. Nais rin ipaalam ni Angela sa madla na huwag sumuko – alalahanin na walang imposible, sapagkat lahat tayo ay may kakayahan, at alalahanin na ikaw ay tao bago ka naging estudyante, miyembro ng iba’t ibang organisasyon – alagaan lagi ang sarili
at alalahanin na lahat ng tungkulin ay kakayanin.