
1 minute read
Lahat
from ICON 2019
by Pauliworld
ISINULAT NI ALLYNA GEE F. VELASCO
Lahat. Ang hirap din kapag nasanay kang nagbibigay ng lahat. Yung tipong kahit sa sarili mo walang natitirang sapat, kapag ikaw nagsabi lahat, tapat. Minsan ikukuwento kahit hindi naman dapat.
Advertisement
Ibubuhos ang isip, puso, at atensyon. Minsa’y ginagawang kompetisyon. Tila ba gagawing komplikado ang dapat leksyon, makapagsalita akala mo ay dumaan sa matinding imbestigasyon.
Mga salita. Mga salitang lumalabas sa bibig. Buong pusong nagsasabi at buong tiwala ang ibinubuhos. Heto na naman. Heto na naman sya, Ang taong palaging walang tinitira para sa sarili. Ginagawang mundo o daigdig Ang dapat kaibigan lang. Ang taong inaakalang mong makakasama mo habangbuhay, Yun pala’y iiwanan ka lang nang di mo inaasahan, sabay sa ilog ay aagos.
Ibibigay ang lahat dahil akala yun ang dapat hindi nagtira ng para sa sarili. Kaya pag nadurog ay hindi mapakali, nahihirapan ibalik ang dati. Pag-ahon sa nakaraa’y sobrang nahihirapan Bagong buhay muli ang nais simulan. Pagmamahal sa sarili ay dapat gampanan, nag-iisip kung paano aalagaan ang katawan. At sa papaanong paraan ibabalik ang tiwalang winasak ng nakaraan.
Mga storyang nalalaman, mga sikretong nagbubunyagan, minsan pa’y naging kanlungan. Na nagbigay ng kahulugan sa buhay na puno ng kadiliman, kaligayahan, kundiman ang handog sa pusong durog na durog.
Susubukang umahon muli Sa pagkadapang hindi maikukubli pagsabak sa panibagong haharapin para sa sarili ay hindi maitatanggi. Ang nakaraang magmimistulang leskyon patungo sa panibagong tatahaking direksyon.
Madadapa, mapapagod, hahagulgol, ngunit hindi susuko Ang mga masasakit na ala-ala ng nakaraan ay dapat ng kakalimutan. Magsisimula, susubukang hanapin ang sarili, kaligayahang hindi mabibili ang pangarap ng pusong sawi.