
2 minute read
Makikibaka ka ba?
from ICON 2019
by Pauliworld
ISINULAT NI CENA MARIE B. GILLANA
Hindi nakakulong sa apat na sulok ng silidaralan ang tungkulin ng kabataan sa lipunan.
Advertisement
Sa gitna ng napakaraming suliraning panlipunan, malayang nakikiisa ang kabataan sa pagtaguyod ng panlipunang kaayusan sa lansangan, sa social media, at sa iba’t ibang plataporma. Bilang pagpapakita ng pagkakaisa at pakikibaka, itinatag ang iba’t ibang organisasyon upang tumugon sa mga isyung napapanahon.
Sa pagkakaalam nito, ano nga ba ang ilan sa mga organisasyong pinatatakbo ng mga kabataan?
1. Kythe Foundation Inc.
Binibigyang halaga ng Kythe ang pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga batang may malulubhang sakit tulad ng kanser, sakit sa puso, atbp. Alinsunod dito, ihinahandog ng Kythe ang Kythe Child Life Program, isang programang naglalayong magbigay ng sikolohikal na suporta para sa mga bata at pamilyang nangangailangan ng pagpapayo o counseling. Ngayon, umaabot na sa mahigit 11,000 ang mga batang natulungan ng Kythe.
2. Kids for Kids
Iisa lamang ang layunin ng Kids for Kids: ang makapag-iwan ng marka at magdala ng pagbabago sa lipunan. Simula noong 2015, nakalikom ang organisasyon ng higit sa dalawang milyong piso para sa mga benepisyaryo nito. Itinataguyod ng Kids for Kids ang diwa ng ‘bayanihan,’ kung kaya’t nakikipagtulungan ito sa iba’t ibang organisasyon tulad ng UNICEF, the Philippine General Hospital, atbp.
3. Amarela PH
Isinusulong ng Amarela PH ang karapatang pangkababaihan. Isa sa mga layunin ng Amarela ay ang paglunsad ng mga programang makapagpapabuti 30 ICON
ng sistemang reproduktibo, at ang pagpapalawak ng edukasyon hinggil sa pangangalaga sa kalusugan, kabilang na rito ang sexual education. Sa pamamagitan ng kanilang plataporma sa social media, nakapagbibigay dinsila ng mga makabuluhang pananaw at pagpapalawak ng mga kaalaman hinggil sa mga kontrobersyal na paksa tulad ng isyu sa SOGIE Bill.
4. The Initiative PH
Ang Initiative PH ay nagsimula lamang bilang mga grupo ng estudyante mula sa De La Salle University Senior High School na namamahagi ng tulong sa mga biktima ng kalamidad gamit ang kanilang sariling pera. Ang karanasang ito ang nagsilbing inspirasyon sa kanila bago pa man sila makahanap ng mga kaanib. Mula sa payak na karanasang ito, umusbong ang isang organisasyong maraming natutulungan. Ilan na rito ang mga biktima ng Marawi Siege, mga apektado sa kalamidad, at ang mga taong nasa laylayan.
5. Talang Dalisay
Hinihikayat ng Talang Dalisay ang pagtanggap sa sarili at ang pag-abot sa mga pangarap at potensyal. Ang temang pinahahalagahan ng Talang Dalisay ay ang kalusugang pangkaisipan o mental health. Isa sa mga layuning itinataguyod ng organisasyong ito ay ang paglaan ng mga programang makapagpapalawig ng edukasyon tungkol sa kalusugang pangkaisipan, nang sa gayon ay malabanan ang mga stigma at makapagbigay-suporta para sa mga pamilya.
Ang mga organisasyong ito, magkakaiba man ng suliraning tinutugunan, ay may iisang layunin: ang makapagtatag ng pagbabago bilang pakikibaka para sa mundong mas mapayapa. Ang bawat organisasyong nabanggit ay malayang tumatanggap ng kabataang may malakas na panindigan at pagkukusang makatulong sa kapwa.