3 minute read

Pag-Asa /p

Pag-asa

Stephanie Perez

Advertisement

“Balita ko natalo ka raw sa National Science Quest ah” “Apat na taon kang lumalaban sa Journalism pero hindi ka man lang umabot sa Division” “With Honors ka lang naman dahil sa mga sinasalihan mong contest” “Ang boring mong maging tropa” “Pasensya kana, may nahanap akong mas better sayo” “Wala kang kwentang anak, buti pa yung anak ni kumare” “Dakilang talunan” “Kumuha ng kursong medisina, kala mo naman matalino”

Iilan lamang ang mga katagang ‘yan sa mga tumatak at nagmarka sa kanyang isipan. Walang araw na hindi sumagi sa kanyang isipan ang mga masasakit na salita na nanggaling pa mismo sa kanyang mga mahal sa buhay. Gabi-gabing dinaramdam at tinatanong sa sarili kung ba’t nangyayari ito sakanya. Sinusubukan niyang gawin ang kanyang makakaya para maging tama naman siya sa paningin ng nakararami, ngunit tila puro pagkakamali lamang niya ang kanilang pinupuna. Sa tuwing humaharap sa mga tao’y pilit na nagpapakatatag, abot tainga ang ipinapakitang ngiti ngunit makikita sa mata ang animo’y tunay niyang nararamdaman. Ang mga kaibigan niyang inaakalang makaiintindi at dadamay sa kanyang mga problema ay siya pang manlalait at huhusga sakanya. Ang kanyang mga kapwa mag-aaral na imbes na suportahan siya sa kanyang mga sinasalihang patimpalak ang humihila pa sakanya pababa. Sa tuwing siya’y nananalo, kahit kaunting pagpupugay lang ay wala siyang natatanggap, samantalang kapag natalo naman ay nagiging laman siya ng kanilang mga tuksuhan. Punong-puno ng paninira at pangungutya ang mga pangyayari sa kanyang buhay, sa loob o labas man ng paaralan. Tuwing matatapos ang kanyang klase ay diretso na siyang uuwi sapagkat mas nahuhumaling na siya sa nakabibinging katahimikan at madilim na payapang sulok ng kanyang kuwarto. Balde-baldeng luha ang lumalabas sa kanyang mapupungay na mga mata at unti-unting nalulunod dulot ng kawalan. Sumabay pa ang pandemya na talaga namang nagbigay rason upang mas lalong manatili nalang sa kanyang silid. Ramdam niyang siya’y nasa rehas na pati pagtakas sa matinding kalungkutan ay tila bawal na rin. Ang kanyang isipan at puso’y pinamahayan ng poot at kalbaryo. Siya at kanyang sarili lamang ang kanyang nasasandalan, pagod na pagod nang banggitin ang katagang “ayos lang ako” kahit ang totoo’y tila pasan niya ang buong mundo sa bigat na kanyang dinaramdam. Dumagsa pa ang iba’t ibang mga problema sa bahay, nawalan ng trabaho ang magulang dulot ng pandemya, bumaon sa utang ang kanyang pamilya dahil walang hanapbuhay. Dulot ng samu’t saring problema, nagdesisyon ang kanyang mga magulang na patigilin na siya sa pag-aaral ng medisina. Bukod sa may kamahalan ang matrikula, wala din silang tiwala sa kanilang anak na matatapos niya ito.

120 | Muni-Muni XVII: Mayari

Dibuho ni

Renzo Magalay

Muni-Muni XVII: Mayari | 121

Sobrang nasaktan ito nang malaman niya, wala man lang siyang nagawa upang pigilan ang desisyon ng kanyang mga magulang. Ang pag-aral ng medisina lamang ang tanging pumapawi ng kanyang kalungkutan ngunit maging ito’y ipinagkakait na rin sa kanya. Puro dismaya ang dumarating na balita, ang kasiyahan niya’y unti-unting naglalaho.

Nawawalan ng gana, nangangayayat, malalalim na ang kanyang mga mata dahil ilang araw nang ‘di pinapatulog ng lungkot. Sa tuwing umiiyak ay halos wala na ring luha ang pumapatak sa kanyang dalawang mata. Kay pait ng kanyang mga nararanasang problema na halos lahat na yata ng kamalasan ay sinalo niya. Ang pag-asang makamtan ang kasiyahan ay inanod ng alon at nilipad ng hangin papalayo sa kaniya. Unti-unting lumalalim ang mga sugat sa kanyang puso dahil sa paulit-ulit na pananakit sa kaniya ng katotohanan. Isang gabi, dumating sa puntong sukong-suko na siya sa buhay, hirap na hirap nang labanan ang ‘sangkaterbang problema sa pamilya, kaibigan, kamag-aral at pati na sa sarili. Ilang saglit lamang ay kikitilin na niya ang kanyang buhay nang biglang bumalik sa katinuan at napagtanto na hindi ito ang solusyon sa kaniyang suliranin. Naisip niya rin na kaya gusto niyang maging isang doktor ay upang makapagligtas ng buhay, ngunit paano niya pa ito magagawa kung siya mismo’y magpapatiwakal. Malaki man ang suliraning kinahaharap niya’y mainam pa rin na ‘di niya sukuan ang buhay. Marami pang paraan upang malabanan ang kanyang mga problema. Magmula noon, tinatagan niya ang kanyang sarili upang makarating sa pangarap na inaasam.

Masakit na karanasan ngunit kaysarap alalahanin sapagkat nadapa man ako noon ng ilang beses, mayroon pa rin akong walang hanggang pagkakataon upang tumayo at magpatuloy sa inaasam na tagumpay. Ginagawa kong motibasyon ang mga nagdaang problema upang mas lalo akong maging malakas sa kasalukuyan hanggang sa kinabukasan. Mahina man ang dating ako, ngunit heto ako ngayon, ‘di na papatinag sa buhay. Huwag agad susukuan ang mga bagay na may kaakibat na solusyon dahil mayro’n at mayro’ng paraan upang makaahon at makawala sa masalimuot na buhay. Gaya ng buwan, unti-unti rin tayong mabubuong muli, sabay sa pag-usad ng mga araw.

122 | Muni-Muni XVII: Mayari

This article is from: