4 minute read

Uga /p

Uga

Blessilda Cyra Garcia

Advertisement

Naging kaklase ko siya mula una hanggang huling taon ng hayskul—tahimik, hindi palakibo, at laging nag-iisa. Madalas ko siyang mapansing nakasulyap sa labas ng bintana ng aming silid-aralan. Siguro ay naiinip, siguro ay atat nang makauwi.

Kung sabagay, kahit siguro ako ang nasa kanyang kalagayan ay hindi ko nanaising manatili nang matagal sa loob ng apat na sulok ng kwartong iyon. Walang nangangahas kumausap sa kanya. Walang nagkakaroon ng interes na tanungin kung ano ang gusto niyang kainin sa oras ng recess, kung napanood ba niya ang pelikulang tampok sa telebisyon sa nagdaang gabi, kung gusto ba niyang sumali sa laro, o kung nakagawa na ba siya ng aming takdang-aralin. Tila hindi siya nakikita, maliban na lamang kung may ipakikiusap na buhatin o linisin ang aming mga kaklase o kung mayroong ipag-uutos na ibang gawain ang mga guro. Maliban din kung naiinip ang mga kaklase naming lalaki at wala silang ibang mapaglipasan ng oras.

“Pssst! Uga!” pakantyaw na tawag nila dito kasunod ng pigil na hagikgik bunsod ng kapilyuhang naiisip nilang gawin.

Saglit lamang siyang lilingon sa mga tumawag at saka ibabalik ang tingin sa labas ng bintana o ‘di kaya ay sa aklat na binabasa. Minsan, sa ‘di-inaasahang pagkakataong naiwan kaming dalawa sa loob ng silid, saglit ko siyang pinagmasdan. Sinundan ko ng tingin kung ano ang sinisipat niya sa labas. Ang tinitingnan pala niya ay ang mga bulaklak sa Science Garden na katabi lamang ng aming silid. Mataman siyang nakatunghay sa iba-ibang kulay, laki, at uri ng kagandahang nagbibigay-buhay sa paligid. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya sa mga oras na iyon. Marahil ay hilig niya ang paghahalaman o kaya naman ay binabalak niyang pitasin ang mga iyon kapag nakakuha siya ng tiyempo. Tumalikod na ako para umalis. At sa aking paghakbang papalayo ay parang naririnig ko ang kanyang mga malalalim na pagbubuntong-hininga.

Sa loob ng mga taong naging magkaklase kami, hindi ko nakita ang tunay niyang hitsura. Hindi dahil nakasuot siya ng maskara o dahil nagpa-plastic surgery, kundi dahil walang araw na hindi nawawalan ng gasgas, bukol, o pasa ang kanyang mukha. Noong una nga, inakala kong singkit siya ngunit nang mangibabaw ang kulay lilang umbok sa gilid ng magkabila niyang mata, pagkalipas ng ilang araw, napagtanto kong may black eye lang pala siya.

“Uga,” minsan ay tinawag siya ng isa sa mga pinakamatangkad na lalaki sa aming klase. “Sino ba ang tatay mo sa mga ‘to?”

Itinaas niya ang hawak na aklat sa Araling Panlipunan. Nagyuko lamang ng ulo si Uga. At nang hindi siya kumibo ay ipinakita sa buong klase ang pahinang may larawan ng mga sinaunang aborigines na siyang naging mitsa ng malulutong na halakhakan sa buong silid. Nakitawa rin

92 | Muni-Muni XVII: Mayari

Dibuho ni

Angel Jhos Supan

Muni-Muni XVII: Mayari | 93

ako ngunit agad ding tumahimik dahil sa pagdating ng aming guro sa Matematika. Sumulyap ako kay Uga. Nakayuko pa rin siya at nilalaro ang mga daliri sa kamay.

Magdadalawang buwan na lamang noon bago ang aming pagtatapos nang magsimula siyang lumiban sa klase. Nagulat ako nang isang umagang nagsimulang magtawag ng pangalan ang aming guro.

“Mendoza?” tawag ni Gng. Santos. Nang walang sumagot ay inulit niya ito. “Mendoza? Mendoza, Bernard?”

Halos sabay-sabay kaming lumingon ng iba kong mga kaklase. Patay-malisyang nagkibit-balikat ang ilan. May mga nagpatuloy sa kanilang ginagawa, at ang iba ay walang pakialam. Saglit kong nakalimutan ang tunay niyang pangalan. Nakasanayan na kasi namin ang pagtawag sa kanya ng “Uga”. Nasundan pa ang kanyang pagliban. Naging dalawang araw, tatlo, isang linggo, isang buwan, hanggang sa dumating na ang araw ng aming pagtatapos ay wala na akong naging balita sa kanya.

At kahapon nga, habang pauwi ako mula sa pag-aasikaso ng mga requirements ko sa pag-e-enrol sa kolehiyo, nakasakay ko ang dati kong gurong tagapayo. Siya raw ay galing sa lamay ni Bernard upang makiramay at mag-abot ng kaunting abuloy mula sa aming paaralan.

Bernard? Ah, si Uga. Medyo nagulat ako. Hindi halatang may sakit pala siya.

“Ano raw po ang ikinamatay?” tanong ko hindi dahil sa kuryosidad kundi para lamang umusad ang aming usapan.

Kinagabihan ay hindi ako nakatulog. Pabiling-biling ako sa higaan dahil sa pagkaalinsangan kahit halos panahon na ng tag-ulan. Nang hindi nakatiis ay tumayo ako upang buksan ang mga bintana. Bahagyang pumasok ang malamig na simoy ng panggabing hangin kaya bumalik na ako sa pagkakahiga. Mula sa aking pwesto, tanaw na tanaw ko ang buwang bahagyang nakukumutan ng maitim na ulap. Bigla kong naalala si Uga. Ganitong buwan din kaya ang naging saksi ng kanyang pagkawala?

“Ano raw po ang ikinamatay?”

“Napagkatuwaan daw sa kanilang kanto. Nabagok yung ulo niya. Dead on arrival sa ospital.”

“P–po?”

“Ang siste eh, hindi nahuli ang mga may pakana. Itinago na siguro ng mga kaanak. Yung isa raw ay pamangkin yata ni Mayor.”

94 | Muni-Muni XVII: Mayari

Dibuho ni

Renzo Magalay

Muni-Muni XVII: Mayari | 95

This article is from: