4 minute read

Sana’y Binalaan Ako Ni Luna /p

Sana’y Binalaan Ako ni Luna

Rhenzell Mae Valdez

Advertisement

Simula noong namatay si ate, hindi na kami naging malapit sa isa’t isa ni nanay. Pitong gulang pa lamang ako noon at labing-anim na taon naman si ate. Hindi ko alam kung anong nangyari, basta paggising ko, si ate nasa kabaong na. Hindi ko rin alam kung isa ba ‘yon sa mga dahilan kung bakit biglang lumayo ang loob ni nanay sa akin. Hanggang ngayong nalalapit na ang ika-labing walong kaarawan ko, hindi pa rin niya nasasagot ang mga tanong ko.

“Nay, ayaw mo ba sa’kin?” “May nagawa ba ‘kong mali?” “Hindi mo ba ‘ko mahal?”

Maraming beses na ‘kong nagtanong pero wala, ang lagi lang niyang sagot ay, “Tama na, Lea.”

Pero kahit ganoon, lagi kong nararamdaman na nakabantay sa’kin si nanay. Lagi lang siyang nakatingin sa amin ni tatay. Sanggang-dikit kasi kami ni tatay sa lahat ng bagay nang dahil nga sa malayo kami ni nanay sa isa’t isa. Si tatay pa ang nagturo sa’kin na lagi lang tumingin sa buwan sa tuwing naaalala ko si ate, at sa tuwing iniisip ko kung bakit malayo sa’kin si nanay. Dahil doon, napamahal nalang ako sa buwan at kay tatay.

“Nak, mag-iilang taon ka na nga uli bukas?” tanong bigla ni tatay.

“18 po.” sagot ko.

niya. “Ah pwede na.” rinig kong bulong

“Po, tay?”

“Wala, sabi ko, dalaga na ang prinsesa ko. Malapit nang maagaw ang Luna ko.”

Napailing nalang ako at nakitawa lang kay tatay. Lagi naman niya ‘yong sinasabi sa akin lalo na kapag wala si nanay. Huwag muna daw akong magpaligaw dahil prinsesa niya ako at walang basta-bastang makakakuha ng prinsesa mula sa hari. Lagi niya rin akong inihahalintulad sa buwan, paborito niya raw kasi ang gabi. Paborito niya raw pagmasdan ang buwan, lalo na tuwing nalulungkot siya – kaya minsan, tinatawag niya rin akong Luna.

“Happy birthday to you …” sabay abot sa’kin ni tatay ng cake at mabilis na hinipan ko ang kandila matapos na humiling.

Ang bilis, kaarawan ko na nga, labing-walo na nga agad ko. Ilang taon na rin akong nangungulila kay nanay, parang nawala na rin siya noong mawala si ate.

“O bakit tila malungkot ang Luna ko?” sabay punas ni tatay sa mga luhang hindi ko namalayang umagos.

Ngumiti ako nang bahagya. “Wala nanaman po kasi si nanay e.” sambit ko.

“Sus, hindi ka pa nasanay. Hayaan mo, nandito naman ako.”

Niyakap ako ni tatay nang mahigpit saka bumulong, “Tingnan mo nalang ang buwan.”

Bigla akong nakaramdam nang pagkailang at pagkabalisa.

“Tay?” hindi pa rin tinatanggal ni tatay ang yakap niya.

Sinubukan kong kumawala ngunit mas hinigpitan niya ang hawak niya sa’kin.

“Tay, ano ba?” medyo pasigaw ko nang sabi habang naluluha.

Sa tinagal-tagal ng panahon na magkasama kami ni tatay, ngayon lang ako nakaramdam ng takot.

Itinulak ko siya at sinubukang tumakbo palabas ng bahay.

Ngunit ---

“Lea, aba lumlaban ka na ha!” pagalit niyang sabi at hinila ang buhok ko.

“Tay, maawa ka.” hindi na ‘ko makapagsalita ng maayos sa sobrang takot.

Sinubukan ‘kong sumigaw, pinilit kong may lumabas na boses mula sa mga labi ko pero ---

“Tingnan mo lang ang buwan, pagmulat mo tapos na.” sinuntok niya ‘ko sa may sikmura, dalawang beses, at dinala sa kwarto nila ni nanay.

Bumungad sa kanilang malaking bintana ang buwan.

Kaya pala …

“Saglit lang ‘to Luna, mahal mo si tatay, ‘di ba?” lalo akong nanghina sa sinabi niya.

Ramdam ko ang pagpatak ng bawat aking luha. Ang buwan na nakasama ko sa pagtanda, nasaksihan ang kalapastanganan ng demonyo kong ama. Luna, bakit hindi mo ‘ko binalaan?

Sana kinuha mo nalang ako, Luna. Sana diyan nalang ako --- kahit gaano ako kagustong saktan ni tatay, diyan hindi niya ‘ko maaabot. At diyan, kahit gaano ako kaayaw ni nanay, mas lagi ko siyang masisilayan. Luna, bakit mo ‘ko pinabayaan?

Matapos ang lahat, nang mahimbing na ang tulog niya, sinaplutan ko ang sarili ko at pagapang na lumabas ng kwarto. Nadudurog ako sa bawat dinig ko ng aking hikbi. Pero mas nadurog ako nang makita si nanay sa labas ng pinto.

Umiiyak.

Bigla akong nagkalakas para tumayo at tumakbo papunta kay nanay.

Nay, nanay … Pagkaapak na pagkaapak ng mga paa ko sa labas ng pinto, sinalubong niya ako ng yakap na may kasamang malalakas na hagulgol.

“Anak ko, patawarin mo ‘ko.. Diyos ko, hindi ko sinasadya..”

Sa gitna ng mga masasakit na pagtangis, nasilayan ko nanaman ang buwan. Luna, sobra kitang kinamumuhian. Kagaya ka lang ni tatay --- nagpanggap na kakampi ko. Mga mapagkunwari.

Inilabas ko ang lahat ng sakit at poot na nararamdaman ko kay nanay.

“Nay.. nanay.. napakababoy niya.” wala ng ibang lumabas pa mula sa bibig ko.

Takot na takot pa rin ako at napakatagal kong hinintay na muling makasama si nanay sa tabi ko. At ngayon yakap-yakap pa niya ‘ko.

“Diyos ko, nangako ang tatay mo na hindi ka gagalawin, nangako siya!” nanginginig si nanay sa sakit ng kaniyang iyak

Nay, bakit ngayon ka lang …

Mas hinigpitan ko pa ang yakap kay nanay.

“Diyos ko, kulang pa bang nagpakamatay ang panganay ko? Kulang pa bang lumayo ako sa bunso ko para tuparin ng demonyo na hindi siya galawin kung lalayo ako! Kulang pa bang kabayaran ang halos araw-araw na pambababoy sa’kin para hindi maging parausan ang bunso ko? Kulang pa ba?” ang hagulgol ni nanay habang yakap ako nang mahigpit

Napapikit ako ng mariin.

Kaya pala …

Kaya pala …

68 | Muni-Muni XVII: Mayari

This article is from: