
1 minute read
Hiling Kay Bakunawa /p
Hiling kay Bakunawa
Ma. Franchescka Yumang
Advertisement
Ang bawat paglubog ng araw ay hudyat na ng takot at pagtangis Mula sa mga alaala ng ninakaw na dangal, puri, at kariktan Tila ang aking mga awiti’y hindi na naririnig pa ng diyosang si Mayari, Na ang liriko ay awit ng pagsusumamong ako’y iligtas sa bangungot ng gabi.
Ang bawat pagpatak ng luha’y hindi na mababawasan ang sakit Ng bawat pagtama ng kaniyang kamao sa aking katawan Hindi niyo ba naririnig ang aking mga hagulgol at hikbi? Tuluyan na bang naging impyerno ang minsan kong tinawag na tahanan?
Aking hiling kay Bakunawa na muli niyang kainin ang pampitong buwan, Upang kahit sa kadiliman lamang ay maranasan ko ang pagkabulag Sapagkat nakababahalang ang mga sugat na iniukit sa aking balat Ay kailanma’y hindi na palalabuin pa ng diyos ng oras at panahon.
Bakunawa, umahon kang muli mula sa kaibuturan ng karagatan Tanggalan ng linawag ang mga gabing hudyat ng karahasan ay pighati, Balutin ng dilim ang tahanang inakala kong aking magiging kanlungan Nang hindi na masilayan pa ng aking mga mata ang imahe ng tunay na halimaw.
62 | Muni-Muni XVII: Mayari