
2 minute read
Misteryo Ng Pulang Pridyeder /p
Misteryo ng Pulang Pridyeder
Anton Miranda
Advertisement
Bali-balita sa aming bayan ang mga nakakakilabot na mga istorya patungkol sa isang abandonadong bahay malapit sa bukirin, sapagkat ang mga dumadaan daw roon ay nakaririnig ng kakaibang tunog at kumalat ito sa buong bayan kung kaya’t ang mga tao ay takot na takot. Ginusto namin itong patunayan sapagkat karamihan sa aming mga kabayan ay takot sa bali-balitang ito. Isang gabi, napagdesisyunan naming magkakaibigan na pumunta rito upang tingnan kung totoo nga ba ang mga kwento nila patungkol rito. “May dala ba kayong flashlight?” nanginginig na tanong ni Karl sa kanyang mga kasama. “Wala pare, ano ka ba ang liwanag ng buwan oh, atsaka paano natin makikita ang aswang na sinasabi nila kung magdadala tayo ng ilaw?” tanang sagot naman ni Eric. “Nakakakilabot mga pare, parang gusto ko nang umuwi mga pare,” takot na sabi ni Poy sabay pabalik na sana ngunit hinila siya ni Kevin. “Ano ba kayo, kaya nga tayo nandito upang pabulaanan ang mga kwentong bayan na kumakalat ngayon. Tsk! Hindi naman kayo sasaktan ng mga multo o maligno man. Ano ba kayo!” pangungumbinsi ni Tonio sa mga kasama niya. Tanging liwanag ng buwan ang kanilang naging ilaw sapagkat wala silang dalang flashlight at hindi rin sila ganoon kayaman upang makabili ng teleponong may flashlight. At tanging mga kulisap ang nagpapaingay sa bawat lakad nila. Habang papalapit sila sa nasabing abandonadong bahay ay naririnig nila ang mga maliliit na tinig na nagmumula roon.
“Pare, mukhang totoo nga ang balita. Tara na umuwi na tayo,” saad ni Karl na sinang-ayunan naman ni Eric. “Sandali lang pare, malapit naman na tayo at parang hindi nakakatakot ang mga tinig na iyon,” sagot naman ni Tonio. Iilang hakbang na lamang ay kanila na itong mapupuntahan, ngunit nagulat sila ng may isang lumang pulang pridyeder ang nasa labas ng isang abandonadong bahay at narinig nila ang mga nakakikilabot na boses na nagmumula sa loob nito. “Pare, tara na. Totoo nga, katulad ng mga napanood ko kari Aling Sharleng na may mga maligno sa loob ng pridyeder na iyan at ‘pag binuksan ay hihilain ka ng isang aswang diyan,” takot na takot na sabi ni Eric at pumunta sa likuran ni Kevin. “Sira, pelikula lang iyon. At anong aswang o maligno ka diyan,” asik naman ni Tonio sabay na binuksan nito ang pintuan ng pridyeder at nagulat siya sa kanyang nakita, isang mag-ina habang yakap-yakap ang batang babae. Maraming galos at pasa ang bata maging ang ina nito. “’Wag po, itay,” sambit ng bata habang umiiyak.
“Hindi po namin kayo sasaktan, mga pare tulong naman,” sabay buhat sa bata at ibinigay nito sa kanyang mga kasama. Mabilis naman niyang inakayan patayo ang ina ng bata na mukhang hapong-hapo dahil sa pananakit ng kanyang asawa. “Tul..ungan.. niyo..ka..mi… habang… wal…a pa.. ang.. aking asawa,” pabulong na sabi nito sa binata. Kaagad na umalis ang mga binata at ang mag-ina palayo sa nakakikilabot na lugar kung saan bali-balita ang mga nakakatakot na kwento, hindi isang kababalaghan kundi isang karumaldumal na pagpapasakit at pananakit sa isang mag-ina ng nasabing bayan.
70 | Muni-Muni XVII: Mayari
Dibuho ni
Reycel Rondain
