1 minute read

Sepulturero /p

Sepulturero

Angel Jhos Supan

Advertisement

Sabay sa pagpatak ng luha ang mga hikbi ng gusgusing magkakapatid na babae habang pinagmamasdan ang huling sandali sa kabaong ng kanilang yumaong nakatatandang kapatid. Suot ang kanilang mga lumang damit, pigtas na mga tsinelas, punit na pantalon at blusa, hindi ito naging hadlang para masaksihan ang paglibing sa kanilang kapatid. Pilit naging matatag ang tatlong magkakapatid pero papaano na lamang sila ngayong wala na ang nagsilbing ama’t ina nila? Lalo na’t hindi pa sila nakararating sa karampatang gulang at mahirap lamang sila.

Tanging ang ilaw mula sa mga lumang poste ng lampara at buwan ang nagbibigay-liwanag sa mga madungis at luhaang mga mukha ng magkakapatid. Kumikislap-kislap man ang mga poste, tanaw pa rin kung papaano ibaba ng mga sepulturero ang kabaong. Nang tuluyan ng maibaba ang ataul ay walang nagawa ang mga ito kundi mapaluhod sa matinding dalamhating kanilang nararamdaman. Inisip nila ang kanilang buhay ngayong hindi na nila makakasama ang kanilang yumaong ka-dugo. Napapikit ng mariin ang ikalawang panganay nang tuluyan nang naibaba ang kabaong. Patuloy pa rin ang pag-iyak ng magkakapatid, at kasabay ng kanilang kalungkutan ay ang pagdilim ng kalangitan ng gabi. Napatigil sa pag-iyak ang magkakatapid ng biglang tumawa ang dalawang sepulturero. Gamit ang kanilang mga pala, masaya nilang sinasalok ang lupa patapon sa hukay. Nanginig ang magkakapatid na sina Mercy, Eirene at Lawrence sa kanilang nasasaksihan dahil ang naturang mga sepulturero pala ay mga pulis, suot-suot ang kanilang duguang uniporme at tsapa habang binabaon sa lupa ang kanilang kapatid na si Justicia.

Muni-Muni XVII: Mayari | 83

This article is from: