
1 minute read
Wakas Ang Simula /p
Wakas ang Simula
Cindy Sayat Larawang Kuha ni
Advertisement
Alvin Cantero
Mahigit limang taon na rin ang nakakalipas, isang malaking palaisipan pa rin sa akin nang minsan akong tanungin ng isang ginoo, “Ano ang pinakagusto mong bahagi ng buong araw?” Sumagot naman ako ng walang pagdadalawang isip, “Gabi”. Napatango naman siya sabay sambit, “Sabagay, bata ka pa kasi. Kung ako ang tatanungin, bukang liwayway.”
Bata pa lamang tayo, ginagawa nang panakot sa atin ang dilim. Madalas rin itong iugnay sa mga bagay na hindi kanais-nais tulad ng kalungkutan, pagluluksa, at maging kamatayan. Marahil ito rin ang dahilan kung bakit lagi nating sinasabi ang mga katagang “darating din ang liwanag o umaga” bilang simbolo ng pag-asa, nangangahulugang pasakit naman para sa kabilang banda.
Magmula noong araw na iyon, hindi na maalis sa aking isipan ang mga sinabi ng ginoo. Palagi rin akong napapatanong sa sarili ko, ano nga ba ang mali sa gabi? Kung tutuusin, ito ang pinakaangkop na bahagi ng araw upang mapagnilayan ang mga bagaybagay at makapag-isip-isip sa gitna ng katahimikan. Ito ang tamang oras upang ipahayag ang mga nararamdaman ng walang pag-aalinlangan sapagkat walang ibang saksi kundi ang sarili at buwan.
Napakahaba ng araw. Napakaraming nangyari. Napakagulo ng mundo. At lahat ng ito, nasaksihan natin sa ilalim ng liwanag. Kaya’t bakit tayo matatakot at bakit natin kailangang takasan ang gabi? Ito ang ating pahinga.
Kung mabibigyan man ako ng pagkakataon na makabalik sa araw na iyon at tatanunging muli ng kaparehong tanong ng ginoo, gabi pa rin ang isasagot ko. Para sa akin, ito ay simbulo ng katahimikan at pagninilay-nilay. Gaano man kagulo ang mundo, dulot nito ay panandaliang kapayapaan. Maituturing man itong katapusan ng araw, dito pa rin magsisimula ang mga pag-asa at pangarap na ating isasabuhay pagdating ng umaga.
