
3 minute read
Sino Ba Sila? /p
Sino Ba Sila?
Ashley Nicole Manalo
Advertisement
Tulad ng pagsilip ng huling yugto ng buwan tungo sa kaniyang kabuuan, ganoon din sana ang halagang makamtan ng bawat kababaihan. Hindi man buo ngunit sapat nang masasabi na may lugar sila para kumilos, magningning, at may kalayaang magbigay-liwanag hindi lamang sa katulad nila, kundi maging sa lahat. Sino man siya, saan man nagmula at ano man ang wika at kultura niya, ang magkaroon ng tinig para sa sarili at sa iba ay karapatan ng bawat babaeng may tapang at pangil na handang ipaglaban kung ano’ng para sa kanila at kaya nila.
Napatunayan na sa simula pa lamang. May matitibay na ebidensya ng kasaysayan, mga akdang naghahayag ng kanilang maningas na hangaring pangkabutihan, mga tangis at sakripisyo mailadlad lang ang dapat malaman, masaksihan at maunawaan ng bawat isa. Ang mga bitin at limitadong galaw, mga salitang pinakakawalan na animo’y kausap ng preso sa piitan, mga naka-matang tila mga guwardiya-sibil na maari kang putukan nang walang paalam, ‘walang pasabi na ako pala ay mayroon ng kasintahan?’ Ba’t ‘di nakarating sa akin ang ganoong impormasyon?
“Hindi ako na-inform.”
Mga nakabibiglang pasabi, mga ‘di inaasahang dikdik ng nakararami.
‘Sino ka ba para tumanggi?’, ‘Lalaki ka ba, ba’t umaasta ka’ng parang hari?’
Sino ka ba para maging isang edukado? Sapat na sa ‘yo ang maghugas ng mga plato.
Sino ka ba para maging isang inhinyero? Dapat sa bahay lang ang mga tulad mo. Sino ka ba para maging isang sundalo? Ang magluto ang dapat na iyong inaasikaso. Sino ka ba para maging isang manggagamot? Ang babae ang naglalaba ng mga damit at kumot. Sino ka ba para maging isang bumbero? Pandidilig ng mga halaman ang dapat na atupagin mo. Sino ka ba para maging isang piloto? Ang para sa iyo ay paglalampaso. Sino ka ba para maging isang pulis? Ang pagpapanatili ng kalinisan sa bahay ang dapat na nais. Sino ka ba para pangunahan ang masa? Nararapat ang iyong asawa.
Isang babae. At hindi babae lang. May sariling pang-unawa, damdamin at karapatan para pumili ng landas na lalakarin, plano sa buhay, pangarap, at may sariling armas sa bawat laban na kakaharapin sa napakalaki, napakaingay, napupuno ng husga at puna ng lipunan. Tila isang buwan na tanging nangingibabaw sa madilim na kalangitan, matapang na ipinamalas ang maibibigay sa mga taong nakatanaw, sa kabila man ng kakulangan magagawa niyang magbigay pag-asa sa iba na ‘di pa kayang magpakita at takot sa masasabi ng paligid niya. Tulad ng kalalakihan, kailangan din sila sa kahit saan mang sulok ng isang kapaligiran, sa kahit anong propesyon, sektor ng lipunan at maging sa isang kaguluhan. Matapang na haharapin ang hamon, mga unos, at mga pagsubok. Maipakita at maiparamdam lang na sila rin
ay maaaring sandalan, sanggalang at kakampi sa tama, makabuluhan at makatuwirang mga sandali. Na hindi lamang mga kalalakihan ang maituturing na ‘knight in shining armor’ ng bawat kababaihan. Kung minsa’y isang ina, ate, tiyahin, maestra at maging lola ang sasagip sa isang prinsesa mula sa kapahamakan at karahasan na natatamo niya mula sa mga taong kung dapat ay kanilang ‘knight in shining armor’ katulad sa mga nababasa. Tulad ng payapang buwan sa kalangitan, ang mga kababaihan ay may mga yugtong pinagdaraanan na sadyang sila lamang ang makakaramdam at makatitiis. Mga yugtong halos makita ang lahat sa kanila, ang kagandahan, katangian, kalakasan. Maging kahinaan nilang dala sa buhay, mga pagbabagong nais ay kabutihan, mga bagay na handa nilang pakawalan alang-alang sa kapakanan ng karamihan. Tulad ng paghanga ng lahat sa buwan. Ganoon din sana ang makamit ng bawat kababaihan sa sanlibutan. Ano man ang kulay, anyo, gaano man kadilim ang pinagmulan, gaano man kailap kung mamasdan, gaano man karami ang mga hadlang. Handa nilang ipaglaban at iwagayway ang lakas na kanilang tinataglay at ang lahat ng iyon ay nasa tamang oras, pagkakataon at may panahong nakalaan. Katulad nang unti-unting pagbilog ng buwan ay ang unti-unti ring pagkamit ng kababaihan sa mga bagay na dapat nilang matamo. Sino ba sila para hangarin ito? Babae sila, may boses at lakas ang bawat isa. Higit sa lahat, iyon ay karapatan at kalayaan nila.