2 minute read

Kalatas Ni Luna /p

Next Article
The En…- /p

The En…- /p

Kalatas ni Luna

Irish Shane Villavicencio

Advertisement

Para kay Mystika,

Habang tanaw-tanaw ka sa kalayuan, batid ko ang iyong nararamdaman. Hindi hadlang ang pagharang ng mga ulap sa kalangitan para mabasa sa iyong mga mata ang mga bagay na bumubulabog sa iyong katahimikan. Marahil naglalayag ka na naman sa maraming katanungan at sa mga bagay na ibinabato sa iyo ng lipunan. Pilit na inaalam alin sa mga tinig na narinig ang tunay na magpapakahulugan ng iyong katauhan. Magkaiba man ang mundo na ating ginagalawan, nais kong ipabatid sa iyo na ikaw ay hindi mag-isa sa laban. Sa bawat gabing binabalot ka ng takot at lungkot, nawa’y maalala mo lahat ng napagtagumpayan mo.

Kung walang araw na inilikha, sariling sinag ko sa mundo ay wala. Kagaya ko Mystika, ikaw ay hinugot sa bahagi ng naunang inilikha. Ngunit hindi ito nangangahulugan na sa lahat ng pagkakataon pumapangalawa ka sa pagiging mahalaga. Hindi rin ito isang paanyaya na maaari ka ng diktahan sa lugar na iyong ginagalawan. Hiningahan ka ng buhay dahil may kaakibat ka rin na tungkuling gagampanan sa ating lipunan. Ang pagiging babae mo ay hindi kapares ng salitang kahinaan. Kaya mo ding lumaban, tumayo at maninidigan sa mga bagay na pinaniniwalaan. Sa bawat daan na iyong lalakaran, batid ko ang takot na iyong nararamdaman. Sa bawat madilim na bahagi na iyong mapupuntahan ay nagbabadya ang kapahamakan dahil para sa iba mahina kang tingnan; ano mang oras ay laging maiisahan. Matapang ka, nagawa mo pa ring magpatuloy ng marahan hanggang makarating sa patutunguhan. Hindi rin ang kaanyuang hayag sa karamihan ang magdidikta ng iyong kagandahan. Hindi ang pagiging Maria Clara, ang saya o sutla ang maaaring magdikta kung sino ka nga ba talaga. May kolorete ka man sa mukha o wala at ano man ang hugis ng iyong katawan, nararapat kang respetuhin at pahalagahan. Hindi iba ang maaaring magdikta ng iyong halaga. Huwag kang panghinaan sa mga pagkakataong minamaliit ang iyong abilidad at kaalaman. Iwaglit ang mga tinig na nagsasabing madali ka lang palitan dahil pangkaraniwan lang ang iyong kakayahan. Kaakibat ng tungkulin, ikaw ay may karapatan din sa labas man o loob ng tahanan. Hindi kahit sino man ang maaaring maglimita kung hanggang saan lang ang iyong kaya.

Hindi madaling lakarin ang daan na puno ng pagdidikta, panglilimita at panghuhusga. Nais kong ipabatid sa iyong kahanga-hanga ka. Kahit sa mga pagkakataong hindi ka buo ay katanggap-tanggap ka. Kahit sa mga panahong hinahabol ka ng dilim, ikaw ay mananatiling nagniningning. May kakayahan ka na baguhin ang mundo at magbukas ng pinto para sa pagbabago. Magpatuloy ka, hanggang sa gaya ng buwan na tinitingala mo, mahahayag sa mundo na kaya mo ring magbigay ng liwanag sa naliligiran mo.

Lagi mong tatandaan, hayag man o tago ako sa likod ng mga ulap, patuloy pa rin akong makikinig sa mga sambit mong pangarap.

Lubos na humahanga at sumasaiyo, Luna

Larawang Kuha ni

Dominic John Musni

This article is from: