
3 minute read
Artikulo Uno... /p
Artikulo Uno: Karapatan sa Pagkakapantay-pantay
Jobelle Waje
Advertisement
Unti-unting napipinturahan ng pula, dilaw, at kahel ang malawak na kalangitan na nagmistulang kanbas ng isang mahusay na pintor. Marahang naglalaro sa hangin ang alinsangan ng takip-silim na bumubuhay sa hiwaga ng daigdig. May himig ang paglatag ng kadiliman na dahan-dahang sumasakop sa mga silahis ng liwanag. Sa paggulong ng oras sa pahat na kamalayan ay tuluyang nagapi ng kadiliman ang pulutong ng liwanag na marahas na kumakawala sa mga siwang ng ulap. At sa pag-unga nang malakas ni Kalakian sa tumana ay hudyat para sa natatanging obra ng gabi. Sinindihan ko ang maliit na ilawang langis na tangan ko mula pa kanina, at sa pagsirit ng liwanag nito ay nakita ko ang daan patungo sa ipokritong lipunan. “Simula na ng aking kakaibang paglalakbay…” Maingat kong inihakbang ang aking mga paa, ramdam ko ang paglapat ng putik sa aking hubad na talampakan. Malambot, kakaiba sa pakiramdam. Tinatanglawan ng munting liwanag na aking tangan ang aking dinaraanan, at sa paligid ay namamalas ko ang ilaw ng mga alitaptap.
“May kadiliman din ba sa liwanag ng mga alitaptap? At bakit nasa likod nila ang munting hiyas ng pag-asa?” Pasirko-sirko ang mga munting tala ng kalikasan sa papawirin na tila mga kawal na pasuong sa digmaan; digmaan ng liwanag at dilim ng katotohanan.
Dibuho ni
Angel Jhos Supan
“Ilang libong tao, tulad ng mga alitaptap, ang mayroon sa lipunan?” Sinundan ko ang mga bakas ng liwanag. May isang alitaptap na nawawala sa linya at pilit sinasalunga ang mainit na dapyo ng hangin. Nagsimula na ring magsayaw ang liwanag sa ilawang langis, na bahagyang sumasabay sa sistema ng karukhaan. “May nabubuong obra’t sining mula sa liwanag ng alitaptap at samyo ng kadiliman ng gabi. Ilang porsiyento ng liwanag ang kailangang tumanglaw sa lipunang ating ginagalawan upang makita ang hustisya?” Muling bumalik sa linya ang munting alitaptap, tila hindi kinaya ang singaw ng tigang na lupang punong-puno ng dugo’t pawis. Hindi sapat ang buwan sa kalangitan, tanging ang liwanag ng mga alitaptap at ilaw sa ilawang langis ang gumagabay sa aking tinatahak na daan. “Mabuti at narito ang mga alitaptap, nabuhay sila para sa kariktan ng gabi sa kabila ng mga kabi-kabilang karahasan.” Bahagyang tumigas ang aking nilalakaran, ramdam ko ang bako-bakong aspaltong sinira na ng panahon. Nakarating din ako sa mas maayos na daan, at sa ilaw na hatid ng mga alitaptap batid kong malayo-layo na rin ang kanilang nilakbay. “Huwag muna kayong mapupundi mga munting tala ng kalikasan, hindi ko pa nararating ang Palasyo…” Binilisan ko ang paghakbang dahil naririnig ko ang batas ng anino; batas na tagapangalaga sa magiting na Palasyo. Batas na minsa’y yumuyurak at pumapatay ng pagkatao. At sa bawat selyo ng lipunan sa dignidad ng mga nilalang, mas lalong lumalawak ang digmaan ng liwanag at dilim.
“Iligtas mo ako Kapayapaan… sa kadiliman ng mundo.” Nagtipon-tipon ang mga alitaptap sa saliw ng mapaglarong hangin. Lumikha ito ng pintuan na tila isang portal upang marating ko ang Palasyo. Sa paglalim ng gabi, ay mas lalong nagliliwanag ang mga alitaptap at ang tangan kong ilawang langis.
“Narito na ang berdugong batas na pumapatay ng pagkatao!” Mabilis akong pumasok sa portal na nilikha ng mga alitaptap at malakas hinipan ang apoy sa ilawang langis upang bigyang laya ang kalayaan. Umalimbukay sa ere ang mga dahon na lumikha ng munting ipo-ipo at inangat ako sa papawirin. Pagbaling ko sa ibaba, nakita ko ang nakangising Batas ng Palasyo. Ilang sandali pa’y nagsara ang portal at nilamon ako ng kadiliman. Sa pag-aagaw ng liwanag at dilim sa mahiwagang daigdig nakita ko sa bukana ng Palasyo ang hinahanap kong magsasalba sa nakaraan at kasalukuyan. At sa tanglaw ng liwanag ng mga alitaptap at ng mapulang buwan ay aking namalas ang nakaratay, nanghihingalo’t nag-aagaw-buhay na Hustisya ng Lipunan.