19(20)6(1)8 Manalig ka sa kanya ni sa panahon ng mararahas at madudugong bigwas
ng minsa’y nalilitong sarili
at desperadong kaaway sa uri; kahit pa nagsimula s’ya sa iilang mapandigmang kalansay ngayo’y wari na sa buhangin
sa dalampasigan ang dami nila; at sa gaya n’yang muog
ang malawak, masukal, matalahib bato-bato, maputik, maalikabok, at bulubunduking kanayunan,
kakailanganin pa n’yang mag-ipon
ng mala-buhawi at mala-daluyong na lakas nang maganap ang kagilagilalas at magnipikong taglagas sa hinaharap sa kanyang masining na kumpas; ang ginintuang limampung taon
ngayo’y maaaring katumbas lamang ng sangkapat ng anim na daang taong pagkakatulog
ng Bulkang Pinatubo bago ito sumabog noong dekada-otsenta
nang kanyang ihandog ang siklong bumulabog sa mga gising na tulog
sa Silangan ng mundong bilog. Enero 14, 2019 Lungsod Quezon, Maynila *Nalathala sa pahayagang PinoyWeekly noong Pebrero 3, 2019.