
1 minute read
Tatlo
Sa lansangan sila’y nag-aabang, naghihintay ng masasakyan. Sa mga gubat sila ay umaaligid, nagmamasid sa ligaw at sawi. Sa ilalim ng hukay sila ay namamahay, nagpaparamdam upang hindi gambalain.
Batid ang lungkot, takot, galit, at hinagpis. Bangkay na walang kaluluwa. Multong hindi mo na masasagip.
Advertisement
Wag kang maingay. Ipikit ang iyong mga mata. Bumilang ka ng tatlo, at mawawala rin sila.
Isa. Dalawa.. Ngunit hindi ako marunong magbulag-bulagan...
Sa lansangan ako nag-aabang, naghihintay ng masasakyan, umaasang ako ay mapuruhan. Ngunit sa tunog ng preno at busina, ako’y bumabalik sa katinuan; agad tatabi sa daan, sabay paumanhin lamang.
Sa gubat ako ay umaaligid, mag-isang naglalakad, nakamasid sa paligid. Nais kong mapahamak, matuklaw, maligaw sa mga pasilyo ngunit sa biglang pagkampana, lahat ay pumila na papasok sa mga silid. Mahinang bulong, taimtim ang dasal: sana ako ay makapasa man lang.
Sa ilalim ng hukay gusto kong ako’y matagpuan nakalibing sa galit, paghihirap, sakit, at kalungkutan. Gusto ko na lamang mahulog sa kadiliman, ngunit dahil sa pamilya’t kaibigan, ako’y pilit tumatahan. Kailangang tumahimik at baka baliw ako’y mapagkamalan.
Huwag na lang daw akong mag-ingay. Ipikit ko na lang daw ang aking mga mata.
At bumilang ako ng tatlo.
Gusto kong mawala ang lahat ng ito.
Isa. Dalawa.. Ayaw ko na...
Ako ay malungkot, takot, galit, may hinagpis. Taong walang kaluluwa. Multong maaari mo pang masagip.