3 minute read

Huwag kang Pumikit, Maria

Ika-30 ng Oktubre , 1998 Hatinggabi na at ilang beses ko nang sinubukang ipikit ang aking mga mata. Simula noong una ko siyang makita, hindi na ako makatulog nang mahimbing. Hindi naman dapat ganito. Sa nakaraang linggo, isang beses lamang siyang nagparamdam. Ngayon, gabi-gabi ko nang naaamoy ang mabahong usok ng kanyang tabako, at mas naaaninag ko na ang kaniyang hulma– mahabang mga paa, at malaking mga hita. Pumipirmi sa pinaka-tuktok ng kahoy ng mangga, walang sinasabi ngunit kung makatitig, tila’y may mensaheng nais ipahiwatig. Ano iyon, Kapre? Bakit kahit anong subok ko ay ayaw mo akong patulugin? Alas dos na nang madaling araw, wala na si Kapre pero nanatili ang amoy ng kaniyang usok. Pilit ko pa ring pinipikit ang aking mga mata ngunit ilang sandali pa ay namulat ulit ako nang binuksan ni Aswang ang aking bintana. Bukod sa mukha niya, natakot ako sa kaniyang kayang gawin. Sa kuwento ni Mama, kumakain daw sila ng lamang-loob. Pero bakit ganito? Kaya ko namang gumalaw, ngunit parang wala akong kayang gawin. Buhay ako pero pakiramdam ko wala na akong silbi. Aswang, lamang-loob lang ba ang kinukuha mo o pati na rin ang aking pagkatao? Naaalala mo ba si Dodong? Yung manliligaw na sobra kung magpadala ng mga regalo, pero tinanggihan ko? Dumadalas na ang pag-aalala ko sa mga tao mula sa aking nakaraan, at sumasagi sila sa isip ko tuwing alas tres ng madaling araw. Tiyak na isa lang ang dahilan nito, gayuma ng Mambabarang. Siguro dinasalan niya ang kaluluwa ko para matutunan ko nang mahalin at pahalagahan si Dodong. Hindi siya mawala sa isip ko. Ilang minuto na akong nakapikit pero mukha lamang niya ang nakatatak sa aking utak. Kumusta na kaya siya?

Lalong kumulo ang langis na ibinigay ni Lola. Pagpatak ng alas kwatro ng madaling araw madalas dumalaw si Sigbin. Hindi ko man makita ang paniki nitong mukha at mala-asong pangangatawan, alam ko na nandito na siya sapagkat bigla akong nakaramdam ng matinding lungkot at galit. Nainis ako sa aking sarili, at pinagsisihan ang mga maling desisyong bunga ng aking pagkamayabang. Tunay na minahal ako ni Dodong pero binalewala ko lamang siya. Bigla ko ring naalala ang aking paglisan sa aming tirahan dahil sa paglaki ng aking ulo. Ngayon ako ay mag-isa. Tinalikuran ako ng mga tinuturing kong kaibigan, at ipinagpalit ko ang totoong pagmamahal para sa buhay na walang kasiguraduhan. Pwede ko pa kayang ayusin ang nakaraan?

Advertisement

Si Manananggal ang pinakahuling dumalaw at ang pinakaunang umalis. Saktong alas singko ng madaling araw siya dumarating, nananakot ng tatlumpung minuto, at aalis din. Takot siya sa araw, gaya ko. Tuwing gabi lamang ako kumakalma. Hudyat ang gabi sa pagtatapos ng isa na namang araw, isang araw na aking nalampasan. Hindi ko maipaliwanag ang takot na bumabalot sa aking katawan sa tuwing sisilay na naman ang araw. Panibagong pagsubok na naman, ngunit hindi ko alam kung matitiis ko ba ang aking sarili hanggang gabi. Hinihintay ko pa ring magmilagro at nawa’y maging matapang na ako sa bawat pagsikat ng araw. Sa muli ay pilit kong pinikit ang aking mga mata, nagbabakasakali na sapagmulat ko, wala na sila. -Maria

Ramdam ko ang pagtulo ng aking pawis. Nanaginip ako na gabi-gabi akong dinadalaw ng masasamang nilalang. Takot na takot sa tuwing nakikita at nararamdaman ko sila, buti nalang at– alas dose pa lang pala? Ang ibig sabihin… totoo nga sila. Jusmiyo, paano ko ba sila kakalabanin? Pilit kong iniisip ang nararapat kong gawin.

Sa tamang disiplina sa pagtulog ay maaari kong labanan si Kapre. Pagbubutihan ko na rin ang sariling mga kakayahan upang lumayo si Aswang. Siguro, kailangan kong kumustahin ang ibang mga tao at makipag-usap sa kanila para lubayan ako ng Mambabarang. Nawa’y mapaalis ko rin ang Sigbin kapag matutuhan ko nang tanggapin ang mga pagkakamali ko sa nakaraan. Lalakasan ko rin ang panalangin upang maitaboy ang Manananggal.

Sa pagmulat ng aking mata sa panibagong gabi ng kababalaghan ay pinapaalala ko sa aking sarili na pwede ko silang katakutan bagama’t pwede ko rin silang harapin. Babangon na ako. Alam kong kaya ko silang kalabanin dahil bukas at sa makalawa, mawawala na ulit sila.

This article is from: