1 minute read

Pagdilat ni Sitan

Sa pagmulat ng mga matang nakamatyag sa Kasanaan,

Dumampi sa akin ang galak bagkus taga-lupa’y nasilayan

Advertisement

Ako’y napaisip habang sila’y nagnanamnam sa sigla

Ako kaya’y naaalala pa?

Habang ako’y nakamasid sa yapak ng iilan,

Kapansin-pansin ang pagkagambala ng sangkatauhan.

Umalingawngaw ang pagsigaw “Huwag buksan ang lagusan!”

Huwad na pinuno’y naging bingi, ngayon taumbayan ay nabalot ng pighati.

Pilit kinalampag ang pusong bato ng mga naghahari-harian,

Subalit sila’y bigo at nanaig ang ikinukubling kasakiman.

Nasaan ang panangga? Bakit tila’y mga burgis ang inuuna?

Kalasag ay ipinagdamot kaya’t mga sugata’y nagmamakaawa.

Hindi maitago ang aliw nang itinuon ko ang paningin sa kabilang dako,

Imahe ng pagtangis at pagkalugmok ng kanilang mga puso.

Lunas na hinihiling sa mahapding kasalukuyan,

Di wari ng mga mortal ang pagtukoy ng kasangga o kalaban.

Kailan kaya hihinto ang galamay ng orasan?

Bakit tila ni anino’y di na maaninagan?

Daliri’y di na makagalaw bunsod nang walang humpay na pagbibilang,

Nakamaskarang hari, nasaan na ang pangako mo sa mamamayan?

Sa aking mga nasaksiha’y di ko magawang ipikit ang mga mata,

Ramdam sa halakhak ang tamis ng aking pagwagi at pagkatuwa

Mga nilalang, halina’t mangyaring dinggin ninyo ang aking diwa,

Ipagpatuloy niyo lamang iyan,

Nakahanda na ang mga upuan sa tabi ni Sitan

This article is from: