3 minute read

Hiwaga ng Takipsilim

Next Article
Nasalaag

Nasalaag

Magulo, tila’y sinakop ng dilim ang mga kalangitan.

Masalimuot at kahindik-hindik, walang mapagsidlan ang galit.

Advertisement

Ang buong daigdig ay naging saksi sa isang malubhang digmaang naganap sa bulubundukin ng Arayat at Pinatubo.

Dumagundog ang sangkalangitan at nayanig ang sangkalupaan nang isinumpa ng dalawang makapangyarihang diyos na sina Sinukuan at Malyari ang isa’t isa.

At sakop ng sumpaang ito ang isang pag-iibigang pilit tinututulan ng langit at lupa.

Malamig ang hanging humaplos sa mala-porselanang balat ni Sisilim habang siya’y nakaupo sa tabi ng ikapitong ilog sa paanan ng Pinatubo. Tahimik siyang nagmumuni-muni, pilit pinapatahimik ang mga boses sa kanyang isipan. Pakiramdam niya’y may makakarinig sa mga hinaing at palaisipan na kanyang ikinukubli.

May kakaiba sa muling pag-ihip ng hangin kaya’t napagtanto niyang hindi na siya nag-iisa. Ilang sandali pa’y nakarinig siya ng mga yapak ng paa at naalarma ang kanyang pandama.

“Tila’y nabagot ang dalaga ni Apung Malyari.” Pagbati ng isang boses mula sa kanyang likuran.

Huminahon ang loob ni Sisilim nang marinig ang boses na iyon. Hindi na niya kinailangan pang lingunin kung sino ang dumating sapagkat tinig pa lamang ay pamilyar na.

Higit na pamilyar—ani mo’y may mahikang taglay sapagkat nilunod nito ang ingay ng mundo ni Sisilim.

“Nag-iisa ka yata, hindi ka ba natatakot? Mapanganib sapagkat malayo ka sa inyong kaharian, mahal na prinsesa.” Panunukso nito.

Hindi na pinansin ni Sisilim ang pang-aasar sa tono ng mga salita at sa halip, gumanti pa ito.

“Kung mayroon mang nanganganib sa ating dalawa, ikaw iyon Gatpanapun. Hindi ka ba natatakot at naririto ka sa teritoryo ng mortal na kaaway ng iyong ama?”

Si Gatpanapun ang makisig at mapanuksong diyos ng pahinga at libang; ang bunsong anak ni Aring Sinukuan ng Arayat.

Batid ang biro sa paghahamon ni Sisilim kung kaya’t hindi man lang nag-alala ang diyos bagkus ay lumapit pa ito sa diyosa.

“At sino ang magiging banta sa aking buhay? Ikaw, Sisilim?” panunukso pa ni Gatpanapun. Humawak siya sa kanyang dibdib na parang nabigla at dumugtong: “Matatalo mo kaya ako sa duwelo, aking tinatangi?”

Humarap si Sisilim sa kaniya at itinaas ang isang kilay. Pilit niyang itinatago ang ngiti at aliw na sumisilay sa kanyang labi.

“Ako ba’y minamaliit mo, lapastangan? Baka nakakalimutan mong minsan na kitang muntik mapaslang sa kagubatang ito?” Humalakhak ng malakas si Gatpanapun at hindi na rin nagpigil pa si Sisilim.

Saksi ang mismong lugar na ito sa unang pagtatagpo ng dalawang itinadhana ngunit pilit pinaglalayo ng pagkakataon.

Siglo na rin ang lumipas matapos naganap ang digmaan sa pagitan ng kanilang mga ama. Pero siglo man ang nagdaan, hindi nagmaliw ang galit at poot ng dalawang diyos sa isa’t-isa.

Batid ito ni Sisilim at ni Gatpanapun, lalong-lalo na si Gatpanapun na minsan nang maparusahan nang mahagilap ito sa lupain ng Pinatubo. Alam ng diyos kung gaano ka delikado ang pagtapak niya rito dahil sa mga matang nakamasid sa kanila.

Ngunit hindi ito naging dahilan upang hindi hamakin ng dalawa ang takot at panganib para sa pag-iibigan nilang tutulan man ng langit at lupa, ay siya namang may basbas ng tadhana.

Sa isang kumpas ng kamay ni Gatpanapun, nag-iba ang tagpuan. Dinala silang dalawa sa pamilyar na dalampasigan, sa harap ng palubog na araw. Tahimik ang kapaligiran at tanging ang kalmadong paghampas ng alon sa buhanginan lamang ang kanilang naririnig.

Ito ang kanilang sikretong tagpuan. Dito, hindi sila anak ng dalawang makapangyarihang diyos. Dito, sila’y sina Sisilim at Gatpanapun lamang.

“Nakabibighani ang dapithapon,” Mahinang sambit ni Sisilim habang nakatitig sa nag-aagawang kahel, rosas, lila at bughaw sa langit. Ngumiti ito, ninanamnam ang mga nakaw at lihim na sandaling kapiling niya si Gatpanapun.

Napalingon naman sa kanya si Gatpanapun. Mapupungay ang mata ng diyos, tila’y kinakabisado ang hulma, bawat linya, at hugis ng mukha ng kanyang iniirog.

Sa takipsilim hinango ang ngalan ni Sisilim at gaya ng kapayapaang hatid ng takipsilim, siya ang naging pahinga ni Gatpanapun.

“Siyang tunay,” tugon nito habang nakamasid pa rin sa wangis ng diyosa, puno ng pagmamahal at pananabik. “Sadyang mahiwaga ang takipsilim.”

This article is from: