
6 minute read
Gawain sa MASIPAG National Back Up Farm, hindi natinag ng pandemya
Sa traysikel na ito inilalako ni Tay Teddy Orquia ng Infanta, Quezon ang tanim ng KOMBA, ang kanilang samahang magsasaka sa lugar.
Ang krusyal na papel ng pagsasapamilihan sa panahon ng pandemya ni Ryan D. Damaso
Advertisement
Totoong sa panahon ng kagipitan at krisis lalong lumalabas ang pagmamahal sa kapwa ng mga Pilipino. Talaga namang punong-puno ng ganitong enerhiya ang mga maralitang magsasaka sa bansa.
Bukod sa pagtugon sa kakayaning tulong sa mamamayan at pagsiguro ng sariling suplay ng pagkain, panawagan din ng MASIPAG Luzon sa pagpasok ng pandemya na tiyakin ang nutrisyon o kalusugan at dagdag na kita para sa pamilya ng mga kasaping magsasaka nito. Kaya’t naging susing kawing dito ay ang pagpapatuloy ng produksyon sa sakahan at ang pagpapatibay o pagbubuo ng mga bagong lokal na pamilihan.
Halos hindi pa nauubos ang mainit na kape na pinagsasaluhan ng pamilya ni Tay Lauro “Larry” Diego, mula sa pamilya ng maliit na magsasaka ng Barangay Duale, Limay, Bataan, sabay-sabay nang lumusong ang mag-anak sa bukid upang umani at pumitas ng mga gulay na tanim nila sa kanilang munting bukid. Si Tatay Larry ay kasapi ng DUMAOFA o Duale Masipag Organic Farmers Association.
Hindi kakaiba ang pamamaraan ni Tatay Lauro sa kanyang pagtatanim at pag-aalaga ng gulay at halaman. Sa isang plot bed ay makikita ang samu’t saring tanim gaya ng letsugas sa pagitan ng spinach, sibuyas at saluyot, na tinawag niyang Bio-Intensive Gardening na multiple cropping o mix cropping na nakapaloob sa companion planting, relay planting at integrated planting. Ginagawa niya rin ang crop rotation para mahinto ang peste sa halaman at mapanumbalik ang sustansya at taba ng lupa dahil sa kanyang obserbasyon, may mga halaman na malakas kumain ng sustansya ng lupa, mayroon ding katamtaman lamang, at may mga halaman ding nagbabalik ng sustansya sa lupa gaya ng mga legumbre.
Sa kanyang garden makikita ang iba’t ibang uri ng gulay at ibat ibang root crops gaya ng kamoteng kahoy, baging at gabi. Sa itaas naman na bahagi ay ang mga prutas at punong kahoy.
Ang Diversified Integrated Farming System
Malaki ang kinalaman sa pananagumpay ng marketing ng isang magsasakang organiko ang sistemang sinusunod sa pagsasaka. Kaya para sa MASIPAG farmer gaya ni Tay Larry, DIFS ang pinakaakma at lapat sa kanilang kalagayan. Ang tanimang bukid ni Tay Larry ay hindi lalaki sa tatlong-ektaryang bukid at hindi kanila, pagkat binubuwisan lamang ito ng kanyang pamilya mula sa may ari na nakatira sa ibang lugar. Kasama sa maliit na sakahang iyon ang mga alagang hayop gaya ng mga kambing, kalabaw, native na manok, native na baboy at isda. Kayang kayang pagtuwangan nilang pamilya ang pangangasiwa sa kanilang bukid.
Bayanihan at tugon ng mamamayan
Dahil hindi napaghandaan ng pamahalaang Duterte ang COVID-19, mas marami pang problema ang nabuo. Isa na rito ang restriksyon sa galaw ng mga tao. Marami ang hindi na makapagtrabaho at nawalan ng kita sa araw-araw na nagdulot ng kakapusan sa akses at suplay sa pagkain. Kaya maagap na nanawagan ang MASIPAG Luzon sa kanyang mga kasaping samahan na makibahagi at makipag-bayanihan para sa mga kapwa magsasakang naiipit sa lockdown, lalo na ang mga mamamayang hindi nababahaginan ng maagap at episyenteng ayuda o tulong mula sa nasyunal o lokal na pamahalaan.
“Ang anak kong may tindahan ang pinakiusapan namin ni Brod Dino (Aladino) na magtinda, pero ang mahigpit naming bilin ay babaan ang presyo at huwag nang tutubuan pa. Siguradong malaking tipid ito lalo sa mahihirap na pamilyang kailangan ang pagkain ng gulay.”
Kahit sa panahon ng kagipitan, kakayanin ng kapwa na makatulong sa iba kahit pa sa maliit na bagay. Habang nagtutulungan, napapatalas
pa ang mga prinsipyong gabay at teknika na itinataguyod sa pagsasaka at nabibigyan mo ng klarong balidasyon ang saysay ng gawaing likas-kayang pagsasaka para sa maliliit na magsasaka.
Iba pang halimbawa sa Quezon, Nueva Vizcaya, at Benguet
Bukod sa DUMAOFA ng Bataan, sinikap din ng KOMBA sa Baranggay Agos-agos, Infanta, Quezon na makatugon sa panawagan.
Bago pa ang ECQ, karamihan sa mga kasapi ay katatapos lamang umani ng kanilang mga tanim na palay, habang nagkonsentra ang ibang kasapi sa mga backyard gardening at gulayan. Makalipas ang lockdown, naani na ang mga tanim na gulay. Subalit, naging problema naman ang pagbebenta dahil nahirapan nang dalhin sa bayan ang mga produkto. Bukod sa binabarat sa pamilihan, kinailangan din ng papeles upang makalusot sa mga checkpoints ng pulis at militar.
Sa kanilang mga konsultahan, nagboluntir si tatay Teodorico “Teddy” Orquia na kunin ang mga naaning gulay ng mga kasapi ng KOMBA at ilako sa barangay gamit ang sariling tricycle. May tindahan din siya papasok sa kanilang barangay na pamilihan ng mga gulay ng kanilang kapitbahay at ng mga mamimili mula sa karatig barangay. Ang iba naman ay kanyang binebenta sa karatig barangay gamit ang lumang sasakyan.
Naging kagila-gilalas naman ang karanasan ni Tatay Basilio Prado, lider ng SJOFA sa Solano, Nueva Vizcaya. Mismong sa kanilang barangay covered court sa San Juan siya naglatag ng paninda na sariwa at organikong mga gulay. Sinuportahan ito ng kanilang Barangay Kapitan bilang pagtugon sa panawagan ng LGU ng bayan na iwasan ang paglabas ng mga tahanan at komunidad upang hindi na mahawaan ng bayrus.

Dinadala naman ni Priscillo Bumatay, o mas kilala bilang Tatay Silong, sa palengke ng Bagabag, Nueva Vizcaya ang kanyang mga produkto. Subalit dahil sa kanyang edad na 80, ibinebenta na lamang ni Tay Silong ang kanyang mga gulay ng wholesale (maramihan) upang makaiwas sa pagtagal sa palengke at makauwi agad.
Sa Tuba, Benguet, ang mga sertipikadong organikong gulay ay naibebenta ng mga magsasaka sa pamamagitan ng text messages. Iniaalok ng mga magsasaka ang gulay at dito na rin pipirmihin ang pagdedeliver at pagbayad.
Maraming naging paraan ang mga magsasakang MASIPAG kung paano makatulong sa mga kababayan habang natutugunan ang sariling pangangailangan.
Upang makatulong sa kapwa maralita na nahirapang maghanapbuhay dahil sa lockdown, binabaan ni Tatay Larry at kapatid na si Aladino ang presyo ng kanilang binebentang gulay.
Nabuo rin ang mga bagong lokal na pamilihan, na may malaking potensyal na maibenta ang kanilang sariwa at organikong tanim.
Mga dapat pang kamtin
Bagamat malaki ang naitutulong ng mga gawaing ito ng mga magsasaka, kailangan pa rin ng mas malaking suporta, angkop at malinaw na polisiya, plano, at istratehiya sa pagkain, kalusugan at pamilihan laluna sa panahon ng pandemya. Dapat ito ang isa sa pangunahing tinutugunan ng pamahalaan.
Nananatili ang pangangailangan ng libreng mass testing; ayuda, hindi pautang, sa sektor ng agrikultura; pagpapahinto sa mga antimagsasakang polisiya tulad ng Rice Liberalization Law at TRAIN Law; pagpapalakas sa maka-magsasakang programa katulad ng organic agriculture at higit na pagbubukas sa mga lokal na pamilihan at kakayahan ng mga samahang magsasaka sa gawaing pagsasapamilihan ng kanilang mga produkto at ani, upang masiguro ang pagkakamit ng mga maliliit na tao sa kasapatan sa pagkain na ligtas at abot-kaya para sa lahat, may pandemya man o wala. •


(Kaliwa) Ipinakita ni Tatay Silong ang kanyang gulayang naka-DIFS. (Gitna) Ang munting tindahan ng gulay ni Tatay Basil sa barangay covered court sa San Juan, Solano, Nueva Vizcaya. (Kanan) Si Tatay Larry sa harap ng tindahan ng kanyang anak sa Limay, Bataan. Dito nila ibinebenta ang kanilang mga aning gulay.
