KMC MAGAZINE JUNE 2016

Page 8

cover

story

Alamat Ng Bulkang Mayon Noong unang panahon may isang Raha na nakatira sa Albay na ginagalang at sinusunod ng lahat, siya ay si Raha Makusog. Ang nasabing kagalang-galang na Raha ay may isang anak na dalaga na kilala sa bansag na Daragang Magayon (Dalagang Maganda). Si Daragang Magayon ay nagtataglay ng kakaibang kagandahan at kabaitan na siyang hinahangaan ng lahat ng mga kalalakihan. Upang masulyapan ang natatanging ganda ng dalaga, dumarayo pa ang mga ito sa Albay. Kabilang na rito ang mga anak ng Raha mula sa Camarines Del Norte, Camarines Del Sur, Catanduanes at Sorsogon. Kalat na kalat na sa buong kabikulan ang nababalitang kariktan ni Magayon at may isa pang binatang nakasagap ng nasabing balita na nagmula pa sa napakalayong lugar ng katagalugan sa Quezon. Ang binatang iyon ay si Ulap na anak din ng isang Raha sa Quezon. Si Ulap ay isang manunudla ng mga hayop na napadpad sa kagubatan ng Bicol. Nabalitaan ni Ulap na naglalagi ang dalaga sa batis ng Rawis upang maligo kasama ang iba pang naggagandahang dilag kaya inaabangan niya ito palagi upang masilayan man lamang ang kagandahan ng dalaga. Hanggang sa dumating ang isang araw na nakatulog siya sa kagubatan, nang may naririnig siyang halakhakan ng mga babae na nagpagising sa kanya. Nakita niya ang mga naggagandahang mga dilag na nakatampisaw sa tubig kasama ang isang dalagang may natatanging ganda at iyon ay si Magayon. Gustung-gusto na sanang makipagkilala ni Ulap kay Magayon ngunit nag-aalala ito na masabihan ng pangahas ng dalaga. Nag-aantay na lamang ng tamang pagkakataon si Ulap upang malapitan at makausap si Magayon. Isang araw napansin niya na may mga binata na nagsiligo sa batis ng Rawis kaya nakiligo na rin siya at nagbakasakaling mapansin ng pinakamamahal niyang si Magayon. Naging madalas ang pakikiligo nito kasama ang mga kabinataan. Nang minsang namahinga si Ulap sa talampas, nakita niyang paakyat si Magayon. Habang minamasdan ang dalaga biglang napansin ng binata na may malaking ahas na gumagapang sa damuhan patungo sa nilalakaran ng dalaga. Agad tumakbo si Ulap para saklolohan ang kanyang pinakamamahal. Sa isang idlap lang ay natapyas niya ang ulo ng ahas na nangisay sa paanan ng dalaga. Nagpasalamat ng lubos ang dalaga sa ginawang pagligtas sa kanya ng binata at iyon ang naging daan upang mapakilala ng maayos ni Ulap ang kanyang sarili kay Magayon. Mula noon ay palagi na silang nagkikita at pawang mga sariwang prutas ang inihahandog ng binata sa dalaga. Noong una, inakala ni Daragang Magayon na isa lamang ordinaryong mamamayan si Ulap sa kanilang bayan dahil hindi ito kinakikitaan ng anumang yabang sa katawan. Kalaunan, ipinagtapat din ni Ulap ang katotohanan na anak din siya ng

8

isang bantog na Raha sa Tayabas, Quezon nang ito’y mapaamin sa kwentuhan. Dahil dito, lalong napahanga si Daragang Magayon kay Ulap sa ipinakita nitong pagpapakumbaba. Sa nalaman ni Daragang Magayon, hindi niya maiwasang maikumpara si Ulap kay Raha Iriga na isang matandang balo na pinuno ng Camarines Sur at nanliligaw sa kanya. Kung hindi nakikitaan ng anumang yabang si Ulap ay siya namang kabaliktaran ng ugali ni Raha Iriga. Si Iriga ay napakayabang, maluho, kinatatakutan ng lahat dahil sa kawalan nito ng katarungan, magnanakaw at puno ng kasamaan. Hindi nagtagal, mas pinili ni Daragang Magayon si Ulap at naging magkasintahan ang dalawa. Upang

mapatunayan na masidhi ang pagmamahal ni Ulap kay Daragang Magayon, pinagsadya niya sa kaharian ang ama nito at malakas na itinulos ang matulis na sibat. Iyon ang naging hamon sa sinumang nais magpahayag ng pag-ibig kay Daragang Magayon. Humanga sa tapang ni Ulap si Raha Makusog. Bukod dito, napansin din ni Raha Makusog ang pagiging magalang nito. Nag-usap sila at pumayag si Raha Makusog na makasal ang kaisa-isang anak na si Daragang Magayon kay Ulap at itinakda nito ang kasal sa kabilugan ng buwan, matapos ang anihan. Kaya agad na nagpaalam si Ulap kay Raha Makusog na papupuntahin niya ang kanyang mga magulang upang pormal nitong hingin ang kamay ni Daragang Magayon. Pumayag naman agad si Raha Makusog. Agad namang nabalitaan ni Raha Iriga ang nalalapit na pamamanhikan at kasalan. Habang papauwi si Ulap upang sunduin ang mga magulang ay nilusob ni Raha Iriga ang baranggay ni Raha Makusog. Bilang paghihiganti ni Raha Iriga, binuhay niya si Raha Makusog at ginawang alipin. Itinakda niya ang kasal nila ni Magayon sa pagbibilog ng buwan. Hindi

KMC KaBAYAN MIGRANTS COMMUNITY

pumayag si Magayon ngunit naging matuso si Raha Iriga. Ipapapatay raw niya ang ama ni Magayon kung hindi ito pakakasal sa kanya. Walang magawa si Magayon kaya taimtim nalang itong nanalangin na sana dumating na ang pinakamamahal niyang si Ulap bago pa man dumating ang nakatakdang kasal nila ni Raha Iriga. Sa tahanan naman ni Ulap ay abala ito sa paghahanda kasama ang kanyang mga magulang para sa pamamanhikan niya kay Daragang Magayon nang biglang ibinalita sa kanya ang sinapit ng dalaga at ng ama nitong si Raha Makusog. Galit na galit si Ulap sa kanyang nabalitaan at agad niyang isinama ang mga kawal para iligtas sina Magayon. Sa paghaharap nina Ulap at Raha Iriga ay nagtagisan sila ng lakas sa lakas. Sa huli ay nanaig din ang kabutihan sa kasamaan. Napatay ni Ulap si Raha Iriga sa pamamagitan ng kanyang malakas na pagtaga nito. Walang mapagsidlan ng tuwa si Daragang Magayon kaya tumakbo ito papunta kay Ulap upang yakapin ito ngunit sa kasamaang palad ay tinamaan ng ligaw na sibat sa dibdib ang dalaga mula sa isa sa mga kawal na naglalaban-laban. Nabigla si Ulap sa nangyari at yumakap sa pinakamamahal niya. Hindi na nagawa pang magpaalam ng dalaga sa kanyang minamahal dahil sa bilis ng pangyayari ay sinugod naman si Ulap ng isa sa mga tagapagtanggol ni Raha Iriga at tumama sa kanyang dibdib ang isang sandata na may lason. Nang makita ito ni Raha Makusog ay agad naman nitong tinapyas ang ulo ng lalaking gumawa ng katampalasan kay Ulap. Natalo ang ilan sa mga tauhan ni Raha Iriga ngunit ang karamihan sa mga ito ay sumanib sa grupo ni Raha Makusog dahil naniniwala pa rin ang mga ito sa kapayapaan, katarungan at pag-iibigan. Sila ay nagsiluhod at nagpaampon sa mga matatapat na kawal ni Raha Makusog na inaalalayan ng mga mandirigma ni Ulap na nagmula pa sa katagalugan. Ang masaya sanang kasalan ay nauwi sa pagdadalamhati. Yumuko na lamang si Raha Makusog at iginalang ang mga nangyaring itinakda ni Bathala sa dalawang magsing-irog. Pinagsama nito ang bangkay ng dalawa sa lugar na malapit sa batis ng Rawis kung saan una silang nagkakilala, bilang pagbibigayhalaga sa yumao nitong anak at sa wagas na pagiibigan ng dalawa. Taun-taon ay kapansin-pansin na tumataas ang lupang pinaglibingan ng dalawa at sa kalaunan ay lumaki ito at naging isang bundok. Bilang pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig na inialay kay Daragang Magayon, tinawag itong Bundok ni Daragang Magayon na ngayon ay naging Mayon. Ayon pa sa mga matatanda, sa tuwing dumidikit ang maninipis na ulap sa tuktok ng Mayon ay hinahalikan ni Ulap ang pisngi ni Magayon. Kapag marahan namang dumadaloy ang ulan sa paligid ng bundok, tanda raw ito ng pangungulila ni Ulap sa pagmamahal kay Magayon na hindi nabigyan ng katuparan. Sa kasalukuyan, patuloy pa ring ipinagmamalaki ng mga taga-Albay ang isa sa pinakamagagandang bulkan sa Pilipinas, ang Mayon Volcano. KMC

JUNE 2016


Turn static files into dynamic content formats.

Create a flipbook
Issuu converts static files into: digital portfolios, online yearbooks, online catalogs, digital photo albums and more. Sign up and create your flipbook.