Sa mga pahina ng ika-15 na paglalathala ng Pananaw, pinatunayan at ipinagpatuloy ng mga may-akda ang makasaysayang gampanin ng sining at panitikan sa Pagtatapat ng Hinaharap. Pagtatapat bilang pag-amin ng mga kakulangan sa nakalipas na panahon at pagiging tapat sa katotohanang di mapasusubalian upang maging gabay sa kasalukuyan at hinaharap. Matatas na binaybay at iginiit ng mga may-akda ang makatotohanang kasaysayan at inilarawan ang mga kinabuksan na nakaugat dito. Imbis na sayangin ang ating oras sa paghihintay ng kalalabasan ng hinaharap na magbubunga sa ating kasalukuyang kalagayan, tayo mismo ang nakilahok sa pagbuo nito.