Hindi pa ganap na ligtas ang kapaligiran. Wala pa ring gamot na magbibigay-lunas sa karamdaman ng mundo. Mapapansin mo rin na hindi na gaanong iniinda ng patapos na termino ng gobyerno ang pagtuklas sa kung anong mabisang makagagaling hindi lang sa pandemya, kung hindi sa bumabagsak nating ekonomiya. Mas rinig ang ingay ng mga kandidatong naghahangad makaupo sa pwesto, kaysa sa solusyon sa kasalukuyang problema. Mas amoy ang pagpapabango ng pangalan ng mga tumatakbo, kaysa sa nabubulok na sistema.
Marami ang naisasantabi dahil sa kasalukuyang alingawngaw ng nalalapit na eleksyon. Nariyan ang mga kabataang patuloy na nagsusumikap para mabuhay sa lansangan at para sa pangarap, mga programa at aktibidad na bumubuhay sa dalubhasaan, pagdiriwang ng nakaraang pasko sa gitna pa rin ng pandemya, ang pagiging hiyas ng mga katutubong pilipino at mga balitang pampalakasan.